SA BAHAY NA MADILIM

101 7 6
                                    

Mayro'ng mga yabag at kaluskos. Kumakahig ang ingay ng binubuhat at kinakaladkad. Umuungol, dumaraing ang mga dumaranas ng sakit.

Ang tanging nakikita ko lamang ay kadiliman sa paligid.

Silang naririnig ay parang mga iniwang talunan sa labanan, tinitipong mga sugatang gagamutin at mga bangkay na ililibing.

Sabi nila, ang huling nawawala sa pumanaw ay pandinig nito.

"Buhatin mo!" inutos ng garalgal na lalaking boses.

"Bilisan n'yo! Dali!" bitaw naman ng isang nangangarag. Kumikilos nga ang mga nasa palibot ko.

Nasa bunganga na ako marahil ng impiyerno, at sila namang abot-rinig ay mga demonyong dumagit sa mga nagdurusang kaluluwang itatapon sa dagat-dagatang apoy.

Buong akala ko, makikita ko pang aking katawan sa sandaling humiwalay ang kaluluwa rito. Hindi ganu'n ang nangyari, sapagkat ang lahat ng nakikita ko'y itim lamang.

Naglalakbay ang diwa ko. Kaunting usad pa siguro, ibubungad ang iyakan ng mga sumuway at mga hangal, mga kahayupang salita't murahan, susundan ng sangkatutak na kalapastanganan sa Maykapal.

Ilang patak lang ng saglit, tatanggapin ang perdisyon, kung saan ang makasalana't ayaw magsisi'y tatahak pagkamatay. Haharap sa gimbal at kapangitan ni Satanas, walang tigil na nginunguya't ginigiyagis ang mga naro'n sa imbing kaparusahan.

"Hindi tayo mahal ng Diyos!" tila mayro'ng hiyaw sa malayo, ngunit guniguni ko lang siguro iyon sapagkat naglaho rin agad.

Di nagtagal, unti-unting humuhupa ang ungol ng nahihirapan, humina ang ingay ng nagbubuhat at kinakaladkad. Tinabunan ito ng tunog ng binubungkal na lupa. Mayro'n akong naramdamang tubig na pumapatak sa'kin, at napagtantong ako'y nakabulagta.

"Ano itong nangyayari?" tanong ko.

Nagpatuloy ang pag-ambon, hanggang maimulat ko'ng mga mata. Namasdan ang kalawakan, mga tala't nahuhulog na ulan. Tumatangis ang langit.

"Totoo bang nakikita ko? O nagdedeliryo't nahihibang ako?"

Bumangon ako't lumingon sa palibot. Natagpuan ko ang sarili sa kalsada, nasa tapat ng bahay na madilim. Dumudukal pa rin ang naghuhukay. Natanaw ko sa malayo ang mga binubuhat, kinakaladkad at inaakay na ginulping pangkat ng kalalakihan — ang mga sangganong kampon ni Ocho, mga halang ang bituka.

"Buhay pa'ko?" kumapa ako sa dibdib.

Mayro'ng langib.

Hindi ako makapaniwala, namumula't tigmak ng dugo ang aking suot na damit, at may punit sa bahaging sinaksak.

Himalang ako'y nabuhay, inagaw sa labi ng imbing kamatayan.

"O Diyos ko," usal ko sa langit. "Salamat po."

Naglaho sa'king masid ang pangkat na lumilisan. Ako na lang ang mag-isang natira sa abandonadong daan, dumanak sa isip ang morenang tumakas kasama ni Ocho. Kaysakit isiping hindi man lang siya lumingon pabalik, hindi man lang ako sinubukang sagipin.

"Iniwan niya talaga akong naghihingalo't agaw-buhay? Nagawa niyang hayaan lamang akong namamatay?" anas sa'king sarili.

Lumalakas ang bagsak ng ulan, at basang-basa na'ko. Patuloy pa ring kumakahig ang nagpapala ng hukay. Tumungo ako sa madilim na bahay para makisilong.

Bumungad agad ang kakaibang masamang amoy nang pumasok ako, at naaninag ang mga nilalaman nitong ari-arian ni Ocho.

Sumilip ako sa paligid, siniyasat kung ano ang mga bagay sa sahig, at naintindihan ang ibig sabihin ng babaeng nagbanggit na ako'y umiiskor at parokyano.

ROMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon