Chapter Thirty-six

58.9K 1.3K 130
                                    

Amy's POV

            Matagal akong supervisor sa Japanese restaurant kung saan kami nagkakilala ni Carlo.  Sa araw-araw kong pakikisalamuha sa tao, sa dalas kong pakikipag-meet sa mga boss ko ay natuto akong tumikim ng alak pero kahit kailan ay hindi ko ginawang bisyo. Social drinking lang. Ayoko ng amoy ng alak. Ayoko ng feeling ng nakainom. 'Yung pagkatapos mong uminom ng mapait na alak na parang apoy na gumuguhit sa lalamunan ay mararamdaman na ang hilo. Mararamdaman na ang paggaang ng lahat at parang nawawala na sa sarili. Ayokong nararamdaman iyon.

            Pero ngayon, gustong-gusto ko ang feeling ng nakainom. Gustong-gusto ko ang pamamanhid ng sarili ko sa tuwing malalango ako sa alak. Kasi nakakalimutan ko ang lahat. Nakakalimutan ko ang sakit ng pagkawala ng anak ko.

            Nakaya ko noon na mawala si Carlo. Tinanggap ko na kahit kailan hindi mabubuo ang pamilya na pinangarap naming dalawa para sa anak namin. Pero ngayon, nawala na si Carlo, nawala pa ang anak ko. Iyon ang pinakamasakit kasi kinuha ang nag-iisang magiging kakampi ko.

            Wala ng direksyon ang buhay ko. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Kahit ilang linggo na akong nakaalis mula sa poder nila Bullet, hindi pa rin naman ako umuuwi sa bahay namin at hindi pa rin ako nagpapakita kay Liv. Hindi ko kaya. Hindi ko pa kayang mag-explain.

            Umiikot na ang paningin ko dahil dalawang bote na ng 500ml na Red Horse ang nainom ko. Basura ang lasa ng beer na ito ibang klase ang tama. Ayoko ngang maniwala sa commercial tag line nila na lakas ng tama pero hindi wasak. Hindi totoo 'yun. Sa tuwing iinom ako nito lagi na lang akong nawawasak.

            "Amy. Ano na naman 'to?"

            Hindi ko pinansin si Sheng na lumapit sa akin at dinampot ang basyo ng bote ng beer mula sa tabi ko.

            "Lasing ka na naman?" Naiiling na tanong niya. Itinapon niya sa basurahan ang bote.

            Umiling lang ako at pinilit kong umayos ng upo para magmukha akong normal. Nakakahiya pa rin kay Sheng dahil bahay niya ito, nakikituloy lang ako at nakikisuyo na tulungan niya.

            "Normal ako. Pasensiya ka na kung medyo nakainom lang pero normal ako." Sagot ko sa kanya at isinandal ko ang ulo ko sa dingding.

            Narinig ko ang malakas na buntong-hininga ni Sheng kaya tiningnan ko siya at nakita kong nakaupo siya sa tapat ko.

            "Ayaw mo pa bang umuwi sa inyo? Hinahanap ka ng kapatid mo." Napapailing si Sheng. "Hindi mo na kailangan na magtago dahil alam na ng lahat na buhay ka. Kahit nga nagulat ako ng bigla kang sumulpot dito. Akala ko talaga multo ka." Natawa pa siya.

            Natawa rin ako at napadighay. Napangiwi ako sa sama ng after taste ng alak.

            "Gusto mo na ba akong paalisin dito? Pabigat na ba ako?"

            Si Sheng na lang ang nag-iisang tao na puwede kong mahingan ng tulong ng umalis ako kina Bullet. Kasamahan ko siya sa dati kong pinapasukan at kaibigan na rin. Close kami at alam kong tutulungan niya ako ngayong humaharap ako sa isang malaking problema.

Dinukot ko mula sa likod ng inuupuan kong sofa ang isa pang bote ng beer na itinatago ko doon.

            "Anak ka ng tinapay, Amy. May tago ka pa? Diyos ko, kailan ka pa naging sugapa sa alak? Hindi kita nakilalang ganyan." Mabilis na inagaw ni Sheng ang bote ng beer na hawak ko.

            "'Nung nawala ang anak ko." Nabasag ang boses ko ng sabihin iyon. Bumigat na naman ang pakiramdam ko ng maalala ko ang mukha ni baby Hunter. Naalala ko 'nung una at huli ko siyang nakita sa ospital tapos 'nung sumunod abo na siya at nakalagay na sa urn. Nag-uunahang maglandas sa pisngi ko ang mga luha ko kaya mabilis kong pinahid iyon.

Pretending Mrs. Acosta (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon