TO HAVE AND TO HOLD - Part 2

7K 179 2
                                    

"SA WAKAS!" bulalas ng isang guro.

Napangiti si Maurin. Lahat sila ay iisa ang dahilan ng pagiging masaya. Tapos na ang school year. Nabawasan na ang pressure sa kanilang mga trabaho at marami na naman silang oras para mag-relax.

"Pupunta kami sa Boracay ng asawa ko," balita ni Mrs. Silvano na sa tono ay halatang nang-iinggit.

Nagkatinginan si Maurin at ang isang co-teacher. Pareho sila ng iniisip. Malaki ang paniniwala ni Mrs. Silvano na ito ang pinakamayaman sa buong faculty at kung magsalita ay parang ito lang ang may karapatang makaranas ng ganoong luho sa buhay.

"Galing na ako roon noong August. Remember, two days akong nag-leave? Lean month noon at halos solohin namin ang dagat," sabad ng isa pang co-teacher. Ito ang pangalawa na hindi magpapatalo kung payabangan din lang ang usapan.

Pero numero uno pa rin si Mrs. Silvano. "Mas mainam pumunta roon 'pag summer. 'Di baleng maraming tao. At least, talagang summer ang ambience!"

"Good-bye everybody!" malakas na sabi ni Maurin. Sanay na siya sa kanyang co-teachers na hanggang mag-uwian na lang ay hindi pa matatapos ang payabangang iyon. At sigurado siyang hanggang sa mga susunod na araw ay kung ano-ano pang bulungan ang kanyang maririnig.

Napailing si Maurin. Kahit saang propesyon talaga ay hindi nawawala ang makakati ang dila. At ang inaabangan ng mga ito ay ang kagaya ni Mrs. Silvano at ng kausap na parang gustong-gusto namang maging talk of the town.

"Remember, may report pa rin kayo once a week," paalala ng principal.

Tumango si Maurin. Alam na niya iyon mula nang magsimula silang magturo. Kahit summer vacation, hindi ibig sabihin na buong summer silang magsasaya. May mga araw na dapat pumupunta sila sa eskuwelahan.

Walang problema kay Maurin. Hindi naman siya kagaya ni Mrs. Silvano na mahilig magpunta kung saan-saan. Pinakamalayo na siguro niyang mararating ang Makati. Iyon ay kapag dumalaw kay Kristel.

Umuwi na si Maurin sa apartment na inuupahan. Ulila na siya sa mga magulang. Namatay ang kanyang tatay noong high school siya. Ang nanay naman niya ay namatay na rin noong bago naman siya nagtapos ng college. Nag-iisa siyang anak kaya walang choice kundi ang mamuhay nang mag-isa.

May mga kamag-anak si Maurin pero kamag-anak lang sa pangalan. Mga tipo ng kamag-anak na palibhasa mapepera kaya palaging iniisip na kailangan niya ng tulong kaya lumalapit pa lang ay puro paiwas na ang kilos ng mga ito.

Sensitive si Maurin sa mga ganoong tao. Kaya hindi na niya pinilit na ilapit ang sarili. Iisa lang naman ang kanyang motibo—ang maramdaman sa mga kamag-anak ang pagiging kadugo. Satisfied na siya sa atensiyon mula kina Annalor at Kristel. kaya nitong huli ay ang mga kaibigan na lang ang itinuring niyang kadugo.

Initsa ni Maurin ang mga gamit sa luma nang sofa. Pamana pa iyon sa kanya ni Kristel nang ipa-interior decorate nito ang unit. Mahalaga iyon sa kanya. Kasing-importante ng iba pang bagay roon na palaging ibinibigay sa kanya ng dalawang kaibigan.

Wala siyang pakialam kung puro bigay ng mga kaibigan ang kanyang gamit sa studio-type na apartment. Pasalamat nga siya at binibigyan siya ng mga ito. At hindi naman basta-basta ang mga gamit na kanyang minamana dahil puro iyon de-klase. Minsan nga lang, parang hindi na nagma-match sa isa't isa ang mga iyon dahil magkaibang bahay ang pinanggalingan.

Kagaya na lang ng Chinese fan. Kahit sino ang pumasok sa kanyang bahay, alam na hindi iyon bagay sa painting na nakasabit sa dingding. Pero hindi naman puwedeng isantabi ang isa. Magkasabay na ibinigay ng dalawang kaibigan ang mga iyon, bago pa at hindi basta lang ipinamana sa kanya. Regalo ng mga ito noong nakaraang birthday niya.

Kay Kristel galing ang Chinese fan. Mahilig ito sa feng shui at iyon daw ang dapat na iregalo sa kagaya niyang nag-iisa. Ang katwiran naman ni Annalor kaya niregaluhan siya ng painting ay para magkaroon naman daw ng artistic ambience ang bahay niya.

Maurin was thankful. Wala siyang pakialam kung hindi man bagay ang mga iyon sa kanyang bahay. Ang importante, bigay iyon ng dalawang taong importante sa kanya.

Tumuloy siya sa kusina. May natira pang sopas na inilagay niya sa personal refrigerator. Sa lahat yata ng mga gamit doon, ang ref lang at ang kalan ang sarili niyang pundar.

Lahat ng mga gamit nila noong buhay pa ang kanyang nanay ay kasama nang naibenta. Iyong iba ay pinag-interesan ng mga kamag-anak noong panahon ng lamay.

Hindi maintindihan ni Maurin. Mapepera naman ang kanyang mga kamag-anak pero mahilig pa rin sa sa libre o pakinabang. Hindi na nakapagtataka kung bakit ilag ang mga ito sa kanya. Natatakot siguro na gawin niya sa mga ito ang ginawa sa kanya.

Puwes, mabibigo ang mga kamag-anak niya. Dahil masaya naman siya sa pag-iisa. She was earning more than what she needed at mayroon pa siyang ibang resources na hindi naman alam ng mga ito.

Kinuha ni Maurin ang isang mangkok ng sopas at inilagay sa microwave. Bigay rin iyon ni Kristel dahil bumili ito ng mas malaking microwave.

Saglit lang at tumunog na ang microwave. Natawa na lang si Maurin nang makita ang hitsura ng sopas. Malata na ang macaroni. Hindi na makilala. At parang gusto niyang maawa. Hindi naman nakapagtatakang magkaganoon ang sopas. Tatlong araw na niyang iniinit iyon. Tatlong araw nang puro sopas at loaf bread ang kanyang pagkain.

Umusal si Maurin ng maikling pasasalamat para sa grasyang inihain sa sarili at saka hinawi ang mahabang bangs. Nagsimula na siyang kumain.

Kahit naman tinakasan na ng appeal ang hitsura ng sopas ay masarap pa rin. Na-develop na sa panlasa ni Maurin na habang iniinit nang iniinit ang pagkain ay mas sumasarap.

Nasanay siya sa ganoon. Hindi siya magluluto ng ibang pagkain hanggang mayroon pang natitira sa nauna niyang niluto. At palagi na ay pang-ilang araw ang dami ng kanyang inihahandang pagkain.

Tamad siyang magluto. Sapat na sa kanya ang mga iniinit na pagkain kaya sulit na sulit ang namana niyang microwave oven.

Busog na si Maurin nang magulat sa narinig na katok sa pinto. Napakasimple ng kanyang apartment kaya kahit ang pag-i-install ng doorbell ay hindi niya naisip. Ang maliit na kuwarto ay malapit sa sala. Kahit nasa labahan sa likod ay maririnig niya kung may kumakatok.

Lalo na ang paraan ng pagkatok ng kung sinumang dumating. Parang intensiyong basagin ang luma nang pinto.

Maagap na tumayo si Maurin sa pag-aalalang ganoon nga ang mangyari. Maging kargo pa niya iyon sa may-ari ng apartment. Medyo masungit pa naman ito ayon sa kanyang mga katabing pinto. At kaya lang mainam ang treatment sa kanya ay palagi siyang on-time magbayad. Minsan nga advance pa.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

To Have and To Hold, From This Day Forward (Wedding Vows)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon