Para

30 4 0
                                    

'Para'

Salitang sinasambit sa jeep kapag nais mo nang bumaba
Ngunit tila nabuhol ang aking dila, tila nalimutan kong makapagsalita
Tila ayaw ko nang umalis at tumuloy kung saan man ako dapat na magpunta
Sapagkat maaaring ito na rin ang huling pagkikita nating dalawa

Sa 'di inaasahang pagkakataon, ika'y aking muling nakita
Unang beses na makatabi ka, unang beses na may kakaibang nadarama
Unang beses na masilayan ko ang makikinang mong mga mata
At sa sandaling iyon, ako'y napahiling na sana ito'y 'di na kailanman matapos pa

Lumipas ang panahon, sabay na tayong sumasakay
sabay na tayong naglalakbay, tila ayaw nang maghiwalay
Parang dati lamang ay tayo'y mga pasahero lamang na nagkasabay
'Di kilala ang isa't isa, ngayo'y ikaw na ang gustong makasama habangbuhay

Ngunit isang araw, bigla kang nawala sa tabi ko
Patuloy lang sa pag-andar ang jeep: papalayo nang papalayo sa 'yo
Senyales na sawa ka na, na 'di na ako ang gusto mong makasama
Wala na akong nagawa kundi pagmasdan kang maglaho sa paningin ng aking mga mata

Para saan ang lahat ng ngiti kung papalitan mo lamang ng pighati?
Para saan pa at minahal kita kung iiwan mo rin pala ako sa huli?
Para saan ang ating pagsasama kung hindi ka rin naman mananatili?
Para saan pa at minahal kita kung ang kaakibat lang pala nito'y sakit at hapdi?

'Para'
Salitang nais kong sambitin, baka sakaling huminto rin ang sakit na aking nadarama

'Para'
Salitang nais kong banggitin, baka sakaling makaalis na sa nakaraan noong tayo'y magkasama pa

'Para'
Salitang sinambit mo sa akin upang ipahiwatig na katulad ng paglalakbay, ang pagmamahal mo sa akin ay may hangganan din pala

Amanda Heartens

────────────

"Oh! Aalis na! Aalis na!"

Bumalik ako sa realidad nang marinig kong sumigaw 'yong barker ng jeep.

Matamlay kong itinabi sa wallet ang isang picture na kanina ko pa tinititigan. Kinuha ko 'yong plastik sa tabi ko na may lamang tinapay na binili ko dito sa tindahan kung saan ako nauupo ngayon.

Nagpasya akong maupo muna rito ng ilang minuto habang wala pang masyadong pasahero 'yong jeep na sasakyan ko.

"Pabili po." Dinig kong sabi ng isang lalaki pero hindi ko na 'yon pinansin.

Tumayo na ako at nagsimulang maglakad papalapit sa jeep ngunit napatigil ako nang mapagmasdan ko ito nang maayos.

Bigla akong nakaramdam ng bigat sa puso ko habang pinagmamasdan ito.

Unwritten DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon