“SIGE na, minsan lang naman magkakaroon ng piyesta dito sa atin, sumali ka na. Sagot naman ni Mayor ang damit ng kandidata, ano? Kahit singko ay wala kang gagastahin, pati na make-up. Saka sayang din ang premyo na sampung libong piso. Hindi mo mapupulot sa dagat iyon kahit magdamag at maghapon kang mamalakaya, ano?” pangungulit ni Rita kay Jackie.
“Alam ko! Pero ano ka ba naman? Paano akong mananalong mutya ng dagat, kung ang makakalaban ko ay mga anak ng kapitan sa mga katabing barangay na may perang magagasta? Isa pa, ang itim-itim ko na, o! Kahit siguro ako make-up-an, hindi ako puputi!”
“Gaga! Akala mo lang iyon. Kahit na kayumanggi ka, ang ganda-ganda mo pa rin, ano? Lalo na kapag naayusan ka na ng kaibigan nating bading na si Michelle. Naku, tiyak na bobongga ang beauty mo. Tiyak na ikaw ang mananalo.”
“Alam mo, naguguluhan ako sa iyo. Kapag nag-iilusyon ako na magkakaasawa ng mayaman, sinasaway mo ako, ngayon naman, pinipilit mo akong mag-ilusyon na mananalo akong mutya ng dagat. Ano ka ba?”
“Sira! Iyong pangarap mo noon, medyo imposible talaga. Pero ang manalo kang mutya ng dagat, mas posible iyon. Alam mo kung bakit? Dahil kilala ko na kung sinu-sino ang mga sasali! At sigurado ako, ikaw ang pinakamaganda sa kanilang lahat. Saka nakalimutan mo na ba? Palagi ka ring nanalong muse sa school natin noon, hindi ba?”
“Ganoon?” natigilan naman siya sa sinabi ng kaibigan.
“Oo, ganoon.”
Napaisip si Jackie, oo nga naman, sayang ang sampung libong piso na premyo, bukod pa sa may makukuha rin namang consolation prize ang hindi mapipili.
Saka… sayang talaga ang sampung libo, malaking bagay na iyon, puwede nang magbukas ng maliit na tindahan ang nanay niya para hindi na ito maglabada.
Sa huli, nakumbinsi siya ni Rita na pumayag na.
“DAMN!” mainit ang ulong nilamukos ni Dominic ang business letter na ipina-compose niya kay Mrs. Jacob.
“S-sir, hindi ninyo nagustuhan?” maang na tanong ng may edad ng kalihim.
“Ho?’ saka lang parang natauhan ang binata, napatitig siya sa nilamukos na papel na sa totoo lang, hindi pa naman niya talaga nababasa. “Ah, hindi ho sa hindi nagustuhan. Hindi ko pa ho nababasa. May naisip lang ako kaya biglang uminit ang ulo ko. Mabuti pa ho ay mag-print na lang kayo ng bago.”
“O-oho.” Pero tila nakulangan na ng tiwala ang ginang sa sarili.
Naiwang natitigilan si Dominic.
Hindi naman ang business letter ang nagpainit ng kanyang ulo, kundi dahil naalala niya ang babaeng mangingisda.
Naalala niya kung gaano ito kakulit, ka-weird, pati na ang mga pinagsasabi, pati na ang banta nito na hindi na niya ito makakalimutan at maiaalis sa sistema ng kanyang pagkatao.
Ang luka-lukang iyon, mangkukulam nga yata. Nakakasira ng disposisyon kapag naiisip ko siya, ah. Ano kayang ginagawa niya ngayon? Nagpupunta pa kaya siya sa resthouse?
Pero pinigil ni Dominic ang sarili na tawagan si Mang Rico para magtanong. Baka nagmumukna na siyang tanga.
Pero dahil talagang hindi mapuknat sa kanyang isip ang babaeng iyon, ilang araw pa ay isang pasya ang kanyang ginawa.
“Magbabakasyon ka ulit sa resthouse mo?” maang na tanong ni Morris.
“Oo. Bahala ka na muna rito sa office, ha?” |
“Sure. Pero ano ba talagang nararamdaman mo?”
“Wala lang, basta nanlalata lang akong magtrabaho. Baka nasobrahan ako noon dahil sa pagiging workaholic ko.”
“O, baka naman in love ka?”
“Morris!”
“Hey, joke lang. Alam ko naman na hindi mo priority ang love, ano? Teka, wala na ba kayo ni Mariane?”
Natigilan ang binata, oo nga pala, si Mariane.
Mula nang bumalik siya sa lungsod ay hindi man lang niya ito natawagan, o nayaya man lang na mag-dinner.
In fact, hindi talaga pumasok sa isip niya ang babae.
“Ah, busy kasi kami pareho.”
“Sabagay, mukha rin naming hindi siya serysoso sa relasyon ninyo. Workaholic din kasi ang babaeng iyon, eh. Alam mo, nag-aalala ako sa iyo, eh.”
“Bakit naman?”
“Baka kasi tumanda kang binata.”
“Kasi nga, sobrang busy ka sa trabaho. At sa ugali mo na sobrang perfectionist, metikuloso, sa tingin ko, hanggang sa pagpili ng babaeng pakakasalan, may sinusundan ka pa ring pamantayan. I think, you love by the rules. Na para bang kapag hindi nakasunod sa mga pamantayan at rules mo ang isang bahae, good bye na.”
“Siguro nga.”
Umayon na lang siya sa sinabi ng pinsan, pero ang mas nagtutumining sa kanyang isip ay ang pagbabakasyong gagawin sa kanyang resthouse.
Hindi niya alam kung bakit napupuno ng pananabik ang kanyang puso na makabalik doon…
Dahil ba baka makita uli niya ang makulit na mangingisda?
“BIGLAAN naman ang bakasyon n’yo, Sir?” gulat na wika ni Mang Rico nang dumating si Dominic nang umagang iyon.
“Ah, hindi na ho ako tumawag, bigla ko lang naisip na magpunta rito.”
“Naku, wala pa namang laman ang freezer.”
“Hindi ho bale, masarap naman ang mga seafoods na nirarasyon dito ng –”
“Hindi na naman nagagawi rito si Mang Joseph. Kaya minsan ay sa bayan ako namimili, o kaya naman ay ako mismo ang nanghuhuli.”
“Ah, ganoon ho ba? Tagasaan ho ba si Mang Joseph?”
“Taga-kabilang baryo iyon. Pero sabagay, lasenggo kasi kaya siguro laging walang huli.”
“Ah.” Napatangu-tango na lang si Dominic, kung bakit nakahiyaan niyang itanong kung nagagawi roon ang babaeng mangingisda na anak ni Mang Joseph.
“Siyanga ho pala, tamang-tama ang pasyal ninyo, fiesta rito sa Linggo, may gaganaping patimpalak na pangkagandahan sa plaza. Pipiliin ang mutya ng dagat at kokoronahan. Baka gusto ninyong manood?”
“Pag-iisipan ko ho. Saan nga ho nakatira si Mang Joseph?”
“Diyan sa Baryo Masilip.”
“Ah.” Tinandaan niya ang sinabi nito.
Kinabukasan ay nag-iikot na siya sa baryong sinabi ni Mang Rico sakay ng kanyang BMW.
And he feel so stupid dahil lahat ng kababaihan at kadalagahan nasasalubong sa kalsada ay sinisipat niya nang tingin, nagbabakasakali siyang makita ang pamilyar na mukha ng babaeng lukaret, weird, at amoy-isdang mangingisda na iyon.
Pero napagod lang siya sa maghapong iyon, nangalay ang leeg, nagsayang ng gasolina, ni anino ng babaeng hinahanap ay hindi niya makita.
Siguro, kailangang magtanung-tanong na ako kung saan nakatira si Mang Joseph, sabi niya sa sarili nang makauwi na.
So, pagkatapos ay ano? Makikita mo na ang babaeng iyon? So, anong gagawin mo kapag nakita mo na ang luka-lukang iyon? tudyo naman ng isang bahagi ng kanyang utak.
Ano nga ba? Kakausapin ko ba siya? Hihilingin na bawiin na niya ang sumpa na hindi na siya maaalis sa sistema ko? My God! That’s stupidity!
Stupidity talaga! Kaya habang may panabon pa, tigilan mo na iyan, okay?muling sagot ng kanyang konsensiya.
Itutuloy….