MIDAS
"Maligayang pagbati, Midas Castillo. Tanggap ka na sa Bellas Artes Academia," bungad ng isang lalaking kaboses ng estatwang leon. Nakatalikod siya sa akin habang nakatanaw sa salaming dingding ng kanyang opisina. Siya marahil ang direktor ng eskuwelahan.
Kinakabahan akong lumapit dahil malamang ay nakita niya ang ginawa kong pagpapasabog kanina. At alam niya na ring—
"Isa kang Sikha." Tila narinig nito ang aking iniisip!
Marahan akong tumango. Mahigpit na pinagbilin ng Punong Babaylan na isikreto ko ang pagiging Sikha. Heto naman ako't pabayang binubuko agad ang aking pagkatao.
"Katulad mo rin ako, Midas," sambit nito kaya napatingala ako mula sa aking pagkakayuko. Katulad ko rin siya? Ang mismong direktor ng akademya ay isang Sikha? Hindi ko alam pero parang nabunutan ako ng tinik sa dibdib sa napag-alaman.
Nakaharap na siya sa akin at parang hinuhusgahan ako sa tingin niya. "Ako si Lima Santinel, direktor ng Bellas Artes. Halika't maupo ka saglit."
Lumapit ako at umupo nga sa silyang kaharap ng kanyang lamesa. Sa tingin ko ay wala pa siyang trenta anyos. Malinis ang pagkakorte ng kanyang bigote at balbas. Madarama mo rin sa kanyang tindig ang mataas na awtoridad.
"Ang paaralang ito ay eksklusibo para sa mga Kalikha. Ang pagpapatuloy ng mga Sikha ay lihim lamang," paliwanag niya.
Napalunok ako sa kanyang turan. "Bakit po?" mahina kong tanong.
Bumuntong-hininga siya bago sumagot. "Dahil gulo ang kadikit ng mga Sikha. Gayunman, ang pagpapatuloy sa inyo rito ang pinakamagandang desisyon sa ngayon."
Napakunot ang noo ko dahil pawang magkasalungat ang sinabi niya. Paano naging magandang desisyon iyon kung gulo ang dala naming mga Sikha? Mukhang may mas malalim pang dahilan ito pero natatakot din akong malaman.
May kinuha siyang maliit na aklat at iniabot sa akin.
"Nandiyan lahat ng impormasyong kakailanganin mo— iskedyul ng klase, dormitoryo at mga patakaran ng akademya. Pansamantala ay sa Departamento ng Pananamit ka maglalagi," pagtutuloy niya.
Tanging tango lang ang naitugon ko. Tama ang hula ko na sa Pananamit nga ako mapupunta dahil maalam akong gumawa ng alahas.
"May tanong ka pa ba?"
"Paano po pala 'yung matrikula?" alala ko dahil wala naman akong dalang kahit ano nang pumunta ako rito. Naibigay ko na sa sireno 'yung gintong perlas. Pwede naman akong gumawa ng ginto ora mismo kung kailangan.
BINABASA MO ANG
Sikha
FantasyFantasy | Romance Ang pagpasok sa Bellas Artes Academia ang tanging pag-asa ni Midas Castillo. Kailangan niyang mahanap ang lunas para sa kanyang mga magulang... At para sa kanyang sarili. Paano kung may mas malaking sikreto pa pala siyang matagpuan...