FROM THIS DAY FORWARD - PART 2

871 22 0
                                    

Kahit shocked sa biglaang pag-aasawa ni Maurin, wala namang masabi si Kristel nang makilala nila ang fiancé ng kaibigan. Vince Hidalgo was a man of something. Or probably everything. Hindi man ganap na kilala, ramdam naman niyang mabuti itong tao.

"Take this." Mabuway na tumayo si Kristel. Siya ang pinakamaraming nainom sa bridal shower na iyon. At nang nasa kainitan na, siya rin ang nagpasimunong ipatawag si Vince na ayon sa binata ay nasa kabilang hotel lang para naman sa stag party nito.

Inabutan niya ng alak si Vince. Game na ininom naman iyon ng binata.

"How's the stag party? Pinauwi mo na ba ang babae?" matabil na tanong ni Kristel.

"Walang babae. Si Maurin lang ang babae para sa akin."

Vince sounded sincere. Lalo at humigpit pa ang hawak nito sa baywang ni Maurin.

Umugong ang pangangantiyaw nilang dalawa ni Annalor.

"Patunayan mo nga!" hamon ni Annalor.

"Iyon lang pala, eh. Anong klaseng patunay ba ang gusto ninyo? Pakakasalan ko naman 'tong love ko, ah."

"Alam na namin 'yan," sabi ni Kristel. "Come on, Vince. Matanda ka na. You know what we mean."

Isinauli ng binata ang baso sa kanya. "Pahingi pa. Pampalakas ng loob," sabi nitong parang nakikiloko rin.

Pinandilatan siya ni Maurin pero parang walang nakita si Kristel. Muli niyang sinalinan ng alak ang baso ni Vince. Mas marami kaysa dati pero pareho lang ang resulta nang inumin iyon.

"Pipikit ako," sabi ni Annalor. "Bata pa ako para diyan." Pumikit nga ang babae. Tinakpan pa ng palad ang mukha pero nakabuka naman ang mga daliring nasa tapat ng mga mata.

"Gaga!" Hinampas ni Kristel si Annalor. "Marami ka nang alam, 'no."

"Game na ba?" naiinip na sabi ni Vince na parang nagugustuhan ang nangyayari. Pipiliin iyon ng binata nang sampung beses kaysa uminom nang mag-isa sa bar ng hotel.

Siniko naman ito ni Maurin.

"Dito ako. I want a perfect view!" Padarag na ibinagsak ni Kristel ang sarili sa sofa na katapat mismo ng kinatatayuan nina Maurin at Vince.

"Puwede na ba akong dumilat?" pilyang tanong naman ni Annalor.

"All right. Game!"

Naglapat ang mga labi nina Maurin at Vince. Ilang sandali pa, parang bigla na lang naging sarili ng mga ito ang mundo. Parang walang ibang tao sa harap. Parang ayaw nang maghiwalay.

Nangunot ang noo ni Kristel. Hindi niya gusto ang nakikita. Hindi dahil naiinggit siya, kundi pakiramdam niya ay naaalarma siya.

Walang-dudang mahal nina Maurin at Vince ang isa't isa. At parang hindi makapaniwala si Kristel.

Sa kanilang tatlong magkakaibigan, siya ang hindi nawawalan ng boyfriend. At pakiramdam niya, napaka-unfair na si Maurin ang nakararanas ng bagay na dapat siya ang makaranas dahil mas maraming lalaki na ang kanyang sinagot.

Why is this happening? nalilitong tanong niya sa isip.

Parang tumatagos ang tingin ni Kristel kina Vince at Maurin, na nanatiling magkahugpong ang mga labi at walang dudang unti-unti nang nagpapatangay sa kung saan.

Parang nabawasan ang pagkalasing ni Kristel. Sinapo niya ang noo at hinilot ang sentido.

"Let's go, Kris. Hindi na tayo papansinin ng mga 'yan. Ikaw kasi, eh," sabi ni Annalor.

To Have and To Hold, From This Day Forward (Wedding Vows)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon