Wattpad Original
Mayroong 2 pang mga libreng parte

Kabanata 4

166K 6.3K 4.5K
                                    

[Kabanata 4]

"TULUNGAN mo akong mapalapit kay Enrique. Tulungan mo akong maging isang Alfonso." Napakurap si Lucas ng dalawang beses na tila naglalakbay pa ang aking sinabi patungo sa kaniyang isipan.

"Ibig kong maging bahagi ng inyong pamilya. Hindi dahil sa tanyag si Enrique kundi dahil ibig kong ibigay ang aking buong puso sa kaniya," patuloy ko. Napakurap muli siya saka biglang napangisi.

"Isa kang pambihirang binibini," panimula niya habang nakangisi saka tiningnan ako na tila hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi ko.

"Si Enrique ang bahalang magpasiya kung sino ang kaniyang iibigin," saad ni Lucas saka hinubad ang kaniyang sombrero at tinapat iyon sa kaniyang dibdib bilang senyales ng kaniyang pamamaalam saka tumalikod.

Ngunit wala pang tatlong segundo ay lumingon ulit siya sa akin. "Mag-isa ka lang nagtungo rito upang sabihin sa akin iyan?" tanong niya, napalingon ako sa kaliwa at kanan saka ngumiti nang may pag-aalinlangan sa katotohanang buong tapang akong tumakas sa aming tirahan.

Biglang naging seryoso ang mukha niya. "Tiyak na hindi matutuwa si Don Gustavo sa oras na malaman niya na mag-isa kang nagtungo rito nang walang pahintulot." Napalunok na lang ako. Batid kong mali nga ang aking ginawa ngunit kaya ko namang ipagtanggol ang aking sarili.

"G-gaya nga ng iyong sinabi, isa akong pambihirang binibini. At ngayon, ibig kong ipakita sa iyo ang aking sinseridad ukol sa aking pagtingin para kay Enrique. Handa kong gawin ang lahat para sa kaniya kung kaya't pakiusap... Tulungan mo ako." Tila sumasabog ang aking puso dahil sa nag-uumapaw na determinasyong nararamdaman ko ngayon.

Napahinga nang malalim si Lucas at muling tumingin sa akin. "Tiyak na mahuhulog ang puso ni Enrique sa oras na marinig niya ang iyong mga tinuran. Ngunit, bakit hindi ikaw mismo ang magsabi sa kaniya ng iyong nararamdaman?" tanong niya na tila isang malaking batong tumama sa aking isipan.

Kinuha niya ang kaniyang kuwintas na relo, tiningnan ang oras saka ibinalik iyon sa kaniyang bulsa at tumingin muli sa akin. "Sa aking palagay, wala pa sa aming tahanan si Enrique. Maaari mo siyang hintayin sa aming tahanan at iyong sabihin ang lahat ng iyan." Akmang tatalikod na siya ngunit napatigil siya nang magsalita akong muli.

"H-hindi ko kaya..." Napalingon siya muli sa akin. Bakas sa kaniyang mukha ang pagtataka. Napahinga na lang ako nang malalim saka napatingin sa lupa.

"Hindi ko batid ngunit sa kabila ng aking malalim na patingin at hangarin na mapalapit sa kaniya, tila ako'y duwag na hindi makagalaw at makapagsalita sa oras na nakikita ko siya." Napahawak ako sa tapat ng aking puso. Tumitibok ito. Dumadagundong. Sumisigaw na tila walang bukas sa tuwing papalapit si Enrique.

"Gusto ko siya... Gustong-gusto ko siya. Ang sabi nila, natutulog lang daw ang puso nang matagal ngunit babalik itong muli sa taong minimithi nitong masilayan." Sabihin man nila na ako'y nawawala na sa katinuan ngunit ito talaga ang aking tunay na nararamdaman.

Napatikhim si Lucas dahilan upang matauhan ako at muling mapatingin sa kaniya. "Humahanga ako sa iyong wagas na pag-ibig para sa aking pinsan ngunit... paumanhin kung hindi kita matutulungan," saad niya saka tumalikod at nagpatuloy na sa paglalakad.

Napapikit na lang ako saka mabilis na tumakbo papalapit sa kaniya at hinarangan ang kaniyang daraanan. Napatigil siya sa paglalakad saka nagtatakang napatingin sa akin ngunit di kalaunan ay bigla siyang natawa. "Narinig mo na ang lahat ng aking dahilan. Ano pa bang kulang upang ikaw ay umayon sa aking kagustuhan?" Sa pagkakataong ito, halos walang kurap at deretso akong nakatingin sa kaniya.

Tumawa lang siya, isang mahabang tawa na tila hindi siya makapaniwala sa lahat ng sinabi ko. Ilang sandali pa, napagod na siyang tumawa sabay halukipkip at tiningnan din ako. "Sabihin mo sa akin, binibini, ano ang aking mapapala sa pagtulong sa iyo?" tanong niya habang nakangisi.

Bride of Alfonso (Published by LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon