Hangin

62 8 0
                                    


“Ikaw ang hangin ko. Para akong lumulutang sa ere sa tuwing nararamdaman kita. Sa tuwing dumadating ka, ako’y kumakalma kahit na alam kong kailanma’y hindi kita makikita.”

— Amanda Heartens

────────────

Nakaupo ako ngayon sa isang mahabang upuan na yari sa kahoy dito sa bakuran ng aming bahay.

Naisipan ko lang na magpahangin dahil wala rin naman akong magagawa sa k’warto ko.

Umihip ang malakas na hangin, ang ginhawa sa pakiramdam. Nakamulat ka man o hindi, ramdam mo pa rin ito.

Kahit hindi ito nakikita o nahahawakan man lang, minsan, ito lang pala ang kailangan mo para gumaan ang ‘yong nararamdaman.

“Aya, nandiyan ka lang pala.” Dinig kong sambit ng nakatatanda kong kapatid na si Ate Ana.

Hindi ako kumibo sa aking p’westo dahil alam ko namang pupuntahan niya rin ako.

“Hindi ba’t nasa k’warto ka kanina? Bakit nandito ka?” Tanong niya kaagad nang makaupo siya sa tabi ko.

“Gusto ko lang magpahangin.” Malumanay kong sagot.

“Sana tinawag mo ako para naman nasamahan kita.”

Marahan akong umiling. “Kaya ko naman.”

Hindi na siya sumagot at bagkus ay bumuntong-hininga na lamang.

Lumipas ang mga minutong punong puno ng katahimikan, tanging ang huni ng mga ibon at kaluskos ng mga dahon lamang ang maririnig.

“Aya, ayos lang ba talaga sa ‘yo na hindi mo na makikita ‘yong kasintahan mo?” Nag-aalala niyang tanong.

Biglang bumalik ang lahat ng mga alaala sa akin, lahat ng sakit na dinanas naming dalawa. Sa isang iglap, napuno ng mga katanungan ang isip ko.

“Hindi naman ako nagsisisi sa naging desisyon ko,” tumigil ako. “Sana lang, matanggap niya ulit ako.”

Hindi siya sumagot at naramdaman ko na lang ang paghagod niya sa likod ko.

Lumipas ulit ang ilang minuto nang may narinig akong tunog ng isang sasakyan.

“Aya, dumating na siya. Diyan ka lang, pupuntahan ko muna.”

Hindi ako nakapagsalita, ang bilis ng tibok ng puso ko.

Anong gagawin ko?

Makalipas ng ilang minuto ay may narinig akong pamilyar na boses.

“Aya.” Banggit niya sa pangalan ko na ikinabilis naman ng tibok ng puso ko.

Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin.

“Bakit mo ginawa ‘yon?” Malungkot na pagkakatanong niya.

“Dahil mahal kita.” Sagot ko na halos pabulong na.

“Hindi mo naman kailangang gawin ‘yon para sa ‘kin. Hindi mo kailangang magdesisyon nang ikaw lang.”

Nanikip ang dibdib ko noong maramdaman ang sakit sa kanyang mga salita.

“Ang gusto ko lang namang malaman, tanggap mo pa rin ba ako kahit ganito na ako?” Malungkot kong tanong.

“Oo naman, Aya, hindi mo na kailangang itanong pa sa ‘kin ‘yan, pero mas tanggap ko kung hinayaan mo na lang na...”

“...ako ang mabulag.”

Parang may kumirot sa puso ko nang mapansin kong nababasag at nanginginig na ang boses niya.

“Mas gusto ko na nakikita mo ang mundo kaysa ako ang makakita noon. Kahit ‘wag na ako dahil ikaw ang mundo ko at hindi ko matanggap na nagkaganito ka dahil sa ‘kin.”

“Tanggap ko na basta tanggap mo ako. Nakakakita man ako o hindi, basta ramdam ko ang pagmamahal mo, ayos na ako.” Sagot ko. Hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya no’ng biglang humangin nang malakas.

“Basta nandyan ka, ikaw ang magsisilbing mga mata ko, Joseph.”

WAKAS.

HiwagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon