Chapter 1

53 2 0
                                    

Elliana

"Ate Elli, gising ka na." Agad akong bumangon ng marinig ang boses ni Ellias. Binilin ko nga pala sakanya kagabi na gisingin ako ng maaga para hindi ako malate sa trabaho.

"Magandang umaga bunso. Payakap naman diyan." Lambing ko. Bagong ligo kasi ang kapatid ko dahil papasok sa eskwela. Nalukot ang mukha nito.

"Ayaw. Amoy panis na laway ka pa. Bilisan mo, hindi ako pwede malate ngayon may quiz kami. Tsaka 'yong agahan mo nasa lamesa." Masungit na sagot nito.

"Naks naman bunso. Maaasahan ka talaga." Agad akong pumunta sa kusina para kumain at maligo.

Nagtratrabaho ako sa karinderya ni Aling Conchi sa tapat ng eskwelahan ni Ellias. Dahil high school graduate lang ako, wala akong matinong trabaho na mahanap. Umalis na kasi ako sa restaurant na pinapasukan ko dahil hinipuan ako ng isa sa customer. Hindi ko kasi napigilang sampalin iyong matandang panot na customer. Malay ko bang VIP customer iyon. Buti nalang may bakante sa karinderya ni Aling Conchi. Hindi man ganun kataas ang sweldo ay sapat na para sa pang araw-araw naming gastusin.

"Ellias, halika na!" Tawag ko sa aking kapatid. Sinuot ko naman ang sapatos ko at kinuha ang aking bag.

Sinigurado kong nakakandado ang lock ng aming bahay at tinahak namin ang lubak lubak na daan.

"Ate, sabi pala ni Ate Maya kailan ka daw magbabayad ng utang sa tindahan niya. Hindi daw muna tayo pwede umutang kapag hindi ka pa nagbayad." Napatampal ako sa aking noo.

"Oo nga pala. Ibinayad ko kasi sa kuryente at tubig natin iyong naipon kong sahod sa restaurant na pinasukan ko. Sa susunod na linggo ko nalang siya babayaran kamo. Tutal lingguhan ang swelduhan ko sa karinderya." Nagkibit-balikat ito.

Napabuntong hininga ako. Sa dami ng binabayaran ko hindi ko na alam kung magkakasya pa ang kikitain ko sa karinderya. Kailangan ko pa maghanap ng isang trabaho sa dami ng gastusin na dapat bayaran.

Nang makarating kami sa tapat ng eskwelahan ay agad nagpaalam si Ellias dahil malalate na ito.

"Ellias, sinasabi ko sayo na mag-aral ka ng mabuti. Gagawin ko ang lahat mapag-aral lang kita. Ito lang ang maipapamana ko sayo. Kahit mahirap tayo gusto ko ipagmalaki mo balang araw na nakapagtapos ka ng pag-aaral. Naiintindhan mo ba?" Araw-araw ko itong bilin sakanya dahil ayaw ko na mapariwara ito at hindi seryosohin ang pag-aaral. Alam kong matalino at matiyaga ang kapatid ko kaya pursigido ako na magtrabaho para may pantustos sa kanyang pag-aaral.

"Lagi kong tatandaan yan. Gusto ko paglaki ko mabilhan kita ng bahay para hindi na tayo umupa. Doon sa may subdivision para hindi maingay kapag gabi." Natawa ako. May nag-iinuman kasi gabi-gabi sa tapat ng inuupahan namin at minsan pa ay nagvivideoke sila kaya naaantala ang pagrereview niya minsan.

"Mabuti kung ganun. O siya pumasok ka na. Ito baon mo tsaka galingan mo sa quiz niyo ha. Kapag perfect may reward ka mamaya!" Ngumiti ito.

"Talaga? Sisiw lang iyong quiz namin. Makikita mo perfect ko." Ang yabang nito ah. Tignan natin mamaya.

Pagkatapos ko ihatid si Ellias ay tumawid na ako patungo sa karinderya.

"Magandang umaga Aling Conchi." Nagsalubong ang kilay nito. Umagang-umaga busangot agad ang mukha nito. Palibhasa matandang dalaga ito.

"Walang maganda sa umaga kapag ikaw nakikita ko Elliana. Mukhang nanganak nanaman ang mga tigyawat mo." Puna nito sa mga alaga ko. Aminado naman akong hindi makinis at tinitigyawat lalo na kapag napupuyat o nasstress. Hindi rin kasi ako makabili ng pampahid sa mukha. Imbes na ipambili ng personal na bagay mas iniisip ko pa ang kakainin namin ni Ellias sa araw-araw.

Wala na talagang magandang masabi ang matandang 'to. Kala mo naman perpekto. E kahawig nga nito si Ursula.

"Kayo talaga Aling Conchi, tigyawat ko nanaman napansin niyo." Tumaas ang kilay nito at pinaypayan ang sarili.

"Kapansin-pansin naman kasi talaga iyan. Baka magsialisan ang mga customer ko kapag nakita ka. Hala sige pumunta ka na doon sa kusina at tulungan mo si Bianca." Mapanlait talaga. Kung hindi ko lang amo 'to baka sinapak ko na.

Bumuntong hininga ako at hindi na sinagot pa baka mas dumami pa ang mapuna nito.

Nagsuot muna ako ng apron at hairnet bago pumunta sa kusina. May kaliitin man ang karinderya ni Aling Conchi tinitiyak naman nito na malinis at maayos ang pagkakahanda ng pagkain at maaliwalas ang buong paligid.

"Elli andiyan ka na pala. Pakihugasan naman itong mga gulay." Utos ni Blanca sakin. Agad ko naman itong sinunod at kinuha ang mga gulay na dapat hugasan.

Matagal na kaming magkaibigan ni Bianca. Siya ang nag-rekomenda na dito ako magtrabaho. Saktong umalis iyong isa niyang kasamahan kaya natanggap agad ako.

"Hulaan ko nilait ka nanaman ni Aling Conchi." Napasimangot ako.

"Ano bang bago. Halos araw-araw akong nilalait ng matandang yan. Sana tumingin muna siya sa sarili niya kung wala bang maipipintas sakanya. Hindi na ako magtataka kung bakit tumandang dalaga siya. Mataas ang standards e." Natawa si Blanca.

"Hayaan mo na Elli. Inggit lang yan dahil bagets ka pa samantalang siya tanders na." Nagtawanan kaming dalawa.

Natahimik kami ng sumigaw si Aling Conchi. "Anong tinatawanan niyo dian?! Hindi ko kaya binabayaran para magtsismisan!" Napahagikgik kaming dalawa at pinagpatuloy ang ginagawa.

"Nga pala Bianca, may alam ka bang trabaho na pwede kong pasukan. Kailangan ko kasi maghanap pa ng ibang trabaho. Kulang kasi iyong kinikita ko dito sa karinderya sa dami ng bayarin ko ngayon." Dalawang buwan na akong hindi nakakabayad ng renta namin at isa pa iyong tuition ni Ellias sa katapusan na iyon.

Tumingin ito sakin tsaka lumapit.

"Tamang-tama. Naghahanap ng katulong ang mga Andrada ngayon." Nagulat ako. Hindi ko akalain na naghahanap ulit sila ng katulong.

"Andrada?! Iyong isa sa pinakamayaman na angkan sa bayan natin?" Kung matatanggap ako doon. Hindi ko na kailangan pa magtiis dito sa karinderya. Balita sa buong kabayanan ng Del Alfonso na malaki magpasahod ang mga Andrada.

"Wala ng iba Elli. Kaya pagkatapos ng shift ko dito, diretso na ako doon. Baka sakaling matanggap ako doon edi may libreng haplos na kay Kiran!" Kinikilig na sabi nito. Kaya pala bihis na bihis ito ngayon at nakamake-up pa.

"Kiran?" Nagtatakang tanong ko. Parang pamilyar ang pangalan na yan.

"Ano ka ba naman Elli. Huli ka lagi sa balita. Si Kiran ay ang bunsong anak ni Donya Matilda."

Ah naaalala ko na. "Iyong masungit at antipako na anak ni Donya Matilda. Tama ba?" Usap-usapan kasi na saksakan ng sungit iyon at madalas magpalit ng katulong dahil walang makatiis sa ugali nito. Hindi ko pa man iyon nakikita ng personal pero hula ko baka pangit iyon kaya malaki ang galit sa mundo.

"Excuse me ha. Sa dami ng masasagap mo na tsismis iyong negative pa. Kahit masungit iyon bawing-bawi naman sa mukha at katawan. Kapag nakita mo iyon Elli, mawawalan ng garter ang panty mo at maiinlab ka kaagad." Eksaherada naman itong si Blanca. Wala pa sa isip ko ang love na yan. Sakit lang sa ulo. Buti sana kung mapapakain ako niyan at mababayaran lahat ng utang ko.

May naisip akong magandang ideya.

Hinawakan ko ang kamay niya. "Bianca, pwede sabay tayo? Sige na. Baka sakaling matanggap din ako. Lalo pa andami kong bayaran ngayon." Pagmamakaawa ko sakanya. Wala naman masama siguro kong susubukan ko. Biyaya rin yun kung sakali.

Umikot ang mata nito. "Matitiis ba naman kita? Oo na sabay na tayo. Lalarga tayo maya-maya. Pero pwede ba mag-ayos ka kahit papano. Ang oily ng mukha mo. Ni pulbo man lang wala ka." Kita mo 'to. Kalahi din ni Aling Conchi. Mapanlait din.

"Oo na. Basta sabay tayo ha? Magbabasakali lang ako. Baka iyon na pala sagot sa mga problema ko." Tuwang-tuwa kong saad.

Sumigaw ulit si Aling Conchi. "Mag-tsitsismisan nalang ba kayo buong araw diyan? Mabuti pa at lumayas na kayo sa karinderya ko. Mga malas kayo sa negosyo!" Aligaga akong hinugasan ang mga gulay.

"Pag-usapan nalang natin mamaya. Magtrabaho muna na tayo baka parehas tayong pakukuluan ni Aling Conchi kapag nagkataon." Natawa kaming dalawa.

The Edge of DesireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon