MGA TULANG ALAY

114 9 4
                                    

Ang araw na madadagdagan ako ng isang taon ay siyang pinakaayaw kong araw ng taon, at ito'y tumapat na Linggo.

Itinigil ko na ang taunang paggunita. Itinago ko itong lihim sa mga kakilala at itinatanggi sa mga nakakaalala.

Hindi naman kasi ito masaya. Nakakaabala pa nga, sa katunayan. Ayaw kong binabati ako. Hindi ako natutuwa tuwing kinakantyawan at kinakantahan.

Dalawampu't isang taon ako nu'ng huling nagdiwang. Ikatlong pagliban ko na'to. Ang aking kaarawa'y naging petsa na lamang sa mga dokumento't papeles. Matagal nang naglaho ang kabuluhan nito sa'kin. Isinusumpa ko ang araw na isinilang ako sa mundo.

Lumisang parang tatlong oras lamang ang Biyernes, Sabado at Linggo. Ginugol ko ito sa pag-iisa. Ako'y tumahimik at nagnilay, nagpasalamat sa nagdaang taon at kumatok sa Diyos.

Bago ko pa man matanaw ang babae sa tulay, buo na ang balak kong maglaho nang tatlong araw sa ibabaw ng mundo. Ninais ko munang lumayo para makapagmuni-muni.

Napakaraming katanungan sa aking isip.

Palutang-lutang lang ako, hindi alam sa'n lulusot, nagdarahop nang husto sa kalbaryo, mag-isang namumuhay sa barung-barong, kapitbahay ang tambakan ng basura. Madalas binubusog ang tiyan ng bahaw, buto-buto't tirang ulam.

Ako'y hamak na namamasukan sa pagawaan ng lapis, binaon ng pagod at bagot, kakarampot ang sahod at matumal ang asenso. Sa'n ba papunta itong buhay ko? Bakit nga ba nagkaganito?

Anak ako ng mahirap na mag-asawa. Manggagawa ang tatay ko, habang payak na maybahay si Inay. Nanirahan kami ng mga magulang ko at mga kapatid sa pook ng Barangay Tibay. Maaga akong namulat sa kakapusan, pagtitipid at pagtitiis.

Laman ng aking bawat araw ang mag-igib ng tubig sa balon at lumakad nang malayo papasok sa paaralan. Luma ang mga gamit, walang perang baon, kupas ang damit at tsinelas lang ang aking panyapak. Walang luho't walang rangya. Salat ang pamumuhay. Tumanim sa murang isipan ko ang pangarap na makaahon sa hirap.

Ako nuo'y batang patpatin at maliit kaysa ibang mga kaedad, kaya lagi akong nasa bungad ng pila't nakaupo sa unang hilera ng klase. Pagka't kulang sa laki, nagmukha akong mahina, napabilang sa mga tinutukso't inaapi ng mga bulas at siga.

Ismol ang bansag nila sa akin. Pinipitik nila'ng tainga ko, binabatukan, dinadagukan, kinukutusan, at hinuhubuan sa harap ng mga babae. Unti-unting umusbong ang binhi ng muhi sa dibdib ko.

Minsan naglalaro kami ng habulan. Kasali ang isang siga—at siya ang taya.

Humabol siya. Ako ang pinag-initan kahit pa ako'y matulin, hindi madaling hulihin. Kaya lamang, nagkamali ako nang liko, inabutan sa sulok. Sa halip na salingin lang, tinulak ako at dumapa sa lupa. Pagtayo ko, bumato ako ng kanan. Sapul ang panga niya sa kaliwa!

Ipinukol ko'ng lahat ng suntok na kaya ko.

Sa mga sandaling 'yon, ako'y manhid. Wala akong nadaramang kahit ano. Ang tanging nasa isip ko'y basagin ang mukha ng nasa harap ko. Kaya binuntal ko siya nang binuntal, kahit tinatamaan din ako.

Dugyot akong umuwi, putok ang labi, tadtad ng pasa't galos. Kumikirot itong katawan ko, subalit hindi ako umiyak. Guminhawa pa nga ang aking pakiramdam at natikman pakawalan ang galit.

Ito ang simula ng aking kasaysayan ng pakikipag-away.

Kinabukasan, nag-iba'ng tingin ng mga kaeskuwela ko sa'kin. Hindi nila ako inaasar at ginagago. Wari namangha pa nga ang iba. Walang umimik hinggil sa aking kinasangkutang gulo. Matutuklasan ko sa darating na mga araw na nagkaro'n sila ng respeto at takot sa'kin. Mapapabalitang hindi pumapasok ang nakaaway ko pagka't hindi makanguya ng pagkain.

ROMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon