Jeepney

36 5 3
                                    

"Oh! Kasya pa, kasya pa! Aalis na, oh! Dalawa na lang! Dalawa na lang! Waluhan 'yan, oh!" Sigaw noong barker ng jeep.

Bulag ba 'to? Ang sikip-sikip na tapos sasabihin kasya pa?

Hindi ko na lang 'yon pinansin at nagsaksak na lang ako ng earphones sa mga tainga ko habang naghihintay na mapuno ng mga pasahero ang jeep.

Ang tagal namang umalis. Ang init-init, eh.

Lagi akong sumasakay sa jeep kasama ang bestfriend ko na si Lyza pagkatapos ng klase sa hapon, malapit lang naman kasi 'yong bahay nila sa amin kaya magkasabay na rin kami sa pag-uwi.

Napatingin ako sa bestfriend ko nang kalabitin niya ako kaya naman tinanggal ko 'yong earphones ko sa isang tainga.

"Bes, 'yong crush mo, oh," bulong niya tapos tumuro gamit ang nguso niya na sinundan ko naman ng tingin.

Bumilis 'yong tibok ng puso ko nang makita kong nandito si Ken, 'yong crush ko. Ang campus crush ng school namin, kasama ko sa iisang jeep! Shet!

"Oras na para humarot, bes," bulong niya ulit sa'kin at nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi niya.

"Baliw ka ba? Anong gusto mong gawin ko? Kumandong sa kanya?" Bulong ko sa kanya at nagpigil naman siya ng tawa.

"Gaga! Ikaw may sabi n'yan. Ang ibig kong sabihin, gumawa ka na ng paraan para mapansin ka niya dahil minsan lang 'to!" Bulong niya at agad ko naman siyang tiningnan nang masama.

"Baliw, ang dami nating kasamang estudyante at guro dito, baka kung anong sabihin nila sa'tin," bulong ko ulit habang pinagmamasdan 'yong mga kasama namin na halos mga estudyante at mga guro rin sa school na pinapasukan ko.

Napatingin naman ako sa labas nang mapansin kong umandar na 'yong jeep.

"Picturan mo na lang para hindi sayang, dali! Ang lapit niya sa'tin, oh? Minsan lang 'to. Sulitin mo na!" Bulong niya ulit at napabuntong-hininga na lang ako.

Tumingin ako kay Ken na nagpapatugtog lang gamit 'yong earphones niya.

Wala namang mawawala. Hindi naman siguro masama kung kukuha ako ng picture niya, 'di ba? Hindi naman siya creepy, 'di ba? Hehe!

Kinakabahan ako sa gagawin ko. Pasimple kong pin'westo 'yong phone ko para makakuha ng magandang anggulo at nang mapansin kong ayos na ay agad ko naman itong pinindot.

Nanlaki ang mga mata ko nang biglang umilaw 'yong phone ko.

May flash?!

Binaba ko agad 'yong phone ko at dahan-dahang tumingin sa kanya, agad akong umiwas ng tingin nang mapansin kong nakatingin na siya sa'kin.

Alam niya! Oh my Gosh! Anong gagawin ko?! Shet!

"Ang tanga mo naman, bes! Bakit may flash?!" Mahinang pagkakasabi ni Lyza.

Tiningnan ko naman siya nang masama. "Pasensya ka na, ha? Hindi ko kasi alam, eh," sarkastikong pagkakasabi ko at tumingin na lang sa labas.

Hindi na ako muling tumingin sa direksyon niya. Hindi kasi ako mapakali, hangga't hindi pa siya bumababa ng jeep ay hindi ako matatahimik.

Lumipas ang mga minuto at nanatili lang akong nakatingin sa iisang direksyon. Parang nangangawit na nga 'yong leeg ko, eh.

Wala akong paki-alam kung napansin ng lahat ng pasahero sa jeep ang ginawa ko basta kailangan makaalis na ako dito ngayon din! Wahhh! Leche talaga!

Unwritten DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon