MISTIKA

1.2K 49 6
                                    

MISTIKA
(EROTIC)
ROMANCE

MISTIKA, 'yan ang pangalan ko sa pinagtatrabahuhang club. Tuwing Miyerkules, Sabado at Linggo ng gabi, ang halos hubad kong larawan ang naka-display sa harapan; sa makikita agad ng mga naghahanap ng kakamot sa nangangating libido, at napalilibutan ng gumagalaw na ilaw. Erotic dancer, ako 'yan. Kung paglalabanan ang katawagang The one and only at The hottest, may nanalo na.

Marami ang nakakakita sa katawan ko ngunit hindi sa aking mukha. Iyon ang napili kong gimik upang maging kapana-panabik sa mayayamang lalaking kaya ang presyo ko maka-table lang, at upang maitago na rin ang aking mukha. Babaeng bayaran, 'yan lang ang pinapayagan kong itawag sa akin at 'di ang linyahan sa pelikula nina Vilma Santos at Dina Bonnevie. Hindi ako parang tindahang bukas sa lahat ng gustong kumain. Nakalulula ang presyo ko. Sino ba naman ang papayag magbayad ng one hundred thousand sa bawat tatanggalin kong saplot sa katawan bago ako ikama. Wala rin nangangahas mag-alis ng maskara sa isang Mistika. Kung may malakas man ang loob, sa hospital na ito pupuntahan ng pamilya. Ako ang hubaderang nirerespeto ng mga lalaking sumasamba sa santa-santita.

Ang sabi ng mama ko sa amin noong bata pa kami ng kapatid ko; noong ang alam pa lang naming laruin ay piko, taguan, teks at chinese garter, ang maganda raw at seksi lalo na kung makinis ang balat ay 'di magugutom. 'Di na raw kailangan ng college diploma para makapaghanap ng trabahong may malaking sweldo. Mag-uunahan pa raw ang mga lalaking ilagay sa paanan namin ang lahat ng magugustuhan. Mukha at katawan lang daw ay sapat nang puhunan upang guminhawa ang buhay namin. Sa kaso ko, tama siya. Sa ngayon, tama pa rin siya. Ang mga lalaki, 'di man lahat ngunit mas marami ang 'di nakukuntento sa isa. Marami ang gago, taksil, at walang kwenta. Beauty queen man ang mga asawa, o nobya ay magloloko pa rin ang mga 'yan. Matino man, at donselya ang pinakasalan at pinangakuan ng kasal, mambabae pa rin ang mga 'yan. Maglalaro pa rin ng mga manikang hubo't hubad.

Muli kong pinagmasdan ang sarili sa kaharap na life size mirror sa aming sala. Itim na Chuck Tailor shoes, maong na pantalon, maong na jacket na may puting T-shirt sa loob, nakapusod na buhok, nakapaloob ang walang make-up na mukha sa itim na motorcycle facemask. Sino ang mag-aakalang ang balot na balot na babaeng 'to ay gigiling sa ibabaw ng stage pagsapit ng alas onse ng gabi, alas dose ng hatinggabi, ala una ng madaling araw, at unti-unting maghuhubad? Mapakla akong napangiti.

"Mama, punta ka na opis?" Napalitan ng masayang awra ang seryoso kong mukha sa paglapit ng dalawang taon kong anak.

"Yes po, handsome little boy. Bakit? May gusto ka bang pasalubong?"

Mabilis siyang umiling. "Mama, akap." Pagkasabi'y iniangat niya ang mga braso. Nagyakap kaming dalawa. Ibinaba ko sa ilalim ng baba ang telang nakatabing sa aking bibig at saka siya pinaliguan ng halik sa mukha at leeg.

"Ambango-bango talaga ng little boy ko. Huwag kang magpupuyat ha. Tulog kang maaga para maging big boy ka na."

"Yes po, Mama. Teyk ker."

"Yes po. See you tomorrow." Nasisiyahan kong hinaplos ang kanyang buhok. Nagtatakbo na siya palapit kay Mama na nakahiga sa sofa.

"Cita, kayo na ni Jin-jin ang bahala kina Mama at Shawn. Kung emergency, tawagan mo agad ako. Jin-jin, paglabas ko i-lock mo na ang gate at itong pinto. Bago kayo matulog double check n'yo ang lock ng mga bintana at pinto."

"Opo. Ate." Halos magkasabay na sagot ng dalawa kong katuwang sa bahay. Mula nang ma-stroke si Mama at magkaroon ng komplikasyon sa kidney ay kinuha ko na rin ang serbisyo ng bunsong kapatid ni Cita. Mapagkakatiwalaan ko sila sa bahay at maaasahan sa pag-aalaga kina Mama at Shawn.

"Ingat po, Ate." Bilin pa ni Jin-jin nang magsuot ako ng helmet at sumakay sa aking motorsiklo. Hinintay ko munang maisara niya ang gate bago 'ko umalis. Walang kaalam-alam ang magkapatid sa tunay kong trabaho. Buong akala nila'y isa akong call center agent. Umaalis sa bahay alas singko ng hapon at patanghali na kung umuwi. Ang totoo'y tumutuloy muna ko sa apartment ng bestfriend kong si Aida. Doon ko iniiwan ang motor ko. Doon na rin ako nagbibihis, nag-aayos at nagsusuot ng maskara, at saka sinusundo ng kotse ng manager ko. Si Aida na lang ang totoong call center agent. Hindi ko maipada-dialysis si Mama kung do'n pa rin ako magtatrabaho. Alam niya ang kasaysayan ng buhay ko. Lahat, pati bulok. Sa bahay niya rin ako umuuwi, at doon natutulog hanggang alas nueve ng umaga. Bago mag-alas diez ay nasa bahay na ako. Walang nag-aakalang dalawa ang aking mukha. Isang simpleng babae sa umaga, at palaban t'wing gabi.

NOBELISTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon