"HI, MATT!" bati niya sa asawa ni Dindin nang pati ito ay madatnan sa opisina ng babae.
Actually, hindi lang niya ito basta nadatnan. Huling-huli niya ang kissing scene ng dalawa. Nahaluan tuloy ng panunudyo ang ngiti niya. Natutuwa siyang tingnan ang dalawa. Walang dudang in love na in love. But of course, noong isang araw lang ito umuwi buhat sa honeymoon sa isang high-class resort sa Palawan.
"Hello, Vivien Leigh," he greeted back with a charming smile.
Tumawa siya. "Alam na alam mo kung paano ako paliligayahin, Matt." At binalingan si Dindin. "Bohemyo ang asawa mo. Tingnan mo, nagpi-flirt sa akin samantalang kaharap ka pa mismo."
Ngumiti lang si Dindin. "Hayaan mo siya. Alam naman niya kung hanggang saan lang ang flirtation na puwede niyang gawin sa iba." Then she looked at her husband lovingly at muling tumingin sa kanya. "Ready na iyong brownies. Dadalhin mo na o dito ka na magme-merienda muna? Sumabay ka na sa amin ni Matt. May chicken a la king ako diyan."
Inilabas niya ang wallet. "Babayaran ko na lang iyong brownies. Sa itsura ninyo ni Matt, mukhang ngayon pa lang kayo nasa honeymoon. Baka mamaya, langgamin kayo ay madamay pa ako. Masakit yatang makagat ng langgam."
"Huwag mo nang bayaran. Libre na."
Nagulat siya. Kahit magkakaibigan silang mga wedding girls, hindi naman nila iyon sinasamantala sa pagkuha ng libre sa produkto o serbisyo ng bawat isa. "Bakit? Malayo pa ang birthday ko."
"Treat ko." Kulang na lang ay umabot hanggang magkabilang tenga ang ngiti ni Dindin. "I'm pregnant."
"Last week pa lang kayo ikinasal!" bulalas niya at saka natutop ang bibig. Nagkatinginan naman ang mag-asawa at saka nagtawanan.
Hinapit ni Matthew sa bewang ang asawa. "Babe, hindi ko alam na conservative pala itong si Scarlett."
"Hindi!" biglang bawi niya. "N-nagulat lang ako." Tumayo siya at hinalikan sa pisngi si Dindin. "Congratulations! Ninang ako paglabas niyan, ha?"
"Oo naman. Teka muna, bakit parang mas malungkot ka kaysa masaya para sa amin?"
She forced a brighter smile. "Hindi naman sa malungkot. Naisip ko lang bigla, kayo ni Lorelle, pareho nang nagpapamilya. Saka siyempre si Eve, naka-dalawang baby na rin. Nasaan na ba iyong brownies?"
Bumitaw si Dindin sa pagkakayakap sa asawa at sinamahan siyang lumabas. "Ikaw ba, doon pa rin sa O'Hara na iyon nahihibang?" prangkang tanong nito.
"Ano ka ba naman, alangan namang mayroon pang ibang lalaki?"
"Scarlett, huwag mong isiping pinapangunahan kita. Kaya lang, hindi ba parang ang pangit namang tingnan na ikaw ang nagpapakita ng motibo sa isang lalaki?"
"Excuse me, Dindin. Hindi pa ako nagpapakita ng motibo. I mean, pa. Wait till I do what I have in mind."
"Scarlett..."
"I have to go, Dindin. Baka makaalis si Chad, sayang naman itong brownies. Kapag nagbunga ang hirap ko sa kanya, iti-treat ko ang lahat ng wedding girls!"
Obviously, hindi aprubado kina Eve at Dindin ang ginagawa niya para kay Chad. Pero sorry na lang ang lahat kasi siya ang taong mientras kinokontra ay lalo niyang ginagawa ang isang bagay.
"HELLO, Chad." Matamis ang ngiting nakapamilaylay sa mga labi niya nang pumasok siya sa private office ng lalaki.
"Oh, Scarlett," polite na ganti nito sa bati niya. "Napasyal ka?"
Pa-cute na sumimangot siya. "Ano ka ba naman, Chad. Dinalhan kita ng brownies kaya hindi dapat ganyan katabang ang tono mo sa akin." Humakbang siya patungo sa isang panig ng opisina nito kung saan naroroon ang personal pantry. Nasa platito na ang isang brownies nang lumapit siya uli dito. "Iyan, tikman mo. Masarap iyan. Gusto mong kape? Right, bagay iyan sa kape. Wait, I'll make you a cup."
"Scarlett, don't bother."
Napahinto siya sa tangkang pagpihit.
"Katatapos ko lang magkape, thank you."
Mabilis naman siyang tumango at naupo sa upuang nasa kaibayo ng mesa nito. "Tikman mo na iyang brownies. Pinagawa ko pa talaga iyan para sa iyo."
"Bakit?"
"Bakit? Wala. Naisip ko lang na sobra ka nang busy, hindi mo na magawang makatikim man lang ng dessert. Remember, noong isang araw ay nag-treat si Papa ng lunch sa ating dalawa. You had an important call. Ni hindi mo nga nakuhang ubusin ang main course."
"Nagkataon lang iyon," sagot ni Chad. Binuklat nito ang mga papeles na nasa mesa nito. Sa kilos ay halatang mas itinuon ang pansin doon kaysa sa pakikipag-usap sa kanya.
Hindi niya iyon pinansin. "Chad, don't tell me you're going to snub my brownies. Magtatampo sa iyo ang grasya."
Pumirma muna ito ng ilang beses bago inabot ang platito. "Masarap," anito matapos nguyain ang maliit na piraso. "Thank you."
Kay dali naman niyang paluguran. Sa ginawa ni Chad ay masaya na siya. "Nasa pantry iyong iba pa. Mamaya, kung wala ka pang balak na umuwi at magutom ka, puwede na rin iyong pamatid-gutom. Aalis na ako, Chad. Ayoko namang makaabala sa iyo nang husto."
"Sige. Take care."
Isang paghinga ang ginawa niya at lumigid sa mesa. "You take care," malambing na wika niya dito. "Huwag mong abusuhin ang sarili mo sa trabaho, Chad. Napatunayan mo na ang dapat mong patunayan. Kailan mo naman kaya ibabaling sa iba ang atensyon mo?"
Napalunok ito. "Marami pa akong dapat gawin sa kumpanyang ito, Scarlett. Ang papa mo ang mapapahiya kapag nagpabaya ako."
"But Chad, you have a life of your own. You work to live not the other way around. Hindi lang sa pagtatrabaho dapat uminog ang buhay ng isang tao."
Payak itong ngumiti. "Nagagawa ko namang bigyan ng oras ang sarili ko sa ibang bagay. Iyon nga lang, mas malaki sa oras ko ay nasa negosyo at paggawa sa kumpanyang ito."
"Minsan, magbakasyon tayo, Chad," walang prenong wika niya. "May membership ako sa isang resort sa Palawan. Hindi pa ako nagpunta dahil gusto kong may kasama ako pagpunta ko doon. At ikaw ang gusto kong makasama."
"Scarlett, I can't do that."
"Of course you can." Yumuko siya dito at hinalikan ito sa sulok ng bibig. "Make time for it, Chad. We'll have a vacation of our lives."
Alam niyang na-shock niya si Chad sa ikinilos niya. pero hindi niya gustong magtagal pa roon ng matagal na segundo kaya naman nang umunat siya ng tayo ay deretso na rin siyang lumabas ng office nito.
Ngingiti-ngiti siya nang tunguhin ang elevator. Alam niya, pinaka-bold niyang kilos ang pangangahas niya ng halik kay Chad. But then, sawa na rin siya sa puro pagngiti dito at pagbubukas ng kung anu-anong topic para lang magkaroon sila ng pag-uusapan. It's about time to make a big leap. Besides, that was what she calls preparation. Paano niya maisasakatuparan ang seduction tactic niya sa lalaki kung halik lang ay hindi pa niya magawa dito?
Naka-first base na ako. And she giggled with that thought.
NANG LUMABAS ng opisina si Scarlett ay ilang sandali pang napatitig doon si Chad. Hindi na bago sa kanya ang flirtation ng dalaga. Pero ang alok nito kani-kanina lang, bukod pa ang paghalik nito sa kanya ay nagdudulot na ng kaba sa dibdib niya.
Isang paghinga ang ginawa niya bago nag-dial ng numero.
"Sir? This is Chad," aniya nang mabosesan ang nais kausapin.
"Hijo, what's the problem?" wika ni Arnulfo Formilleza na siyang nasa kabilang linya.
Tumikhim siya. "Sir, si Scarlett..."
- itutuloy -
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 04 - SCARLETT MARIE - The Florist
Lãng mạn"Kissing you made the difference, Calett. It stirred all the dormant emotions in me. Emotions that I didn't know I possessed until you made me realize they exist. I didn't know what I'm missing until I kissed you." Si Scarlett - gagawin niya ang lah...