PAGDATING sa condo unit ay ibinaba muna ni Amor sa mesa ang mga pinamili at kinuha ang maruruming damit. Isinalang muna niya ang mga damit sa washing machine, saka binalikan ang grocery items. Sandali lang at ang paghahanda naman ng hapunan ang ginawa niya.
Dalawang taon na rin siyang namumuhay nang mag-isa. Idineklara niya ang sariling independence nang magtapos sa kolehiyo at makakuha ng magandang trabaho sa Ortigas—bagay na ipinagtatampo ng mga magulang niya. Ang katwiran ng mga ito ay malapit lang ang Sierra Carmela pero hindi niya makuhang umuwi kahit minsan lang sa isang buwan.
Masyado siyang busy. Ang Sabado at Linggo na dapat ay araw para mag-relax ay sinasamantala niya para puntahan ang mga prospective buyer.
Konektado siya sa isang car company. Nagsimula siyang sales representative at walang buwan na nagdaan na hindi siya umabot sa target sales. Hindi naman niya inaasahang may suwerte siya sa sales. Halos hindi siya makapaniwala nang ma-promote pa siyang sales manager at may bonus pang isang brand-new Nissan Cefiro. Wala siyang inintindi sa sasakyan maliban sa tax at insurance.
Five years to pay ang unit na tinitirhan ni Amor. Two-bedroom iyon at may sarili pang toilet and bath ang master's bedroom na ginagamit niya.
Kung may pagpipilian, she wanted a real house. Iyong paglabas niya ay mayroong garden kahit maliit lang. Hindi kagaya ng condo unit na para siyang nakakahon. Tanging dalawang paso ng fortune plants ang nakukuha niyang alagaan. At oo nga pala, may ilang paso rin ng cactus na nasa bandang kitchen. Bukod sa exhaust, ang mga halamang iyon ang nagsisilbing tagasipsip ng init sa lugar.
Alinman sa mga halamang iyon ay hindi nangangailangan ng maraming pag-aasikaso at pag-aalaga mula sa kanya. Dumarating pa nga ang pagkakataon na ilang araw siyang nawawala kaya hindi nadidiligan ang mga halaman. Pagbalik niya, sa awa ng tadhana ay buhay pa naman ang mga iyon. Gusto rin niyang mag-alaga ng aso o pusa. Pero mas malaking responsibilidad iyon kaysa sa halaman.
Walang masyadong choice si Amor sa ngayon. Ang location ng condominium na tinitirhan niya ang pinaka-ideal para sa kanyang trabaho. Nasa sentro siya ng linya ng kanyang trabaho kaya isinantabi na lang niya ang pangangarap ng mga bagay na hindi rin naman puwedeng mag-materialize sa ngayon.
Amor considered herself lucky. Sa loob lang ng ilang taon ay tinatamasa na niya ang mga bagay na pinangarap niyang maabot. At wala siyang balak na pabayaan iyon kapalit ng paghahangad na magkaroon ng garden at pet. Dahil din sa estado niya ngayon kaya bihira siyang makauwi sa Sierra Carmela. Ang katwiran naman niya ay nagtatampo lang ang kanyang mga magulang. Alam niyang naiintindihan siya ng mga ito.
Hindi naman niya kinakalimutang umuwi sa Sierra Carmela basta may importanteng okasyon sa pamilya. At kapag ganoon ay parang gusto niyang mahiya. Kulang na lang ay ipaglitsong-baboy siya ng ina. Ang nangyayari ay parang para na sa kanya ang okasyon at hindi siya basta dumadalaw lang.
Hindi rin naman niya masisisi ang mga magulang. Bunso siya at nag-iisang anak na babae, pagkatapos ay humiwalay pa siya ng tirahan. Ang dalawa niyang kuya ay may mga asawa na. Konsolasyon na lang ng tatay at nanay niya na nasa Sierra Carmela rin ang mga kapatid niya kaya palaging kapiling ang mga apo.
