Part 1

3.3K 67 3
                                    

Author's Note:

Kung nabasa mo ang kuwento ng Pahiram Ng Isang Pasko, malamang ay kilala mo na si Luis. Kung hindi mo pa nabasa ang kuwentong iyon, mas maganda unahin mo muna bago ito. This is a spin-off of the said novel.

This book was published in 2017 by Precious Pages Corporation.

Pahiram Ng Isang Pasko was published in December 2015

*********

Recommended reading order as follow:

Barely Heiresses - Vera Mae - Published in February 2015

Pahiram Ng Isang Pasko (December 2015)

*** Puwedeng isunod na agad ang A Taste of Honey (September 2016), More Taste of Honey (January 2017), Taste of Honey - Closure (PHR-approved manuscript, waiting to be published)

 A-Brand-New Christmas for Luis - February 2017

***************

AGAD NA nagsalubong ang mga kilay ni Luis nang makita ang bago niyang sekretarya. Hindi pa rin ito naka-uniform at mukhang sa beach ang punta sa floral summer dress na kulay pink at dilaw na suot nito. Kasing-tingkad ng pink na bulaklak sa damit nito ang lipstick nito. Ang mga balikat ay litaw na litaw dahil mas makitid pa sa penne pasta ang tirante niyon. Hindi ubrang hindi mapapansin dahil parang kumikinang ang makinis na kutis nito.

His lips thinned. Ibinalik niya ang tingin sa ginagawa nito. Hindi niya dapat pagtuunan ng pansin ang physical appearance nito gaano man ito kaganda. Isang bagay na isang linggo na ring bulung-bulungan sa floor na iyon. Grace was stunningly beautiful. Mas bagay itong modelo ng mga produktong pampaganda kesa maging sekretarya niya doon.

Buhos na buhos ang atensyon nito sa pagse-selfie gamit ang latest model na iPhone nito. Hindi lang yata anim na beses na nag-iba ng porma ang nguso nito sa loob lang ng maigsing sandali. At hindi pa nasiyahan, naroong itaas ang cellphone at kinuhanan pa ang sarili sa iba't ibang anggulo.

Tumikhim siya. Pero sorry na lang siya dahil parang wala itong narinig. Selfie pa more ang drama nito. Sa isang banda, bagay naman dito ang ginagawa nitong pagpapa-cute sa sarili. Hindi ito mukhang trying hard. Nang matapos mag-selfie, sinipat naman nito isa-isa ang mga larawan sa gallery.

More than twenty selfies. Napailing si Luis. Mula sa kinatatayuan niya ay kitang-kita niya ang thumbnails sa screen nito. At hindi siya isang math genius kung di niya iyong kayang bilangin sa isang sulyap lang.

Sa wari ay hindi siya napapansin nito. Nag-upload ito ng napiling selfie sa Instagram nito. Tumikhim siya uli. This time, he made it louder and more obvious. Humakbang siya at huminto sa tapat ng mesa nito.

"Good morning, Lui." Kaswal lang ang kilos na nag-angat ito ng tingin. Ni hindi tuminag sa kinauupuan, at ni hindi rin binitawan ang hawak na cellphone.

Lalo siyang nakadama ng iritasyon. "Grace, how many times do I have to tell you that it's Luis? Not Lui. L-U-I-S. Luis. Nakuha mo ba?"

"What's wrong with Lui? Cute nga, eh."

He looked at her disapprovingly. Masyado itong kaswal makipag-usap sa kanya. Hindi sa gusto niyang mag-astang-hari doon pero hinahanapan din niya ito ng distansya mula sa kanya. Ni hindi sila magkaibigan nito. Sadya lang na first name basis sila sa opisina kahit nakatataas siya sa mga ito. "Mabuti pa'y dalhan mo na lang ako ng kape sa office ko." Inilang hakbang niya ang pinto ng pribado niyang opisina.

"With cream, sir?"

"Black!" napipikon na sagot niya. "Kailan ako humingi sa iyo ng hindi black coffee?"

"Sorry, Lui--- I mean, Luis. Naisip ko lang naman baka gusto ninyo ng with creamer. You know, for a change."

Hindi na siya sumagot at padaskol na isinara ang pinto. Kung hindi lang ang mismong presidente ng kumpanya ang naglagay ng sekretarya na iyon bilang kapalit sa nag-migrate sa Australia na sekretarya ay pinatalsik na niya si Grace sa unang araw pa lang nito. Competent naman ito kung tutuusin. Madali nitong natutuhan ang trabahong itinuro dito ni Janice, ang sekretaryang umalis.

Napabuntong-hininga siya. Aaminin niya sa sariling umpisa pa lang ay hindi na niya ito gusto. Wala lang siya talagang magawa dahil galing nga sa itaas ang endorsement nito. Kapo-promote lang niya bilang executive vice president ng Kevin Sunico Investments o mas kilalang KSI, isang corporation na nagbigay sa kanya ng malaking break sa trabaho. At walang iba kundi ang president mismo niyon ang mentor niya. Ayaw naman niyang magkaroon sila ng samaan ng loob kung hindi niya pagtitiisan ang sekretaryang bigay nito.

Grace was his secretary number two. Mas personal assistant ito kesa sekretarya. Ang mas gumagawa ng mga secretarial works ay ang mas matagal na doong sekretarya, si Vina. Okay na rin sa kanya na si Vina na lang ang sekretarya. Nagagawa naman ni Vina ang lahat ng trabaho doon pero ipinilit pa rin ni KS--- si Mr. President na magkaroon ng kapalit ang nag-migrate na isa pang sekretarya. Kailangan daw niya ng isa pa at tamang-tama daw ang inirerekomenda nito sa kanya. Wala na siyang nagawa nang ipadala nito si Grace sa kanyang opisina.

Itinulak ni Grace ang pinto. Ni hindi ito nag-warning knock, pansin niya. Hindi niya tiyak kung kawalan nito ng manners iyon o dahil para bang masyado itong komportable sa kanya. Nakangiti na ibinaba nito sa mesa niya ang kape. "Enjoy, Luis."

Tumalikod na ito. Umiimbay ang magandang balakang. Parang manunuyo ang lalamunan niya nang bumaba pa ang tingin niya. Maigsi pala ang damit nito. Kita ang mapuputing alak-alakan at bahagi ng hita.

"Grace," habol na tawag niya.

"Yes, Luis?" Lumingon ito sa kanya

"Are you aware of the office dress code?" pormal na tanong niya.

"Of course," mabilis na sagot nito. Hindi nagbabago ang ngiting parang permanente na sa mga labi. Kagaya nang una niya itong makita, umaapaw sa self-confidence ito.

"If you do, then, why---" Sinadya niyang ibitin ang pangungusap. Hinagod niya ito ng tingin. Isang bagay na hindi yata niya dapat na ginawa. He was seeing more flesh of her. Mapuputing balikat at makinis na braso. Mahuhubog na binti at hita. Shit, he felt a warm sensation that spread though him. He felt his manhood stirred. Kailan pa siya naakit sa isang sekretarya? Palagi na siyang may distansya sa kahit na sinong kaopisina siya. He was not the type of boss who mix business and pleasure. Isang disiplina iyon na pinaiiral niya sa sarili gaano man kaganda o ka-attractive ang isang empleyada.

Isa pa, hindi rin naman siya ganoon kahilig sa babae. Isang babae lang naman ang inasam niya sa buong buhay niya. Isang babae na malalim na nakaukit sa puso niya. Ipinilig niya ang ulo. Oras ng trabaho. Hindi siya dapat mag-isip ng mga bagay na personal.

"Ay, revealing ba itong suot ko, Luis? Akala ko naman okay lang."

Bumalik ang pansin niya dito. He remained poker face but below his belt, his hardness was visible. Mabuti na lang at nakaupo siya at natatabingan ng malapad na office desk ang katawan niya. "Kung sa isang leisure resort ka pumapasok, walang masama diyan sa damit mo. Pero hindi dito. Alam mong conservative office ito."

"I also know that. Honestly speaking, pambiyahe ko lang ito. Wala pa namang eight o'clock, di ba? Maaga lang tayong pumasok pareho. Mamaya ay magpapalit ako ng proper office attire." Parang naninirya ito na diniinan ang huling tatlong salita. "Anything else, Luis?"

Tiim pa rin ang mga bagang na dinispatsa niya ito sa pamamagitan ng tingin. Nang ilapat nito ang pinto ay saka niya dinampot ang tasa ng kape. Binati siya ng matapang na timpla niyon.

Sa kabila nang hindi niya maipaliwanag na inis sa sekretarya, at hindi rin maipaliwanag na epekto sa katawan niya dahil lang nakita niyang maigsi ang suot nito, aaminin niyang masarap itong gumawa ng kape. 

- itutuloy -

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

You are welcome to like/follow me on the following social media accounts:

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame: Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

A Brand-New Christmas For LuisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon