"CLASS reunion?" nakakunot-noong tanong ni Joanna Marie. "You must be kidding, Amor."
"At bakit naman hindi?" sagot ni Amor. "Matagal ko nang naisip ito. Hindi ko nga lang alam kung paano ima-materialize. Then, naisip kita. You can help me. Besides, class officer ka rin naman."
Joanna Marie rolled her eyes. "I was the muse then. At sa palagay ko, wala namang kuwenta ang posisyong pilit na ibinigay sa akin ng mga kaklase natin."
Natawa si Amor at tinitigan ang dating kaklase. "You know what, Joanna Marie? Hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano iintindihin ang ugali mo. Kailan mo tatanggapin nang maluwag sa dibdib na blessing na magkaroon ka ng ganyan kagandang mukha? Sa lahat yata ng ipinanganak na maganda, ikaw ang hindi thankful."
Bumuntong-hininga ang babae. "Wala namang mabuting nangyari sa buhay ko. Kung hindi siguro ako naging laman ng mga beauty contest noong high school tayo, baka mas naging maganda ang buhay ko. 'Buti pa siguro si Princess."
Kumunot ang noo ni Amor. Maririnig sa boses ni Joanna Marie ang bitterness. "Bakit?" Kaklase rin nila noong high school si Princess. "Nagkahiwalay ba kayo ni Lemuel?" Kahit nag-aalangan siyang magtanong ay itinanong na rin niya ang naisip.
"Matagal na," matabang na sagot ni Joanna Marie at itinutok ang atensiyon sa kinakain.
Tinitigan niya ang babae. Nagulat siya sa nalaman. Noong nasa high school sila, kinainggitan ng lahat ang relasyon nina Joanna Marie at Lemuel. They were one of the most admired pairs. ang isa pa ay ang samahan nina Princess at Lyndon. Miss High School si Joanna Marie at MVP ng varsity team si Lemuel. Parang mga bida sa romance pocketbooks ang dalawa.
Nabalitaan nilang nagpakasal ang mga ito isang taon lang pagkatapos ng graduation. Parehong underage ang dalawa pero maimpluwensiya sa Sierra Carmela ang pamilya ni Lemuel kaya nagawan ng paraang maikasal ito sa kasintahan.
Marami ang nanghinayang. Joanna Marie and Lemuel were both young. At habang ang mga ka-batch ay busy sa pag-aaral sa college, buhay-may-asawa na ang pinasok ng dalawa.
That was more than ten years ago. Nagkataong kaunti lang ang nagbago sa mukha ni Joanna Marie kaya hindi siya nahirapang makilala ito. Maganda pa rin ang babae, pero nabawasan na ang sweetness na dating nangingibabaw sa mukha nito at napalitan ng bahagyang sopistikasyon.
Nagkasunod sila kanina sa pila sa counter ng supermarket sa Robinsons Galleria. Hinintay ni Amor na makapagbayad ng pinamili si Joanna Marie at niyaya niya itong magmerienda.
Ibinalik din niya sa pagkain ang atensiyon. Patapos na silang kumain nang kunin niya ang dalang organizer. "Let me have your contact number and address."
Mukhang nag-alangan si Joanna Marie. "I don't like your idea, Amor. Hindi ako mahilig sa ganyan. At lalong hindi mo ako maaasahang mag-organize ng ganyang affair."
"Hindi kita pipilitin. Kagaya ko, baka busy ka rin. But at least, alam ko kung saan kita mako-contact kung sakali."
"Hindi ako a-attend kung matutuloy man ang plano mo. Please, Amor. Wala akong balak na makahalubilo uli ang mga dati kong kakilala."
"We were almost a family in high school, Joanna Marie," banayad na sabi niya "Bakit ngayon ay inilalayo mo ang sarili mo? It's been ten years mula nang huli tayong magkasama-sama. And that was during our graduation. Pagkatapos n'on ay wala na. Kung saan-saan na tayo dinala ng mga pangarap natin. It's about time na mag-reunion naman tayo."
"Kayo na lang." Mahihimigan ang refusal sa himig ni Joanna Marie.
Nagkibit-balikat na lang si Amor. "All right. Pero ibigay mo pa rin sa akin ang address mo. Minsan, bibisitahin kita." Ngumiti siya.
Iyon siguro ang naging dahilan kaya kahit parang napipilitan ay sinabi na rin ni Joanna Marie ang sariling address.
"Phone number?"
"Wala akong phone."
Sandaling napakunot-noo si Amor, parang ayaw maniwala pero hindi na lang kumibo. Ang importante ay hindi naman ipinagkait ng babae na ibigay ang address. "Pauwi na ako. Ikaw? Kung nag-commute ka lang ay puwede kitang ihatid. Pareho naman ang way natin. Diyan lang ako sa Ugong."
"Huwag na, thank you na lang. May dadaanan pa ako, eh." Binitbit na ni Joanna Marie ang grocery bag. Kaunti lang iyon at mukhang personal supplies lang.
"Okay," aniyang hindi na nagpilit pa. May kutob siyang umiiwas lang ito. "'Pag nakalibre ako, dadalawin kita. Sa bahay ka lang ba?"
"Madalas."
"Wait," ani Amor nang may maalala. Dumukot siya ng isang calling card sa bulsa ng bag. "Here's my card. Kung ikaw ang may kailangan sa akin, don't hesitate to call me up."
"Thank you." Tinanggap ni Joanna Marie ang card. "Salamat sa merienda."
Maghihiwalay na sila nang may maalala. "Oo nga pala, you mentioned about Princess. Ano ba ang balita sa kanya?"
"Hindi ko alam. The last time I met her was eight years ago. But I have her number. Hindi ko nga lang sure kung doon pa rin siya."
Napangiti si Amor nang kapain ni Joanna Marie ang address book sa bag. Kusa nitong ibinigay ang contact number ni Princess.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 1 - My Lover, My Best Friend
RomanceMula noon hanggang ngayon, palagi nang nagsisilbing anghel sa buhay niya si Amor. At hindi niya inakalang sa kabila ng mga taong lumipas ay makakagawa pa rin ito ng bagay na maglalayo sa kanya sa kapahamakan. Nakipagkita si Amor kay Joel para magpat...