Pangarap

39 7 0
                                    


Ang lupa’y kumakapit
sa aking mga paa,
pilit akong hinihila
palayo sa pangarap ko.
Ang mga mata nila’y
labis na nagtataka
kung bakit hindi pa rin
ako humihinto.

Ngunit kung ang isang bingi’y
kayang kumanta,
ako’y patuloy na babangon
at maniniwala
na kaya ko ring tumakbo
patungo sa pangarap ko,
kung kaya’t patuloy akong aasa hanggang sa maabot ito.

Amanda Heartens

────────────

Ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko at kaba na dumadaloy sa buong katawan ko, ilang butil ng pawis sa aking mukha ay nag-uunahan sa pag-agos dala ng nerbyos.

Ito na ang pinakahinihintay ko, ang araw na ako’y sasabak sa isang pang-internasyunal na kompetisyon sa pagtakbo. Ang isport na pinakamamahal ko.

“Lastly, number 134 from the Philippines, Alvin Argota.”

Kasunod noon ang malakas at matinding palakpakan ng mga tao na halos mga kapwa ko rin Pilipino na buo ang puso sa pagsuporta sa akin.

“On your mark!”

Sabay-sabay kaming lumapit sa linya para pum’westo sa pagtakbo.

Parang bumagal ang lahat ng nangyayari sa paligid ko, tila wala akong ibang naririnig at ‘yong mga linya lang sa daan ang tanging nakikita ko.

*BANG!*

Kasabay ng malakas na putok ng baril ay ang mabilis kong pagtakbo.

“Alvin? Mukhang masyado kang nawiwili sa pinapanood mo, ah?”

Bumalik ako sa reyalidad nang marinig kong magsalita ang isang nars sa may pintuan.

“Opo.”

Lumapit siya sa tabi ko at tumingin sa pinapanood ko. “Olympics?”

Marahan akong tumango at ngumiti naman siya sa akin.

“Matagal ko na pong pangarap na maging isang atleta.”

Dahan-dahang nawala ang ngiti niya. Kitang-kita ang lungkot sa kanyang mga mata ngunit mabilis din niya itong ibinawi at muling ngumiti ngunit ramdam kong hindi iyon totoo.

“Alvin, aalis na muna tayo, ha? Kailangan mo munang kumain ng tanghalian.”

Ngumiti lang ako nang malumanay at kasabay nito ay ang pagtulak niya sa wheel chair ko.

WAKAS.

HiwagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon