Part Nine

286 3 0
                                    

“Dominic El Greco? Wow! Ang taray naman ng pangalan ng bisita mo kanina,” wika ni Rita habang nagkukuwentuhan sila sa balkonahe.

“Sus! Para mukha lang bigtime ang pangalang iyon, natarayan ka na,” irap ni Jackie sa kaibigan.

“Aba, baka hindi mo kilala ang mga El Greco? Palibhasa ay hindi ka palabasa ng mga magazine na sosyal. Doon sa pinapasukan kong parlor ay maraming ganoon kaya nababasa ko iyong pangalang El Greco.”

“Talaga? Bakit, ano bang kategorya ng mga El Greco?”

“Oy, mga kilalang businessman talaga ang mga iyon, ano? At naniniwala ako sa sinabi ng tatay mo na balak kang kunin commercial model ng taong iyon. Talagang kilala ang advertising company nila, ano?”

“Oo na. Sige na, uwi ka na. Maaga pa akong gigising bukas dahil susunduin ako ni Congressman.”

“O, saan na naman kayo pupunta?”

“Wala lang, may dadaluhan lang siyang ribbon cutting at isasama lang ako.”

“Naks! Mukhang tuluy-tuloy na ang pagbubukas ng pinto ng magandang swerte sa iyo, ah. May nagnahanap na sa iyong Dominic El Greco, may congressman ka pa na mukhang naakit talaga sa kagandahan mo. Wala akong masabi.”

“Heh! Magtigil ka nga!”

“Uy, kunwari, hindi siya natutuwa. Pero alam ko, pumapalakpak ang tainga mo. Biruin mo, mukhang matutupad na rin ang pangarap mong makakilala ng mayamang lalaki na magpapakasal sa iyo, ha? And take note, hindi siya matandang madaling mamatay, ha? Aba, bata pa si Congressman, ha? Mukhang nasa thirty-five lang. At guwapo rin naman, iyon nga lang, medyo manipis na ang buhok sa tuktok.” Sinundan nito nang bungisngis ang sinabi.

Pero hindi naaaliw si Jackie sa pinagsasabi nito, sa nabuksan kasing usapan tungkol sa malaon na niyang pangarap ay muli niyang naalala ang lalaking uminsulto sa kanya.

Saan kaya siya nagpunta kagabi? Biglang nawala, eh. Hmp! Pero ano bang pakialam ko sa kanya!

Pero hanggang sa kanyang pagtulog ay baon niya sa panaginip ang lalaking iyon…

“BABAE, tinatanggap mo bang maging asawa ang lalaking ito? Sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan, hanggang kamatayan?”

Nagniningning ang mga matang sinulyapan niya ang lalaking katabi sa pagkakaluhod sa harap ng altar.

“Opo, Padre, ng buong puso.”

Napangiti ang lalaki sa naging sagot niya, waring nasiyahan.

“At ikaw lalaki, tinatanggap mo ba ang babaeng ito na maging asawa, sa hirap at ginhawa, sa sakit at karamdaman, hanggang kamatayan?”

Muling tumitig sa kanya ang lalaki, kaytamis pa rin nang ngiti sa mga labi nito, ang titig sa kanya ay tila punung-puno ng pagmamahal.

“Opo, Padre, ng buong puso at kaluluwa. Mahal na mahal ko po ang babaeng ito.”

“Kung ganoon, ipinahahayag ko sa lahat na kayo ay mag-asawa na. Maaari mo nang halikan ang iyong maybahay.”

Nagpalakpakan ang mga tao, hinawakan naman ng groom ang kanyang belo at itinaas, pagkuwa’y dahan-dahang inilapit ang mga labi sa mga labi niya.

Napapikit na lang siya, kasabay niyon ay umawang ang kanyang mga labi at hinintay ang halik na ipagkakaloob nito.

Ah, kaytamis ng halik na iyon, para siyang naakyat sa langit…

“JACKIE! Gising na! May bisita ka!”

“Hah!” Pabalikwas na nagbangon si Jackie, habol ang hininga, habol ang pag-asang hindi pa mawawaglit sa mga labi niya ang halik na ipinagkakaloob ng kanyang groom.

Loved by the RulesWhere stories live. Discover now