LARAWAN
(ROMANCE)
DRAMAMALAKAS na busina ng dyip ang tila gumising sa nakalutang kong isip habang naglalakad sa kalsada.
"Hoy! Ano na? Kay aga-aga'y pakalat-kalat ka. Kung magpapakamatay ka huwag kang mandamay. Bwisit!" Sigaw ng drayber.
Mapakla akong napangiti, at saka huminto sa gilid ng bangketa. Magpapakamatay? Lahat ng may buhay ay mamamatay. At ako, humihinga lang ngunit pakiramdam ko'y matagal na akong patay. Namatay ako nang araw na umalis ang asawa ko't anak.
Naupo ako sa tapat ng nakasarado pang tindahan ng mga appliances. Kinandong ang dala-dalang bag na naglalaman ng ilang gamit at pinanood ang mga taong naglalakad. Ilan sa mga ito'y animo nandidiring madikit sa akin. Hindi ko sila masisisi. Ilang araw ko nang suot ang luma kong daster. Nakapaliligo man ako sa mga kubeta ng pampublikong palengke ay ito pa rin ang muli kong isinusuot. Sa lansangan ako nakatira. Usok at alikabok ang parati kong kasama. Naiinitan kung araw, nilalamig kung gabi, at nababasa kung umuulan. Nakadikit na sa balat ko at anit ang amoy ng natuyong pawis at alimuom. Lumalaban na sa nangingitim na ngipin ng suklay ang matigas na hibla ng aking buhok. Maging ang lastiko ay sumusuko sa paggapos sa mga ito. Maaari nang pagtamnan ng kamote ang nagkapatong-patong kong libag sa balat. Ang mga sakong ko ay nagnanaknak na sa laki at lalim ng mga tibak. Ang mga kuko ko'y nagsitigas na sa kapal ng dumi sa loob. Hindi na magawang pudpurin ng mga ngipin kong naninilaw sa kapal ng dumi at tinga. Hindi na rin ako nagtataka kung ang iba'y lumalayo sa akin. Natatakot silang baka ako ay magwala at manakit, o may sakit na nakahahawa.
Nangiti ako at napailing. Hindi kasi nila alam kung bakit. Kailangang parati akong madungis, nanlilimahid at mabaho upang 'di na magahasa uli. Kailangan mahaba at matibay ang aking mga kuko upang may magamit na armas sa magtatangkang manakit. Mukha lang akong baliw ngunit matino ang aking isip. Napagmamasdan ko ang nangyayari sa paligid. Updated at aware, sabi nga sa wikang inggles na madalas kong marinig sa mga kabataang nagkukwentuhan habang naghihintay ng masasakyan. Alam ko ang tungkol sa internet, ang sikat na facebook, youtube, instagram, tweeter, wattpad kung saan nagkakagulo ang mga tao lalo na ang mga kabataan sa pagpila sa mga book store at mall na kinaroroonan ng mga hinahangaang manunulat, lalo na ang mobile legend at iba pang online games na kinahuhumalingan 'di lamang ng mga kalalakihan at kabataan, at marami pang iba. Napanood ko ang laban ng pambansang kamao, at ang pagpapabagsak sa amerikanong negrong nakalaban. Napanood ko ang SONA ng pangulo, alam ko ang mga pangalan ng bagyong dumating, umalis at paparating, nasusundan ko ang mga balita, ang pagtaas ng singil ng elektrisidad, ng tubig, ng gasolina, ng mga bilihin. Ultimo ang paghihiwalay nina Gerald Anderson at Bea Alonzo dahil daw kay Julia Barreto ay alam ko rin. Alam ko ang mga bago at 'di matapos-tapos na teleserye, telenovela, koreanovela sa dalawang bigating TV Network na magkalaban. Pati na ang ilang tsismis tungkol sa mga kaliwaan, ahasan, reklamo sa trabaho, katrabaho, mga magulang, mga kapatid, guro at kung ano-ano pa na parati kong naririnig sa mga taong nakapila sa may hagdan ng LRT at MRT. Marami akong alam at mga lugar na napupuntahan na hindi alam at 'di pa napupuntahan ng ilan sa mga taong diring-diring sa akin. Gusto kong isiping mas maswerte pa ako sa kanila. Habang sila'y nakagapos sa mga responsibilidad, ako'y heto at malaya. Habang sila'y halos makuba sa pagkita ng pera upang matugunan ang mga pangangailan, ako'y heto at kuntento na isang balot na tinapay at tubig NAWASA. Habang sila'y naghahangad ng disenteng pamumuhay, ako'y heto't makaraos lang sa bawat araw ay sapat na. Habang sila'y napasasaya, at nag-iingat sa kani-kanilang pag-aari at yaman, ako... ang iniingata'y ang nag-iisang larawan ng aking mag-ama. Ang nag-iisang ari-ariang kasama ko kahit saan. Habang pinagmamasdan ko ang makisig na mukha ng aking asawa'y nagagawa kong ngumiti. Habang hinahaplos ko ang nakangiting mukha ng walong buwan kong anak na ang suot na headban at sapatos ay ako ang naggantsilyo'y nakararamdam ako ng tuwa. Dito'y nayayakap ko sila, nahahagkan, nakakasama. Anumang oras na gusto ko silang makita'y nandito lang sila sa loob ng aking bag; 'di na kailangang hanapin. Sila ang natatangi kong yaman.

BINABASA MO ANG
NOBELISTA
Cerita PendekApat na maiikling kuwentong mula sa iisang senaryo. Iba't ibang kasaysayan mula sa apat na kategorya. Isang paghahanda sa mas malaking hamon bilang isang NOBELISTA, at pasasalamat na rin sa patuloy ninyong pagsubaybay at pang-unawa. HORROR- TWENTY...