Chapter 25
Best friends**
Hindi makatulog si Natalie nang gabing iyon. Hindi mawala sa isip niya ang mga sinabi niya kanina kay Jasper.
Tama lang naman ang sinabi niya, 'di ba? Ang totoo, ayos lang naman kung hindi siya suportahan ni Jasper sa pakikipagbalikan kay Leo dahil ayaw naman talaga niya sa kanyang ex pero kinailangan niyang sabihin iyon dahil naiinis na siya sa hindi nito pagpansin sa kanya.
Napapaisip tuloy siya kung ano na ang iniisip o ginagawa nito ngayon. Hindi naman ito nag-text o tumawag sa kanya kaya hindi niya alam kung iniisip pa rin ba nito ang mga sinabi niya kanina o wala lang talaga itong pakialam sa kanya.
Parang gusto niyang maiyak nang maisip na wala na itong pakialam sa kanya. Ganoon na lang ba talaga iyon? Ibabasura na lang nila ang pinagsamahan nila mula pagkabata dahil kay Leo?
Hindi niya maiwasang sisihin si Leo dahil sa nangyayari sa kanilang magkaibigan. Kung hindi naman ito dumating, hindi sana sila nag-aaway ni Jasper ngayon. Kahit na tatlong araw pa lang ang nakalipas mula nang maging sila ulit, hinihiling talaga niya na sana ay matapos na ang lahat ng ito dahil ayaw na niyang makita pa ang pagmumukha ni Leo.
She sighed. She missed Jasper so much. Kahit dalawang araw pa lang naman silang hindi nag-uusap nang maayos, miss na miss na niya ito. Nami-miss niya ang pang-aasar nito sa kanya kahit na minsan ay naiinis siya roon. Nami-miss niya ang pakikipaglaro nilang dalawa kay Jewel. Ngayon kasi ay silang dalawa na lang ni Jewel ang naglalaro dahil umiiwas ito sa kanya.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at pinilit na matulog. Mahigit isang oras na siyang nakahiga at ilang beses na rin siyang nagpalit-palit ng pwesto pero hindi pa rin talaga siya dinadalaw ng antok.
Napadilat siya nang marinig ang pagtunog ng doorbell. Napatingin siya sa orasan at nakitang malapit nang mag-alas onse ng gabi. Napakunot-noo siya. Sino naman kaya ang bibisita sa kanya ng ganitong oras? Naisip niyang imposibleng si Jasper iyon dahil alam naman nito ang passcode ng unit niya. Kung sakali man, diretso na itong papasok sa loob kapag may kailangan ito.
Natigilan siya nang biglang pumasok sa isip niya si Leo. Agad na rumehistro ang galit sa mukha niya nang maisip na baka ang lalaki ang nasa labas ngayon. Parang ayaw na tuloy niyang tumayo para pagbuksan ito. Kung sakali mang magalit ito, sasabihin na lang niya na nakatulog na siya.
Nanatili siyang nakahiga at hinayaan ang taong iyon na mag-doorbell. Mga ilang minuto lang ay huminto na rin naman iyon. Hindi niya mapigilang mapangiti dahil doon.
Wala pa yatang tatlumpung segundo ay bigla namang tumunog ang cellphone niya. Naisip niyang baka si Leo rin iyon at nang magsawang mag-doorbell ay ang cellphone naman niya ang pinuntirya.
Naiinis na kinuha niya ang kanyang cellphone hindi para sagutin iyon kundi para kumpirmahin kung si Leo nga talaga ang tumatawag. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita ang pangalan ni Zoey sa screen. Agad siyang napabangon bago iyon sinagot.
"Hello? Ate Zoey?"
"Hello, Nat. Pasensya na kung napatawag ako ng ganitong oras. Nandito ka ba sa unit mo? Kanina pa kasi ako nagdo-doorbell pero walang nagbubukas."
Bigla siyang na-guilty nang marinig ang sinabi nito. Akala niya ay si Leo ang nasa labas pero hindi pala. Tumayo na siya at naglakad palabas ng kanyang kwarto.
"Uh... pasensya na, Ate Zoey. Nakatulog na kasi ako, eh. Lalabas na ako ngayon," pagdadahilan niya.
Pagkasabi niya no'n ay ibinaba na niya ang tawag. Saktong nasa pinto na siya kaya agad na niya iyong binuksan. Nagulat siya nang makita roon si Zoey na buhat si Jewel na kasalukuyang natutulog. Bumisita kaya ito kina Jasper kaya ito naroon?
BINABASA MO ANG
The Hidden Gem (Silent Lips Series #2)
RomanceSilent Lips Series #2 ** Mula pa pagkabata ay magkaibigan na sina Natalie Marquez at Jasper Zee Valderama. Alam ni Natalie ang mga sikreto ni Jasper at ganoon din ito sa kanya. Kaya naman nang hilingin nito na itago muna niya at gawing sikreto ang t...