Paglisan

32 3 0
                                    

Paglisan

"GINOO, ako ay labis na nagagalak dahil inyong pinaunlakan ang aming paanyaya," kita ko ang saya sa 'yong mga mata tila ito ay nagniningning, abot tenga pa ang iyong mga ngiti.

"Walang anuman, binibini," masilayan ko lamang ang maamo mong mukha ay 'di na matatawaran ang sayang aking nadarama. 

Nagpalinga-linga ako sa paligid. Maraming bisita, galing sa mararangyang pamilya.


"Mga ginoo't binibini! Halina kayo at saluhan kami sa hapag!" wika naman ng iyong inang aligagang-aligaga sa pag-aasikaso sa mga bisita.

Binaling ko uli ang aking paningin sa magandang dilag na nasa aking harapan.

"Teresita, ang laki na ng iyong pinagbago," nakangiti ako, ngunit sa aking loob ay labis akong nasasaktan.

Hindi ko alam ngunit sapat na sa akin na makita ang mga pagbabagong ito kaysa makitang ako ang dahilan ng luha sa mga mata ni Tere.

"Siguro nga nagbago na ako.." ang sabi mo at walang alinlangang tiningnan ako, pansin ko ang mga matang wala nang bahid ng pangungulila. "Magmula nang ako'y lisanin mo." Ramdam ko ang pait sa bawat salitang lumalabas sa mga labi mo, pait na sa akin nanggagaling sapagkat ang iyong mga mata'y kaya nang salubungin ang aking mga titig—walang bahid ng kahapon, at walang bahid ng pagmamahal...

Patawarin mo ako. Natakot ako sa maaaring maging buhay mo sa aking piling. Naduwag ako at iniwan ka sapagkat ang aking isip at puso ay hindi kayang makitang lumayo ka sa aking piling at marinig ang mga katagang ikaw ay nagsisisi sa pagsama sa isang dukhang katulad ko. Napakahina ko, Tere, ikaw ang aking lakas ngunit nasabi ko na bang ikaw rin ang tanging kahinaan? Mahal ko, ipagpatawad mong hindi ako sumugal sa laro ng tadhana na alam kong sa huli ako ang uuwing talunan. Ikaw ang aking tahanan, ikaw rin ang kalawakan.

Ginawa ko lamang ang nararapat. Napakalayo ng ating agwat. Nasa langit ka't ako'y nasa lupa, napakahirap mong abutin. Para akong tumatakbo at pilit inaabot ang isang bagay na alam kong kahit kailan ay hindi magiging akin.

"Pinanghawakan ko ang mga pangako mo. Pinanindigan ang sinabi kong maghihintay ako. Ngunit sadya nga sigurong may katapusan ang lahat. Mapapagod at mapapagod ka sa iisang dahilan. Magsasawa ka sa isang bagay na alam mong walang katuturan. At ang bagay na 'yon ay ang pagbabalik ng taong kay tagal kong hinintay, Andres."

"Maganda naman ang naging resulta, napunta ka sa taong nababagay sa iyo," mapait akong napangiti.

"Oo." Pilit kang ngumiti, "Wala na akong mahihiling pa simula nang dumating si Arturo sa buhay ko. Para bang mula sa madilim, bigla itong lumiwanag," marahan ka pang napangiti nang banggitin mo s'ya sa akin.

Pansin ko nga, ang saya mo sa piling n'ya.

"Kung hindi ba kita nilisan, magiging masaya ka rin kaya sa aking piling?" hindi ko na naisip ang mga salitang lumalabas sa aking bibig. Pero alam ko, alam kong sinasaktan ko lamang ang aking sarili sa maaaring maging sagot mo sa aking tinuran.

"Oo, siguro. Ngunit hindi na maaari pang mangyari ang bagay na 'yon. Hindi mo na maibabalik ang isang bagay na matagal mo nang binitawan at nilisan. Hinding hindi na ako babalik, Andres."

Mas masakit ngang marinig sa taong mahal mong hindi ka na niya kailangan. Ramdam ko na ang pangingilid ng aking luha, pero hindi ito ang tamang oras at lugar.

"Sinta!

Mula sa malayo, kumaway ito sa aming gawi, kita ko ang ganda ng pagkakangiti nito.

Arturo. Ang lalaking makaiisang dibdib ni Tere.

Nagsalubong ang mata namin ni Teresita. Para bang sinasabi niya sa aking tama na. Tumango ako at ngumiti. Sabay nito ang aking pagtalikod.

Tumalikod ako at humakbang ng isa papalayo. Heto na ang huli, nais kong sabihin sa kaniyang mahal ko siya, kahit sa huling sandali—bago ko lisanin ang mundo naming dalawang minsa'y naging aking tahanan.


"Teresa, ni-minsan ay hindi naglaho ang pagmamahal ko sa iyo. Kung pagbibigyan ako ng pagkakataon, kung mayroon mang ibang mundo—lahat nawa ng ating mga pangako ay tinupad ng langit. Hanggang sa muli, mahal kita, Teresa."

"Salamat, Andres. Salamat sa pagmamahal at ala-ala. Patawad. Pakawalan mo na ang nakaraan, magmahal kang muli, patawarin ang iyong sarili, at mabuhay ng masaya. Huwag mong ikulong ang sarili sa parte na lamang ng mga ala-ala." Nagulat ako at nanghina ang aking mga tuhod nang makita siya, hinarap niya ako at nginitian. Ngiting ako lamang ang nakakakita—noon.


 "Palayain mo na ang pagmamahalang naganap kay Tere at Andres, gaya ng aking pagtanggap sa pagtatapos nito. Hinihiling kong matagpuan mo ang iyong tunay na pag-ibig nang walang pagsisisi at dinadalang bigat sa damdamin. Masaya akong makita kang nakamit na ang iyong mga pangarap at.....salamat."

Kan'yang sambit bago ako muling nginitian...

...at ako'y tuluyan na niyang nilisan.

Tuluyan na niyang pinakawalan ang pagmamahal na minsan naming binuo.

At naiintindihan ko...

...iintindihin ko.

"Hanggang sa muli aking mahal. Makakalimot ang isip, ngunit ang puso'y mananatiling ikaw ang nais. Una't huli, ikaw lang, Teresa, walang hihigit, walang papantay." 

Nilingon ko ang kaniyang tinatahak, patungo sa lalaking kaniyang minamahal. 

Nagsalubong ang mata namin ni Arturo, ngumiti ito sa 'kin na siyang ibinalik ko.

Mahalin mo siya nang higit sa pagmamahal ko, salamat, Arturo.



Tere,

Salamat sa limang taong pagmamahal. Lumisan man ito sa 'yo, ang akin ay mananatili sa piling mo. 

Ikaw at ikaw, hanggang sa mga susunod na habambuhay.

Pinalalaya na kita.

Ako'y lilisan na.


Isang manlalakbay,

Andres

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 07, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

One-Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon