MY KILLER
(SUSPENSE)"NORMAL lang na magkaroon siya ng temporary amnesia dahil sa injuries na tinamo niya sa kanyang ulo. Huwag n'yo siyang madaliin. Kusang magbabalik ang mga alaala, maganda at pangit, malungkot at masaya, dahan-dahan man, o paunti-unti. Suporta at pang-unawa, 'yan ang kailangan niya sa ngayon. Ipaaayos ko na ang bill n'yo para any time na gugustuhin n'yo ay pwede n'yo na siyang maiuwi."
'Yan ang narinig kong sinabi ng doktor sa babae't lalaking nagpakilala sa akin bilang mommy at stepfather ko. Ipinagpatuloy ko ang pagpapanggap na natutulog upang muling makiramdam. Wala akong maalala sa mga nangyari sa akin ngunit ang pakiramdam na 'di ako ligtas ay nandito sa utak ko. Isang buwan na mula nang magising ako mula sa mahigit tatlong buwan na pagka-comatose; dito sa loob ng silid ng hospital na ito. May benda sa ulo, namamaga ang mga matang may mga bakas pa ng mga namumuong dugo, naka-cervical collar, nakasemento ang kaliwang binti at kaliwang braso, at puro sugat at pasa sa buong katawan. Mga mata ko lang ang nagagawa kong igalaw. Isang kurap kapag OO at dalawang kurap kapag HINDI ang tanging naisasagot ko sa mga itinatanong sa akin. Milagrong nagising pa raw ako; nabuhay pa gayong nang matagpuan daw ako ng isang grupo ng mountain climber ay halos pinapapak na ko ng mga insekto. Muling kumirot ang ulo ko nang subukan kong alalahanin kung ano ang nangyari sa akin, kung paano ako napunta sa ibaba ng isang matarik na bangin.
Nakalapit agad si Mommy sa akin. Nag-aalala niyang mukha ang namulatan ko. Masuyo niyang hinaplos ang aking buhok, ang noo, ang pisngi pababa sa aking leeg at balikat.
"Masakit na naman ba ang ulo mo? Huwag ka na munang mag-isip, anak. Ang mahalaga'y buhay ka."
"Tama ang mommy mo. Baka makasama sa iyo kung pipilitin mong alalahanin kung ano ang nangyari. Temporary lang daw 'yan sabi ni Doc. Maaalala mo rin ang lahat."
Tinignan ko naman ang mga mata nila. Pareho silang nakangiti ngunit maluha-luha. Nakangiti akong tumango. Tinulungan ako ni Mommy makatayo. Inihatid ako hanggang sa pintuan ng banyo. Nang makapasok, naghilamos ako. Itinukod ko sa lavatory ang mga kamay at saka pinagmasdan ang sarili sa kaharap na salamin. Malinaw na ang paningin ko ngayon. Normal na ang mga mata, tuyo na ang mga sugat, wala na ang mga nakalagay sa ulo, leeg at braso. Nakalalakad na ako kahit paika-ika at nakagagalaw na bagama't mabagal. Naalala ko ang sinabi ng imbestigador. Hindi raw aksidente ang nangyari. May gusto raw pumatay sa akin.
Bakit? Sino? Ipinilig ko ang ulo habang mariing pikit ang mga mata.
"Shit!" Nasambit ko out of frustration. Isang buwan na pero wala pa rin akong maalala. Umalis daw ako papunta sa debut ng bestfriend ko. Ang paalam ko raw ay doon na matutulog. Nakarating naman daw ako at naki-party. Pero pagkatapos ng cotillion ay 'di na ko nakita, at pagkaraan ng dalawang araw ay natagpuan ang katawan ko sa bundok: sa pagitan ng Quezon, Laguna at Nagcarlan.
Naigtad ako nang marinig ang tatlong ulit na katok sa pinto. Kumudlit ang liwanag sa utak ko.
"Are you alright?" Tanong ng nasa labas.
Umikot ang paningin ko nang maalala ang tanong na 'yon. Parang pelikulang slow motion, distorted ang sounds. Nasa tapat ng mukha ko ang nagtatanong pero malabo ang itsura. Napahawak ako sa ulo ko. Parang nasusuka ako.
"Oh, my God!"
Narinig ko bago tuluyang mawalan ng malay sa paligid.
MAHINANG pagtatalo nina Mommy at Tito ang gumising sa akin.
"She's fine. Ipinaliwanag na 'yan sa atin ni Doc. Normal lang na makaramdam siya ng gano'n." Tila napipikong paliwanag ni Tito.
"Gusto ko lang siguruhing maayos na nga ang anak ko. Kamuntik na siyang mawala sa akin at 'di ko hahayaang maulit 'yon." Na-touch ako sa sinabing 'yon ni Mommy.
BINABASA MO ANG
NOBELISTA
Short StoryApat na maiikling kuwentong mula sa iisang senaryo. Iba't ibang kasaysayan mula sa apat na kategorya. Isang paghahanda sa mas malaking hamon bilang isang NOBELISTA, at pasasalamat na rin sa patuloy ninyong pagsubaybay at pang-unawa. HORROR- TWENTY...