PROLOGUE
"Ayoko na. Uuwi na ako," sabi ni Maurin. Namumungay na ang kanyang mga mata sanhi ng ilang boteng beer na nainom.
"Maaga pa," sabi naman ng kaibigan niyang si Annalor. "Sabado bukas. Walang pasok. Dito ka na matulog."
Umiling siya. "Marami akong gagawin bukas. I have to go." Tumayo na siya para mapanindigan ang kagustuhang umuwi. Naramdaman niya ang pagbuway ng kanyang katawan.
Umungol si Kristel habang papunta sa bar. "Ayaw mong papigil. Minsan-minsan na nga lang tayo magkita." Isang bote ng alak ang binuksan nito.
Bago pa narating ni Maurin ang pintuan ay naiabot na ni Kristel sa kanya ang baso ng alak.
"Just one last shot," pakiusap nito.
Naiiling na tinanggap niya ang baso. At least, hindi na siya kokonsiyensiyahin pa para lang pigilang umalis. Dati, nangongonsiyensiya pa ang mga kaibigan para pagbigyan niya ang imbitasyong doon siya magpalipas ng gabi.
"Ba-bye na sa inyong dalawa," sabi ni Maurin na halatang lasing na. Nakipagbeso sa kanya si Kristel habang si Annalor ay tango lang ang isinagot.
"Ingat!" nagkasabay pang sabi ng mga kaibigan.
Kumaway si Maurin bago tuluyang lumabas ng pinto. Hinagilap niya sa bag ang susi ng old model Toyota Starlet habang pasuray-suray na lumalapit sa kinapaparadahan ng kotse.
Dalawang beses pa siyang sumubok bago naipasok sa keyhole ang susi. Pabagsak siyang naupo sa driver's seat. Ilang minuto pa siyang sumandal bago binuhay ang makina ng sasakyan.
Nahihilo si Maurin. Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil kasalanan din naman niya kung bakit nararamdaman ang ganoon.
Once a month ay nagkikita-kita silang magkakaibigan. Sila na ang magkakabarkada mula pa noong high school. At nang pare-pareho na silang nagkatrabaho ay ginawan nila ng paraan na patuloy na magkasama-sama kahit sandali lang.
Ang town house ni Kristel ang madalas na meeting place nila. Nasa sentro iyon dahil ito ang may corporate job sa Makati. Annalor was a businesswoman at sa Cavite matatagpuan ang negosyo. Si Maurin naman ay sa Malolos pa umuuwi.
Nitong huling dalawang buwan ay hindi nakarating si Maurin. Masyado siyang busy dahil pasukan sa eskuwelahan. Maraming meetings ang dapat niyang daluhan bukod pa ang responsibilidad niya bilang grade one teacher sa isang montessori.
Ang nangyari ay pinagbayad siya ng mga kaibigan. She was forced to drink more than she normally could. Magkahalili ang beer at alak. Iniwasan ni Maurin na uminom ng alak dahil mas malakas umepekto iyon sa kanya kaysa sa beer.
Ilang sandali pa niyang pinakiramdaman ang sarili. Nang matiyak na kaya niyang magmaneho ay binuhay na niya ang makina. Ilang sandali pa at nasa highway na siya.
*****
"DADDY, I'm so tired!" reklamo ng pitong taong gulang na si Raphael. He was complaining pero hindi makikita sa ekspresyon ng mukha. His face was cheerful. At kahit pagabi na ay masigla pa rin ang bata.
Masuyong ginulo ni Vince ang buhok ng kanyang anak. "Sa backseat ka na, son. Malayo pa ang biyahe. Mabuti pang matulog ka muna."
"No. Sa tabi mo ako, Daddy." Binuksan na ni Raphael ang pinto sa front passenger seat.
Napailing na lang si Vince nang isuot ng anak ang seat belt nito.
"Paano, Gene?" sabi niya sa lalaking nakatingin lang sa kanilang mag-ama. "Aalis na kami. Salamat."
BINABASA MO ANG
To Have and To Hold, From This Day Forward (Wedding Vows)
RomanceTo Have and To Hold Hindi kilala ni Maurin si Vince Hidalgo. Pero isang araw, basta na lang dumating ang lalaki sa apartment niya. Nang makita ito ay isang salita lang ang kanyang naisip: wonderful! Ipinagpipilitan ni Vince na kasalanan niya ang isa...