"Nagkita na ba tayo?"

7 0 0
                                    

Nagising na lamang ang binatang si Jay sa loob ng barangay hall. Nilapitan agad siya ng mga nagbabantay sa kaniya noong magkamalay. Ramdam pa rin niya ang sakit sa buong katawan, maging ang dila niya ay nalalasahan pa rin ang dugong isinuka kanina.

Agad niyang hinanap ang tumulong sa kaniya. Ang sabi naman ng mga tanod ay doon na lamang siya iniwan ng pulis. Nagmamadali nga raw itong umalis bago pa siya magising. Napakamot ng ulo ang binata. Hindi niya kasi nalaman ang pangalan nito. Malakas pa naman ang kutob niya na kilala niya ito.

"Kayo na ang bahala sa batang 'to ha? Nabugbog 'yan do'n sa may eskinita kanina no'ng abutan ko. May aasikasuhin pa kasi ako sa station kaya 'di ko maaasikaso," ang sabi ng pulis sa mga tanod noong oras na iyon. Nag-abot pa nga raw ito ng pera pangkain ng binata.

"Boy, ito, isangdaan, pangkain mo raw sabi ni tsip." Iniabot ng bantay ang perang papel. Noong una ay di ito tinanggap ni Jay, ngunit sabi ng mga tanod e, pilit itong pinabibigay ng pulis para sa kaniya.

"Ito namang singkwenta, sa amin ito galing." Napakapa naman ang binata sa suot na pantalon. Bigla namang nagtawanan ang mga tanod. Napailing si Jay.

"Biro lang! Bigay din ni tsip yan. Nagkalat daw kasi sa daan 'yong mga barya mo kanina kaya pinalitan na lang niya. Pero ito, pwera biro, singkwenta, galing sa bulsa ko iyan!"

"S-salamat po." Nanginginig pa rin si Jay kaya utal pa rin itong nagsasalita. Nagkakantyawan naman ang mga kasama ng tanod.

"Minsan lang maging mabait 'yang si Emong! Lubusin na!" sabi ng pinakamatanda sa kanila. Si Emong naman ang pinakabata, disinuebe anyos lamang, ngunit ika nga nila ay pinaka-mature kung mag-isip. Laki rin kasi siya sa kalye mismo bago siyang kupkupin ni Kapitana Imelda ilang taon na ang nakalilipas kaya alam niya ang hirap na dinadanas ng batang si Jay.

"Oo na, ako na bahala sa meryenda ninyo, ihatid muna natin sa kanila itong bata," aya ng tanod sa mga kasama. Naghiyawan naman na para bang may piyesta ang mga kasamahan niyang sina Manong Zaldy; singkwenta at Boni at Tonyo; bente dos anyos. Halos ilang buwan na rin silang magkakasama at naging magkakabarkada na ang turing sa isa't-isa, 'di-alintana ang pagitan ng mga edad.

Hindi naman tinanggap ng binata ang alok. Sabi niya ay kailangan pa niyang magtulak ng kariton para sa pangkain nila ng pamilya niya ngayong araw.

"Hindi na. Ako na bahala. Dadagdagan ko 'yang pera mo. Sumabay ka na muna kumain sa amin at ihahatid ka na namin. Baka mamaya mapano ka na naman diyan sa daan. Doon ka na lang din sa karinderya bumili ng pagkain ninyo mamayang gabi. Pauwi na rin naman na kami."

"E, paano? Sa asawa niya iyung karinderya!" Siko ni Tonyo kay Jay sabay tawa. Napakamot sa panot nang ulo ang matanda.

Hindi naman na nakasabat pa ang binata nang hilain siya ng magkapatid na Boni at Tonyo palabas. Si Emong naman ang nagtulak ng kariton na kanina pa nakaabang sa labas sa paggising ni Jay.

Sa kalagitnaan ng paglalakad, hindi maiwasang tanungin ng mga tanod kung bakit nabugbog ang batang si Jay.

