Samu't saring amoy na ang nalalanghap ng ilong ko sa dami ng taong naglalakad sa buong pasilyo ng palengke. Halo-halo na din ng mga sigawan ang naririnig ko na naghahanap ng mga bibili sa kani-kanilang tindihan. Nagmumukha silang mga piranha na naghahanap ng taong pwedeng matikman. Ibang klase talaga kapag wala ka ng pera.
Napabuntong-hininga na lamang ako ng ibinagsak ko mismo sa harap ng amo ko ang huling palanggana na puno ng ibat ibang klase ng isda.
"Oh ito, dalawang daang piso. Balik ka ulit sa susunod." Saad ni Aling Neneng sabay abot sa akin ng dalawang daang piso na pinaghirapan ko buong araw.
Tumango na lamang ako bilang tugon sa sinabi niya. Babalik naman talaga ako 'no. Saan ako pupulutin nito kung wala akong mapagkukunan ng perang ipangkakain ko sa mga alaga kong bulate sa tiyan?
Hay salamat at makakauwi na din ako sa wakas! Gustong gusto ko na talaga kasing umuwi sa bahay, at humiga sa paborito kong higaan. Pagod na pagod na kasi ang buong katawan ko sa pagbubuhat ng mga palanggana na puno ng isda para lang magkaroon ng pera sa pangaraw-araw.
Bakit kasi hindi ako pinanganak na mayaman? Edi sana hindi ako nagdurusa at nagsasayang ng pawis sa kakabuhat ng mga isda sa palengke. Mabuti sana kung mataas ang pasahod ni Aling Neneng pero hindi! Buong maghapon na akong nagbubuhat pero dalawang daan lang ang bigayan, napakakuripot ni hindi naman siya yung nagpapagod buong maghapon.
"Iowa!" Napalingon agad ako sa kanan ko kung saan rinig na rinig ko yung sigaw na tumatawag sa pangalan ko.
Nakita ko agad ang isang lalaking tumatakbong pawisan na papalapit sa aking pwesto. Nang makilala ko ito ay agad naman akong kumaway sa kanya bilang pagbati.
Nakakainis, bakit sa tuwing nakikita ko ang lalaking ito lahat ng pagod at paghihirap ko sa buhay ay napapawi agad? Isang ngiti lang niya ayos na agad ako, isang tawa lang niya masaya na agad ako, at isang haplos lang niya bumabalik agad lahat ng enerhiya ko.
"Aero!" Sigaw ko sa kanya habang may kurba sa mga labi ko.
Aero, 'yon ang pangalan niya. Mas mantanda siya sa akin ng limang taon. Kaibigan ko na siya simula noong bata pa ako, at siya na rin ang tinuring kong pamilya sapagkat patay na yung mga magulang ko. Iba kasi ang nagagawa ng kahirapan kaya't maaga na rin akong naulila sa buhay. Pero, masaya naman ako kasi andyan si Aero at ang mga kapatid niya na nagbibigay liwanag sa madilim kong nakaraan.
Napabalik ako sa realidad ng makita ko ang mga mata ni Aero na binabalot ng takot at kaba. Kitang kita ko rin kung paano niya pinipigilan ang pagpatak ng mga luha sa pisngi niya.
"Iowa, kailangan na nating umuwi. " May awtoridad niyang saad.
Tinitigan kong mabuti ang mga mata niyang sumisigaw ng takot at pangamba. Teka, bakit tila takot na takot siya ngayon? May nangyari bang masama sa kanya o sa mga kapatid niya?
"Aero, sandali. Ano bang meron?" Pagtataka kong tanong sa kanya.
Nakakapanibago lang kasi hindi naman ganito lagi si Aero, laging may ngiti sa mga labi niya tuwing magkikita kami. Napakamasiyahin niyang tao kahit na sandamakmak na ang problema niya sa buhay.
Hindi niya na sinagot ang tanong ko at agad na akong hinila palayo sa palengke kung saan ako nakatayo kanina. Kitang kita ko rin ang ibang taong nagmamadaling umalis sa kanya-kanya nilang pwesto. Yung mga dating naghahanap ng mga piranha para may makain ay nagmukhang sila ang hinahanap para may makain ang mga halimaw.
Sandali, ano ba talaga ang meron ngayon? May gulo bang naganap o magaganap? May pagsabog? Litong lito na ako.
Sinusubukan kong tanungin si Aero pero wala naman akong nakukuhang sagot. Kaya hinayaan ko na lamang siyang hilain ako at baka pag-uwi namin ay may maisagot na siya sa lahat ng katanungan sa utak ko.