Ang mga kuwento ni ate Sandy: Totoo ba ang Aswang?

58 2 0
                                    


Naalala ko lang na noong bata pa kami, lagi kaming nagpapa-kuwento doon sa kasambahay ng pinsan ko tungkol sa mga sinasabing 'Aswang' na siyang mga halimaw na pwedeng mag-katawang tao. 

Galing kasi sa probinsya si ate Sandy at kahit bata pa ang edad niya, ay marami na daw siyang karanasan na nag-papatunay na totoo ang mga Aswang. 


Ayon sa isang kuwento ni ate, nangyaring mag-isa lang siyang natulog sa bahay nila sa probinsya dahil tumawag ang kaniyang kasama sa bahay na baka bukas na raw siya makauwi. Sanay nanaman daw si ate na ginagabi, o gaya nga ng ganitong kaso, ay inuumaga na ng uwi ang kasama kaya naman kaniyang kaniya ang bahay noong gabing iyon. 

Wala raw silang karatig bahay. Sa probinsya daw nila ay magkaka-layo ang mag-ka-kapitbahay kaya nga naman mga lima o sampung minuto (hindi ko na gaanong matandaan kung gaano katagal ang sinabi sa amin ni ate) bago ka makakita ng susunod na bahay. Hindi rin daw masyadong maliwanag sa labas dahil hiwa-hiwalay rin daw ang mga poste. Mangyaring pundido na halos ang posteng naka-tayo sa labas ng bahay nila ate kaya naman hindi na ito ganoon ka-liwanag. 


Iniiwan daw ni ate laging bukas ang ilaw kahit papatulog na siya kasi hindi pa rin daw niya maalis yung natural na takot pag siya'y nag-iisa. 

Nakatitig lang daw siya sa kisame, hinihintay ang antok, ng biglang parang may tumatakbo sa labas. Tahimik noon kaya kung andoon ka'y maririnig mo ang lupa't dahon-dahon na parang may tumapak o gumalaw. 

Isang instinct ang biglang bumalot kay ate Sandy at bumangon ito ng madali sa kama para isara ang pintuan at bintana. Hindi posibleng aso ito o hayop dahil sa katagal tagal na nakatira si ate sa bahay nila ay ni walang aso o hayop ang naligaw at napadpad sa lugar na iyon. Habang sinasara niya ang bintana sa may bandang kusina ay biglang tumiktik ang isang butiking naka dikit sa dingding. 

Kinilabutan si ate. Ang sabi niya sa amin, kapag tumiktik daw ang butiki habang naka-dikit sa dingding ay mayroon daw tao (tao nga ba?) ang nasa taas ng bubong. 

Katahimikan uli. Ngunit matapos ang sadlit na katahimikan, ay para bang nahulugan ng napaka-bigat na buko ang yero ng ito'y kumalabog. Muntikan nang mapasigaw ang ate, buti na lang daw ay natikom niya ito ng kaniyang kamay. Imposible rin daw na buko o anu-ano pang prutas iyon dahil hindi naman namumunga ng prutas ang punong nakatanim sa labas. Isa pa, hindi naman daw ganoon kataas yung puno na lalagpas ito ng bubong ng bahay. 


Naririnig niya na tila may nag-la-lakad... gumagapang? Sa itaas. Tumiktik muli ang butiki. Nanigas si ate Sandy. Hindi siya makalakad sa takot na baka makagawa siya ng ingay. Nasa taas na niya ang kung ano mang naglalakad sa bubong ng bahay. 

Maya maya't may naaninag siyang anino sa bintana na bumaba galing bubong ngunit hindi niya na mawari kung ano ito. Unti unti siyang lumakad pabalik ng kama, lalong hindi papatayin ang ilaw. 

Naghintay rin siya ng matagal-tagal sakaling bumalik kung ano man ang nasa labas. Katahimikan. Wala na ito at rumetiro na kung saan man ito nanggaling. 


Nagising na lang siya ng tumatawag na pala ang kasama sa bahay na kanina pa daw kumakatok. Pinag-buksan ni ate Sandy ng pintuan ang kasama at medyo nairita pa nga daw bakit antagal mag-bukas ng pinto. 


Ayon sa paliwanag ni ate Sandy, ito daw ay yung pakiramdam na may mamamatay tao sa labas, ngunit alam mong hindi tao ang katapat mo. Yung para kang nasa isang horror movie kung saan kailangan mong taguan ang killer. 

Ngunit sanay na rin daw si ate Sandy kapag bumabalik siya sa probinsya. Dumating sa punto na parang isang laro na lang ito sa kaniya: isang laro na kung magkamali lang siya ng galaw, ay hindi niya alam kung makakabalik pa siya sa amin dito sa Maynila. 


Ang Ghost Stories ni JamieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon