8

39 2 85
                                    

TLC 08

"NO, no, no. Hindi pwede," halos ipagwawagan ang ulo na umiling si Helga. Ibinalik sa loob ng walk-in closet ang maletang pinuno ni Kate ng mga gamit nito at muling lumabas. Hinarap ang kaibigang nakaupo sa gilid ng kama at lumaylay na mula sa balikat ang strap ng hawak na shoulder bag. "Walang aalis."

"Pero—"

"Saan ka sa tingin mo pupunta? Magpapalaboy-laboy ka sa daan? Matutulog sa gilid ng kalye? Idadamay mo pa ang bata sa kalokohang naiisip mo?" Tinutop niya ang noo at sumandal sa dingding. Pumikit at bumilang ng isa hanggang lima bago muling idinilat ang mga mata. "Kate naman, kung kailan ilang buwan na lang ang bibilangin natin bago lumabas ang baby tsaka mo pa naisipang i-entertain 'yang hiya-hiya na sinasabi mo. At hindi lang isandosenang beses ko nang sinabi sa'yo na wala kang dapat ikahiya, ah? Ano kung wala ka nang mai-share sa mga gastusin dito mula nang mag-resign ka? Eh sa maselan ang pagbubuntis mo at kung ipipilit mong ituloy ang pagtatrabaho baka makasama pa sa bata."

Napaungol siya at natampal ang noo nang magsimula itong umiyak.

"Pati ipinapadala mo sa probinsiya nababawasan na dahil sa akin..."

Lumapit siya at lumuhod sa harap nito, hinagod ang likod nito. "Tahan na, baka paglabas ng baby maging iyakin na rin. 'Yon ang sabi ng nanay, kung ano daw ang disposisyon ng mommy habang nagbubuntis, nakukuha ng baby..." Makailang-beses nitong kinusot ang mga mata at huminga nang malalim para hamigin ang sarili. "'Yan. Ganyan nga. At mali ka sa inaakala mo. Hindi ko binabawasan ang ipinapadala ko kay nanay at tatay. 'Yong savings ko ang ginagamit natin para sa prenatal needs mo at ng baby."

Umiling-iling ito. "Hayaan mo na lang akong umalis, Helga. Ayaw ko na talagang maging pabigat pa sa'yo...sa inyo ni Maynard. Babalik na lang ako sa probinsiya. Nakausap ko na ang tiyang—"

"Ang tigas naman ng ulo mo, Kate. Mahirap ang buhay doon, di ba?"

"Anong nangyayari dito?"

Halos magkasabay pa silang nagpaling ng tingin sa pinto ng silid nang marinig ang boses ni Maynard. Sa ayos ay mukhang doon dumiretso galing opisina. Tumayo siya at sinalubong ito. "Tulungan mo nga akong kausapin si Kate, hon. Nagpipilit—"

"Gusto mo bang malaman kung ano ang tunay na dahilan kung bakit gusto kong umalis, Helga?"

Salubong ang mga kilay na nilingon niya ang kaibigan. "Anong ibig mong sabihin? May iba pa bang dahilan?"

"Alam mo ba kung bakit ko tinangkang magpakamatay noon?"

Niyakap niya ang sarili. "Hindi mo na kailangang sabihin. Alam kong si Lawrence ang dahilan. Dahil ayaw niyang panagutan ang bata. Magulo ang isip mo, hindi mo alam kung ano ang—"

"May nangyari sa amin ni Maynard."

Pakiramdam niya ay nabingi siya. Naging mabuway ang pagkakatayo ngunit pilit na binawi ang balanse. Kasunod niyon ay parang umakyat ang lahat ng dugo niya sa bumbunan niya.

"I'm sorry, Helga. Hindi ko ginustong—"

"May nangyari? Hindi mo ginusto? Bakit? Pinilit ka ba ni Maynard, Kate?" Nilingon niya si Maynard na noong mga sandaling iyon ay nakita niyang nakapikit at sapo ang ulo habang nakasandal sa pinto. Muli niyang ibinalik ang tingin kay Kate. Noon naman sumingit sa isipan ang ilang pagkakataong inabutan niya sa receiving room ng apartment si Maynard. At kapag hinanap naman niya si Kate at pumasok siya sa kwarto nito, kung hindi ito bagong labas sa banyo at nakatapis lang ng tuwalya ay nagpapalit naman ng bedsheets. "You were sleeping with him." Kahit sa sarili niyang pandinig ay parang kasinlamig ng yelo ang boses niya.

"Helga—"

"Si Maynard ang narinig kong kausap mo sa kwarto noon, di ba, Kate? Ang sabi mo guni-guni ko lang na narinig ko ang boses niya... imahinasyon ko lang na narinig kong tinatawag niya ang pangalan mo. You said you're with Lawrence. I even felt bad for knocking, for interrupting, for asking dahil napag-isipan kita nang masama." She laughed, mostly at herself. Nagsimula namang humagulgol si Kate. "Now you're telling me you didn't want it?"

The Lucky CharmWhere stories live. Discover now