Si Ate

19 0 0
                                    

* * *

10 kaming magkakapatid at 6 sa amin ang may kanya-kaniya nang pamilya. Hindi man kami lahat nakapagtapos ng pag-aaral pero masasabi kong naging maayos naman ang pamumuhay namin dahil masipag si Itay pati na rin ang mga kapatid kong lalake.

Si Ate Celine ang panganay sa aming magkakapatid pero wala parin itong asawa. Subalit kung sa mga manliligaw lang naman, di rin nagpapahuli si Ate.

Sadyang hindi siya pinapalad na makapag-asawa dahil kahit na ilang taon ang itinatagal ng mga naging relasyon niya ay nauuwi parin ito lagi sa hiwalayan.

Hindi man kasingganda ng mga artista ang ate ko, pero malakas ang sex appeal niya kung kaya't madaming lalake ang nagkakagusto sa kanya.

Mabait si Ate at kapuri-puri ang ugali dahil magaling makisama sa mga tao at masipag sa trabahong bahay.

Pero hindi alam ng lahat ang sikretong tinatago ng pamilya namin at ni Ate.

5 taon ang nakakalilipas, nabuntis si Ate ng dati niyang nobyo. Hindi matanggap ng pamilya lalo na't iniwan si Ate ng lalake nung nabuntis siya.

Pina-abort ni Ate ang pinagbubuntis niya. Alam naming lahat yun. Inilibing ito mismo sa ilalim ng bahay namin. Naging tikom ang bibig naming lahat tungkol sa pangyayaring yun. Kada araw ng mga patay, sinisiguro ng pamilya namin na napagtitirikan namin ng kandila ang puntod ng pamangkin ko.

Sinikreto namin ang tungkol dun pero nasa kwento ng mga kapitbahay namin ang nakikita raw nilang bata sa may hagdan ng bahay namin lalo na kapag walang tao doon.

Pero isa lamang yan sa kababalaghan na kakaharapin ng pamilya namin.

Nung nakakita ng mas magandang oportunidad sa ibang lugar si Itay, kami nalang ang naiwan sa bahay dahil sumunod din si Inay doon para tumulong sa negosyo. Nasa bundok ito at kinakailangan mong bumiyahe ng 30 minutos mula sa highway sakay ng habal habal lamang para maabut ang kanilang lugar.

Ang ilan sa mga kapatid kong lalake ay nasa Maynila naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya kung kaya't di rin sila makatulong kay Itay.

Si Ate ay pumupunta doon dahil nag-aalala ito kay Inay na sakitin. Masyadong busy sila ni Itay kung kaya't kailangan tumulong ni Ate sa ilang gawain sa bahay tulad ng paglalaba.

Nung mga huling araw, napapadalas ang pag-uwi ni Ate sa amin at matagal bago siya bumabalik sa bundok.

Isang araw, kinailangan niyang bumalik doon dahil nagkasakit si Inay.

Isang nakangiti at masayahing Ate ang nagpaalam sa aming lahat.



Dapit hapon...

Isang tawag ang natanggap ko,

WALA NA SI ATE!!!!!!

May hindi inaasahang pangyayari sa kanya habang bumabiyahe papunta kina Itay. Hinoldap ang habal habal na sinasakyan niya at nanlaban si Ate.


Kaawa-awa ang naging kamatayan ni Ate, marami siyang taga sa buong katawan. Hindi namin alam kung paano haharapin ang trahedyang yun sa pamilya namin. Sobrang sakit, bakit si Ate pa???

Ilang gabi na nagigising kami sa pagpalahaw ni Inay ng iyak, napapanaginipan niya raw si Ate na humihingi ng tulong sa kanya. Lagi niyang sinisisi ang sarili sa kamatayan ni Ate.

Kahit si Itay sobrang na-aapektuhan dahil si Ate ay napakalapit sa kanya.

Ilang linggo mula ng nailibing si Ate, bumalik si Itay sa bundok. Hindi naresolba ang kaso ni Ate, walang saksi dahil pati ang drayber ay napatay rin.

Sa mga panahong nangyari yun ay sa bahay lamang ini-embalsama ang patay. Pati ang pinaglibingan ng dugo ay malapit lang rin sa bahay ng namatayan.

Isang gabi, nakakita raw ang kapitbahay namin ng ilaw na nagpapatay sindi mula sa bahay namin patungo sa lugar kung saan inilibing ang dugo ni Ate.

Pagkatapos ng nangyari, napapadalas ang alis namin kung kaya't may mga araw na walang tao sa bahay.

Pero hindi kinakaligtaan ng pamilya namin na bumisita sa puntod ni Ate kada Lunes para magsindi ng kandila at mag-alay ng panalangin.

Maliban sa lunes na yun, dumating ang asawa ko mula abroad. Ang inay naman ay galing pang bundok dahil nagkasakit ang Itay. Nakauwi kami ng bahay bandang gabi na kung kaya't hindi namin nabisita si Ate.

Kalagitnaan ng gabi, nagising kaming lahat dahil sa  kalabog na naririnig sa buong bahay. May mga bagay na binabagsak kung saan saan...mistulang may nagwawala.

Nagkataon naman na blackout kung kaya't hindi namin makita agad ang pinagmumulan ng ingay. May mga bagay na ibinabato sa amin.

" Anak! Celine! tama na anak, huhuhu. Patawarin mo kami kung hindi ka namin nadalaw anak. Pangako bukas darating kami sa puntod mo. " umiiyak na kausap ni Inay sa kung ano o sino man na nagwawala.

Wari ay narinig ang pakiusap ni Inay at tumigil ang ingay.

Kinabukasan.....dumalaw kami kay Ate.

Siguro nga tulad namin, hindi rin matanggap ni Ate ang nangyari sa kanya. Tulad namin nasasaktan din siya na hindi na namin kapiling ang isa't isa pero wala na kaming magagawa para mabago ang nangyari na. Sana lang makuha ni Ate ang hustisya at katahimikan na gusto niya.

Siguro nga naging kabayaran din namin yun sa nangyari sa anak ni Ate. Sana magkasama na silang dalawa ngayon. Sana mapatawad din kami ng pamangkin ko.

Sa ngayon ay wala nang nakatira sa bahay naming yun, wala na rin si Inay. Napakalungkot tingnan ng bahay na unti unti nang nawawalan na rin ng buhay. Sa kadiliman ng gabi ay mababanaag mo ang dating tahanan na puno ng saya, tawanan, pagmamahalan at sigla.

E...N...D...

-----------

2 stories in 1 update accomplished!!!

More ideas pa sana...utak gumana ka.

Salamat po sa mga nagbabasa till here..:-*

More to come!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 11, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

KABABALAGHAN: A Compilation of Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon