Maraming salamat sa pagpapaunlak sa istoryang ito! Happy reading! -Juana
* * *
Nagising akong tila nauuhaw. Tagaktak din ang pawis sa aking noo, kabaligtaran ng malamig na simoy ng madaling-araw.
Hindi nakaligtas sa aking pandinig ang magagaang yabag na waring ayaw makagambala sa nahihimbing. Agad akong naalarma. Tahimik akong lumabas sa aking kwarto at tinahak ang pasilyo. Nagtago muna ako sa isang sulok na hindi abot ng lampara.
Sino sila? Paano sila nakapasok?
"Tiba-tiba tayo nito panigurado," rinig kong bulong ng isang lalaki sa kanyang kasama. Kapwa sila nakasuot ng itim mula ulo hanggang paa. Mayroong takip na itim na tela ang kalahati ng kanilang mukha kaya tanging mga mata lang nila ang kita.
Hindi ko lubos maisip kung paano sila nakalusot sa mga guwardiya rito sa mansyon. Ni minsan ay wala pang magnanakaw na nagtagumpay na makaapak dito sa loob. Isa ang Castillo sa pinakamayamang angkan sa aming nayon. Kilala kami bilang mga mag-aalahas at mangangalakal ng ginto. Dahil alam naming mainit kami sa atensyon ng mga magnanakaw, mahigpit na seguridad ang inilagay ni Ama sa aming tahanan.
Kaya paano?
"Ito na yata 'yung silid na pinag-iimbakan nila ng ginto." Akmang pupwersahin ng lalaki na buksan ang pinto nang biglang tumunog nang malakas ang batingaw, hudyat na may nagtatangka sa aming ingat-yaman.
Lumapit ako nang kaunti kahit lubos ang aking kaba. Nakita ko naman ang aking mga magulang na kumakaripas patungo sa naturang silid. Suot pa ang robang pantulog, itinutok ni Ama sa mga magnanakaw ang hawak niyang balisong. "Sino kayo?!" bungad niya.
Ngumisi lamang ang dalawang magnanakaw, ni walang bakas ng pagkasindak kahit nahuli sila sa akto. "Pasensya na ho, Ginoong Castillo. Trabaho lang," sabi ng isa na may halong panunuya.
Hindi nakasabat pa muli si Ama dahil sa sumunod na pangyayari. Nabitin sa ere ang kanyang braso sapagkat unti-unti itong nabalot sa semento at 'di kalauna'y kumalat sa kanyang buong katawan.
Ama!
Walang kurap kong pinagmasdan si Ama na ngayo'y isa nang ganap na estatwa. "Sebastian!" sambit ni Ina bago siya isinunod ng mga walang-awang magnanakaw. Paano nangyari iyon?! Anong kapangyarihan ang mayroon sila?!
Nanginginig ang aking kalamnan sa nasaksihan. Tila nagdidilim ang aking paningin at nagsusumigaw ang aking kaloob-looban. Dumampot ako ng kung anong makuha ko sa paligid at walang atubiling inihagis ito sa direksyon ng isa sa mga lalaki. Saktong tumama ito at bumaon sa kanyang kaliwang dibdib. Maski ako ay nagulat kung paano ko nagawa iyon. Kita ko ang pag-agos ng dugo mula sa kanyang dibdib ngunit wala akong maramdamang pagsisisi.
Sunod ay kumuha ako ng isang bungkos ng mga tuyong dahon sa bakuran at hinipan hanggang sa mabalot ng ginto. Ito ang natatagong kakayahan naming mga Castillo.
"Ano? Handa kayong pumaslang para sa ginto? Para sa yaman?" Lumapit ako at isinaksak sa bunganga ng lalaki ang mga gintong dahon. "'Yan! Masaya ka na?!"
Inilipat ko ang aking tingin sa kanyang kasama na sinusubukan pa yata akong gawin ding estatwa sa pamamagitan ng titig niya. Akala ko'y iyon na ang aking katapusan ngunit nakapagtatakang walang talab sa akin ang kanilang kapangyarihan.
"Hindi kayo makakalabas dito nang buhay," madiing sambit ko.
Nagsimulang tumakas ang isa kaya pumulot ako ng mga tipak ng bato at inihagis sa kanya. Hindi ko inaasahang sasabog ito na parang pulbura pagkatama sa katawan ng lalaki.
Sunud-sunod ang mga putok na umalingawngaw kasabay ng pagkalat ng apoy sa buong mansyon. Ang mga naestatwang gwardiya at kasambahay ay tila nakatingin sa akin at humihingi ng saklolo. Hindi ko sila kayang iligtas lahat...
Binalikan ko ang aking mga magulang at buong-lakas silang binuhat palabas sa naglalagablab na apoy. Hindi ko alam kung masusunog din ba ang mga gintong nakaimbak ngunit wala na akong pakialam.
Wala na akong maramdaman.
Ni hindi ko na makilala ang aking sarili. Hindi ko matingnan ang dugo sa aking mga kamay.
Ito ba? Ito ba ang kapalit ng marangya at maginhawang buhay na aming natamasa? Kung gayon din lang, tunay ngang ang pagkamit ng yaman ay parehong isang biyaya at isang sumpa.
* * *
*batingaw - bell
*balisong - folding knife
BINABASA MO ANG
Sikha
FantasyFantasy | Romance Ang pagpasok sa Bellas Artes Academia ang tanging pag-asa ni Midas Castillo. Kailangan niyang mahanap ang lunas para sa kanyang mga magulang... At para sa kanyang sarili. Paano kung may mas malaking sikreto pa pala siyang matagpuan...