“Yuri,Yuri! teka lang ,may nais sana akong ipakipagusap sa iyo…Hintayin mo ako dyan.”, sigaw ni Mark mula sa ikalawang palapag ng paaralan.
Pauwi na ako noon galing sa nakakapagod na araw na puno ng mga pagsusulit at proyekto. Tinawag ako ni Mark para sabihin ang isang bagay.
Huminto ako sa paglalakad at hinintay siya sa kinatatayuan ko.
“Oh? Tungkol ba saan?”, tanong ko.
Hinila niya ang kamay ko at dinala sa isang sulok ng paaralan.
“Gusto ko sanang magpatulong sa’yo. Kasi….kasi may gusto ako…. may gusto ako kay Ana, pwede mo ba ako tulungan sa kaniya? Pwede ba?”, pakiusap niya.
Matalik na kaibigan ko si Ana. Palagi kaming magkasama at sabay na gumagawa sa bagay-bagay. Pero ngayong araw na ito,nagkaroon ng emergency sa bahay nila kaya hindi siya nakapasok.
”Uy, ano? Yuri….pwede ba?”, pagbubusisi niya.
Nabigla ako sa sinabi niya. Hindi ako nakasagot agad.
Papaano naman kasi , matagal ko nang gusto si Mark. Ayokong malaman niya iyon. Natatakot ako na kapag malaman niya, baka hindi na niya ako pansinin, kausapin at tuluyan nang layuan.
Mas pipiliin kong huwag nalang sabihin sa kaniya kaysa mangyari ang mga hindi ko inaasahan.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isipan ko, pero pumayag ako sa pakiusap niya.
Nagtagal din ang pagiging tulay ko sa kanila ng kaibigan ko. Nagustuhan din naman siya ni Ana kahit papaano. Ngunit mas matimbang pa rin si Marvin sa puso niya.
Isang araw, parang nagbago ang ihip ng hangin, kinausap ulit ako ni Mark.
“Yuri…pwede bang….huwag mo na akong tulungan kay Ana…? Sa tingin ko kasi mas gusto niya si Marvin. At mas bagay naman sila eh….”, wika ni Mark.
Napatigil ako sa sinabi niya.
Alam kong gustong-gusto niya ang kaibigan ko, pero bakit parang pinanghihinaan na siya ng loob.
Oo, isinang-tabi ko na ang sarili kong nararamdaman para sa kaniya.
Gusto ko siyang maging masaya, kaya gumawa ako ng paraan para piliin siya ni Ana.
“Ana, alam ko kung gaano ka kamahal ni Mark…Ana, sobrang mahal ka niya. Kaya niyang gawin lahat para sayo…”, pagtatanggol ko kay Mark.
Naputol ang pagpapaliwanag ko.Dumating pala si Mark at napakinggan ang lahat ng sinabi ko kay Ana..
Tumakbo siya papalayo.
Sinubukan ko siyang sundan, pero hindi ko na siya inabutan.
Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko. Tila may pag-aalala sa isipan ko na hindi niya nagustuhan ang ginawa ko. Sinabi ko lang naman ang totoo, pero...bakit parang may mali?
Lumipas ang tatlong araw, nag-aalala na ako. Hindi siya pumapasok sa paaralan. Sinubukan kong tawagan ang telepono niya, pero walang sumasagot.
Isang gabi, tumawag si John na kaibigan ni Mark sa akin.
“Dinala sa ospital si Mark, may karamdaman siya…”, sabi niya.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, hindi naman ako papayagan ng mga magulang ko umalis ng bahay ng ganung oras.
Pinasabi ko nalang kay John na nag-aalala ako sa kaniya at sana gumaling na siya.
Isang lingo na siya sa ospital, pero hindi na ako ulit nakakuha ng balita mula kay John.
Ilang araw ding malungkot akong pumapasok sa paaralan.
Isang araw,habang naglalakad ako sa pasilyo, may bigla nalang humarang sa akin.
Hingal na hingal siya mula sa pagtakbo.
Nagulat ako nang mukha ni Mark ang sumalubong sa akin…
“Magaling ka na? Salamat naman kasi……”, ang mga salitang aking naibulalas sa pagkagulat.
“Sorry kung tumakbo ako noon papalayo…Ayoko na sanang ituloy mo ang pagiging tulay sa amin ni Ana. Napag-isip ko na …..hindi pala siya ang mahal ko. Pasensya ka na ngayon ko lang nasabi. Yuri, pwede bang ikaw nalang? Yuri, ikaw ang gusto ko.”, tuloy-tuloy niyang pagsasalita.
Natigilan ako sa aking kinatatayuan. Mabuti nalang at tinawag ako ni Ana para gawin ang research papers naming sa library.
Hindi pa rin mawala sa isipan ko ang mga salitang nabitiwan niya.
Habang nasa library kami, isang text message ang natanggap ko.
“Yuri, mahal na mahal kita. Hindi ko alam kung paano nagsimula ang nararamdaman ko. Hindi ko maisip at ayaw kong isipin kung ano ang mangyayari kapag hindi na tayo magkasama. Importante ka sa akin, importante ka sa buhay ko…Huwag mong kakalimutan iyan…”
Parang bumagal ang oras habang binabasa ko iyon, pero hindi ko ito pinagtuunan ng pansin.
Makalipas ng tatlong oras na pamamalagi naming sa library, bigla nalang ako kinutuban ng masama, binalot ako ng kaba at sinakluban ng matinding pag-aalala. Ipinasya ko na magpaalam na kay Ana at puntahan si Mark sa bahay nila.
Naabutan ko ang tita niya na papasok sa bahay nila Mark.
“Ma’am, andiyan po ba si Mark? May sasabihin po sana ako sa kaniya.”, pag-uusisa ko.
“Ikaw si Yuri, tama ba? May pinabibigay siya sa’yo…”tugon ng tita ni Mark.
Kinuha niya sa isang bag ang pinabibigay sa akin ni Mark. Isang sulat. Habang iniaabot sa akin ang sulat, sinabi sa akin ng tita niya na pumunta na ng Canada si Mark para magpagamot. Idinagdag din niya na doon muna siya mamamalagi kasama ng pamilya nila. Sa totoo lang, nasa paliparan na sila nang magtext siya sa akin.
Hinang-hina ako. Malungkot na mukha ang suot ko habang binabaybay ang daan pauwi sa bahay namin. Sobra ang pagkalungkot ko.
“Umalis na siya…Hindi ko man lang nasabi sa kaniya….Hindi man lamang niya nalaman na may nararamdaman din ako para sa kaniya…sayang…Kung alam ko lang, sana sinabi ko na agad…”, patuloy na sambit ko sa kawalan.