Narinig ni Amor ang pagtunog ng buzzer ng washing machine. Binalikan niya ang nilalabhan, iniahon ang mga damit at isinalang naman ang pangalawang batch. Biyernes at schedule talaga ng paglalaba niya. Hindi kataka-takang marami ang labahin dahil bukod sa madalas magbihis ay nawalan siya ng panahong maglaba noong nakaraang linggo dahil sa meeting sa isang kliyente.
At pabor iyon sa kanya. Nang nakaraang araw ay binayaran ng kliyente ang isang pickup in cold cash. Nasa account na rin niya ang kanyang commission.
Isine-set niya ang timer nang tumunog naman ang microwave oven. Bumalik na naman siya sa katabing kusina. Magaan naman ang buhay niya kung tutuusin. Salamat sa mga modernong kasangkapan.
Pero hindi kumbinsido sa ganoon ang kanyang inang si Mrs. Amalia Calderon.
"Bakit hindi mo isama si Mona para may nag-aasikaso sa iyo sa bahay? Paano ka pa makakapag-pahinga kung pagdating sa bahay, ikaw pa rin ang gagawa ng lahat?" Tuwing umuuwi si Amor ay iyon ang palaging isisingit ng ina sa usapan.
At palagi rin naman niyang tatanggihan. "Kaya kong gawin lahat iyon, Nanay. Kaya nga karamihan sa binibili kong damit ay iyong wash and wear. Para makabawas sa mga plantsahin. At saka, college pa lang ako, ako na ang nag-aasikaso sa sarili ko."
Hindi lang masabi ni Amor sa ina na napakapribadong tao rin niya. At ngayon pa lang niya ine-enjoy ang privacy na iyon, pati na rin ang independence.
"Para naman kayong bago nang bago riyan kay Aleamor, Nanay," sabad ng Kuya Anthony niya. "May colonial mentality iyan. Kaya nga sa aming magkakapatid, siya lang ang nag-ambisyong mag-aral sa Maynila. Dahil gusto agad na humiwalay sa saya ninyo."
"Kuya!"
Nakita niyang gumuhit ang sama ng loob sa mukha ng kanyang ina na tipikal na guro ang hitsura: tuwid ang buhok na palaging nakapusod at nakasuot ng heavy eyeglasses. Na-appoint ito bilang elementary school principal kaya nga bigla siyang umuwi. Naghanda ito nang kaunti para doon.
"Talaga naman, ah."
"Siya, tama na iyan at dumulog na tayo," awat ng tatay nila na si Leoncio Calderon. "Nasaan na ba ang mga apo ko? Ikaw, Apollo, hindi ko yata nakitang dala mo ang anak mo?"
"Isusunod na lang ho ni Cynthia. Dito na sila tutuloy paglabas ng school."
Pinangunahan ng kanilang ama ang pasasalamat sa nakahain sa hapag. Kompleto ang pamilya maliban sa dalawang hipag niya. Teacher din ang napangasawa ng kapatid niyang si Anthony at may klase pa. Kaya ang kasama ni Kuya Anthony ay ang kaisa-isang anak na dalawang taong gulang pa lang, nauna na iyong pakainin at kahabulan sa bakuran ang yaya.
Isa pa iyon sa iniwasan ni Amor kaya nagpilit siyang mag-aral sa Maynila. Pamilya sila ng mga guro. Mula sa ama na district school superintendent at sa ina na principal na ngayon, ang mga kuya naman niya ay mga high school teacher na sa eskuwelahan na rin nakilala at na-in love sa mga naging hipag niya—na mga teacher din.
Hindi man sila mayaman ay hindi naman sila mahirap. At siya lang ang umiba ng linya ng trabaho.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 1 - My Lover, My Best Friend
RomanceMula noon hanggang ngayon, palagi nang nagsisilbing anghel sa buhay niya si Amor. At hindi niya inakalang sa kabila ng mga taong lumipas ay makakagawa pa rin ito ng bagay na maglalayo sa kanya sa kapahamakan. Nakipagkita si Amor kay Joel para magpat...