Nag-replay sa utak ng bata ang nangyari mula sa umpisa. Inisip din niyang mabuti kung may mali ba siyang nasabi sa mga kalalakihang nambugbog sa kaniya.

"Pinagsisipa at pinagpapalo na lamang po nila ako bigla..."

Malalim ang tingin ng magkapatid at ni Manong Zaldy kay Jay. Naawa sila sa sinapit ng binata. Napawi lamang ang tingin nila nang tawagin na sila ni Emong.

"Oh, nandito na tayo, hanap na kayo ng puwesto, ako na o-order para sa inyo," ani Zaldy saka pumasok sa kusina ng karinderya ng asawa. Kita pa rin naman sila ng mga kasama habang naghahanap ang mga ito ng mauupuan-pabiglang niyakap ni Emong ang nakatalikod na asawa. Para silang mga binata at dalaga na nagroromansahan.

Maya-maya ay sumunod na rin naman si Emong sa puwesto nila pagkakuha ng order nila.

"Ayan na! Ayan na! Ano kayang masarap ang niluto para sa atin ng asawa ni Manong Zaldy..."

Parang may drum roll na tumugtog sa paligid habang hinihintay nila ang pagkain na dala ni Emong sa dalang tray... Naglalaway na sina Boni at Tonyo.

"Tada!"

Nang ilapag ni Zaldy ang tray ay lumong tumingin ang magkapatid sa kaniya.

"Ngek? Lugaw na naman?" sabay na pagkadismaya ng dalawa. Lagi kasing ito ang inililibre sa kanila ni Zaldy. A nila, purga na raw sila sa lasa ng lugaw.

"E, mababunkrupt kasi kami sa lakas ninyong kumain." Saka tumawa. Napakamot naman ang binata sa ulo. Maya-maya'y inilabas ni Jay ang singkwenta pesos na ibinigay sa kaniya kanina.

"Itago mo na 'yan, sa 'yo 'yan, 'tong magkapatid na ito talaga, oo. O siya. Ano ba gusto ninyo?"

Walang anak sina Manong Zaldy. Itinuring na lang niyang anak ang mga kasama sa pagtatanod. Kaya naman okey lang sa matanda na gumastos para sa kanila.

Pansin ni Manong Zaldy na hindi sumagot ang dalawa sa tanong niya ngunit kita niya ang paglalaway nito sa pritong manok na nasa harapan nila.

"O siya. Ma! limang pritong manok ha? Hilutin na lang kita mamaya!" tawag niya sa asawa nang may pang-aasar. Napangisi naman si Aleng Mildred, ang asawa ni Manong Zaldy.

"Ikaw, Jay? May gusto ka ba?"

"Ah, wala po."

"O, sige, sabi mo e, tutal yari na rin ako sa asawa ko." Saka tumawa ang matanda.

"Sige, kain na tayo."

Matapos ang ilang minuto ng pagsubo at paglunok at pagpawi sa gutom ay nabusog din ang lima. Pansin nilang padilim na rin. Balak pa sana nilang ihatid ang binata ngunit sagot nito ay huwag na lang at kaya na niya ang sarili.

"Maraming salamat po pero pagabi na rin po, kaya ko naman na po. Baka hinahanap na rin po kayo, e. Mauna na lang po ako."

Wala nang nagawa ang lima. Tama nga naman ito, maaaring hinahanap na ang magkapatid at si Emong sa kanila sa mga oras na iyon. Pagkaway na lang ang naging pamamaalam nila sa isa't-isa nang lumakad na paalis ang binatang si Jay tulak ang kariton.

Habang kumakaway ay napatanong sa sarili ang binatang si Emong na kahit saglit lang ay itinuring nang kapatid at pamilya si Jay. Ramdam rin niya ang kakaibang lukso ng dugo.

"Nagkita na ba tayo?"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 06, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

The Boy Who Lost Count of the StarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon