"Tangina, pre, ayoko na sa buhay ko..," anang binata sa kausap habang nakatingin sa langit.
Kung tutuusin, wala nga naman sa mataas na estado ng pamumuhay ang binatang si Jay Dimagiba, disesiete anyos, isang nagbabakal-bote. Ang tanging pangarap na lang niya ay ang pangarap ng pamilya niya.
"Paano na ang nanay at mga kapatid mo?" tanong naman ng kausap nito. Sandaling nanahimik ang binata. Hindi nito alam ang isasagot. Suminghal ito saglit saka nagsalita.
"Maaalala pa kaya nila ako?"
Lumaki na sa kalsada si Jay. Lumaking walang ama. Lumaki sa isang barung-barong. Tatlo silang magkakapatid. Siya ang panganay. Sinundan siya ni Annie, labingtatlong taong gulang, na sinundan naman ni Mark, nuebe anyos. Iba-iba sila ng naging ama. May sakit naman ang kanilang ina kaya si Jay na muna ang tumatayong sandalan ng pamilya. Naaksidente kasi ang ina noong nakaraang linggo lang. Ang sabi ng doktor ay baka tatlong buwan ang abutin ng gamutan bago makalakad ulit ang nanay nila. Nabaon sila sa utang matapos ang aksidente. Laging naaalala ni Jay ang senaryong ito sa tuwing nasa labas ng kalsada, habang naghahanap ng bakal at bote o maging basura sa tabi-tabi at mga bahay-bahay para ibenta sa junk shop para may kitain, dagdag para sa panggamot ng ina at para rin sa kakainin nila sa buong araw.
"Pre, magkano kinita mo?" tanong ni Gelo, ang matalik nitong kaibigan nang magkita sila sa junk shop. Simula bata pa lang ay magkasama na sila. Kilala na ng binata ang bawat hilatsa ng kaibigan, alam niyang pagod ito kaya inabutan ito ng isang bote ng tubig.
"Singkwenta." Napatitig ang binata sa baryang nasa kamay niya saka napainom. Kakaunti pa lamang ang naiinom niya ay tinakpan na agad niya ang bote at ibinalik sa kaibigan.
"Di bale, tatlong oras pa lang naman. Dito ako sa kalyeng 'to, tapos doon ka sa Narra Street," dagdag niya.
"Sige, pre, mamaya na lang."
Nagpatuloy sa pagtutulak ng kariton ang binata. Sa isang kanto, nakita niya ang isang resto. May basurahan. Naisip niyang tingnan kung may mapapakinabangan at madadala sa shop. Nang makalapit ay nakatinginan niya sa mata ang isang batang kasama ang isang pamilya. Mukhang masaya silang kumakain.
Nakita ni Jay na itinuro siya ng bata. Hindi man rinig sa kapag ng salamin na namamagitan sa kanila ay alam ni Jay na itinatanong ng bata kung bakit siya namumulot ng basura. Umiling ang ina ng bata.
Sa loob naman ng resto, maririnig na sumagot ang ina sa bata matapos siyang tanungin ng anak.
"Kapag hindi ka nag-aral nang mabuti, magiging katulad ka niya, gusto mo ba 'yon?"
Napahinto ang bata. Napatitig na lang sa ina na para bang nalulungkot. Saka binawi ang atensyon at bumalik sa pagtingin sa ginagawa ng binatang si Jay. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa pag-alis. Sa isip-isip ng bata ay bakit may mga tao pa rin na katulad ni Jay ang naghihirap.
Sa kabilang banda, naiisip naman ng binata ang pakiramdam na maging kahit buo lang ang pamilya nila. Sa isip-isip naman niya e, kahit maging kumpleto lang sila ay isa nang malaking bagay para sa kanya.
Sa kalagitnaan ng pag-iisip ay nakaramdam ng init ang binata. Sandaling sumilong at umupo sa isang bakanteng eskinita. Balak niyang magpahinga sana nang lapitan siya ng mga kalalakihan. Mga mukhang mayayabang. Marungis ang damit tulad niya. Makikita rin ang mga tato sa braso at mukha. Pati ang mga naglalawitang hikaw sa kanilang tenga at bilog na hikaw sa iba't ibang parte ng mukha nila, ang isa pa'y nagmukha nang toro sa nakasabit sa ilong.
"Bago ka lang dito?"
"H-hindi po. Pero ngayon lang po ako napaupo rito," utal na sagot ni Jay. Papatayo na sana siya nang hawakan siya ng isa sa mga lalake sa damit-akmang kukwelyuhan. Napabigla ng tayo si Jay nang iangat siya nito.
"'Di mo ba alam na puwesto namin 'yan? Kita mo, o, dinumihan mo na! Linisin mo 'yan!"
Itinapon siya ng lalake sa basang sahig ng maruming eskinita. Aalalayan sana niya ng pagtayo ang katawan sa pagtukod niya ng kamay sa lupa nang pagsisipain siya ng mga kalalakihang noon lamang niya nakita. Mayroon pang pinagpapalo siya ng nakitang kahoy sa tabi.
Maya-maya'y isang malakas na palo sa ulo ng binata ang ginawa ng isa sa kanila. Hindi na kaya ng binatang si Jay na tumanggap pa ng ilang sipa at palo ngunit hindi sila tumigil.
Nagtatawanan. Napuno ng tawanan sa sulok ng eskinita hanggang noong sumuka na ng dugo ang binata. Napuno ng dugo ang paligid sa dami ng naisuka ng binata. Impiyerno ang sinapit ng binata. Malapit na siyang mawalan ng malay. Maya-maya ay maririnig ang malakas na pito sa buong kalye.
"Pre, parak!"
Nagpulasan ang lima. Ang isa'y madapa-dapa pa sa pagtakbo. Hindi na gumagalaw nang madatnang nakahiga si Jay. Nang mapalapit ang parak ay nakita pa nitong hinang pinipilit na dumilat ng binata.
Isang malakas na pagtibok sa puso ng binata ang dumagundong sa kaniyang dibdib nang maaninag niya kahit ang balangkas ng mukha ng tumulong sa kaniya bago siya mawalan ng malay. Alam niyang minsan niya na itong nakita. Pamilyar.
"Sino?"
Iyan na lamang ang huling tanong sa isip ng binata bago tuluyang magdilim ang paligid sa kasalukuyan niyang katayuan.
Sa kabilang banda ay ganoon din ang pulis, ngunit iba ito. Sigurado ang pulis kung sino ang nasa harapan niya. Kilala niya ito. Hindi lamang ito pamilyar. Hindi lamang ito kakilala. Hindi lamang ito katulad ng iba niyang sinaklolohan. Hindi ito nagkataon lamang...
Sino nga ba siya?
BINABASA MO ANG
The Boy Who Lost Count of the Stars
Non-Fiction"Paano kung makalimutan na kita, maaalala mo pa kaya ako?"