HALOS wala siyang naging tulog sa buong magdamag sa kaiisip kay Cris. Hindi pa uso ang telepono sa lugar nila kaya walang ibang paraan para makabalita siya dito maliban sa pupuntahan niya ito sa bahay nito.
At hindi naman niya magawa iyon. Bukod sa hindi siya papayagan ng mama niya na umalis pa dahil gabi na, nagdadalang-hiya naman siyang magtungo sa bahay nito ngayong darating ang magulang nito. Hindi pa niya personal na nakikilala ang mga magulang ng binata. At ayaw niyang isipin ng mga ito na masyado siyang magbantay kay Cris. Baka masabihan pa siyang nakikipagkumpitensya siya ng atensyon sa mga ito gayong kadarating lang ng mga ito buhat sa ibang bansa.Subalit hindi rin naman siya mapakali. Magkahalo na sa damdamin niya ang pagtatampo at pag-aalala. Nagtatampo siya dahil hanggang sa maghating-gabi ay hindi na nagpakita sa kanya si Cris. Nag-aalala din naman siya dahil baka may masamang nangyari sa binata kaya hindi na nito nakuhang dumaan sa kanya gaya ng pangako nito na magkikita sila kahit sandali sa oras na makauwi ito mula sa pagsundo sa mga magulang sa airport.
Kinabukasan, hindi pa man sumisikat ang araw ay bumangon na siya sa higaan. Puyat siya at pakiramdam niya ay nanlalata ang pakiramdam niya subalit alam niyang hindi na rin naman siya makakatulog pa. Naligo na siya at nagbihis. Naisip niyang gumayak na para oras na lamang ang hihintayin niya. Nakapagpasya na siyang pupuntahan si Cris. Hindi bale na kung anuman ang isipin ng mga magulang nito sa kanya.
Katatapos lang niyang mag-almusal at kaaalis lang ng mama niya upang pumasok sa munisipyo bilang civil registrar nang dumating si Gigi.
"O, naligaw ka?" nakaingos na sabi niya dito. At home na si Gigi sa kanila kaya ni hindi na niya kinailangang patuluyin pa ito. Ni hindi na nga siya tumayo sakinauupuan at sinundan lang ito ng tingin ng malayang pumasok at naupo sa isa pang dining chair.
"Hindi ako naligaw. Bahay ito ng best friend ko, I'm sure," sabi ni Gigi na nakangiti pero dahil kilala na niya ito, alam niyang hindi basta ngiti lang iyon. Iyon ang klase ng ngiti ng kaibigan niya na mayroong nais sabihin pero nag-aalangan pa kung sasabihin na ba o hindi pa.
"Hindi ka pa ba tapos sa pambubuwisit mo sa akin kahapon at maagang-maaga ngayon ay narito na na?"
"Huwag mo akong awayin," kalmadong sagot ni Gigi. "Kaya ako naririto ay dahil kaibigan mo ako. You know, as in true friend."
"At ano naman ang ibig mong sabihin?"
Dramatikong tumitig sa kanya si Gigi at saka bumuntong-hininga. "Mahirap yatang sabihin, Sienna."
Kaagad naman siyang napikon. "Kung may sasabihin ka, sabihin mo na agad. Baka nakakalimutan mong naiinis pa ako sa iyo dahil sa mga pinagsasabi mo sa akin kahapon. Hindi pa kita napapatawad."
Tumingin muli ito sa kanya na tila nasaktan. "Alam mo namang best friend kita kaya sobra ang cocnern ko sa iyo," mababa ang tinig na sabi nito.
"At pa-underdog pa ang drama mo ngayon?" mataray namang sabi niya.
Ngumiti si Gigi pero ngiting alanganin. "Okay lang na magsalita ka nang kahit ano ngayon, Sienna. Nakapag-ready na ako na maging shock absorber mo."
Halos magpatong ang mga kilay niya sa sobrang pagkakasalubong niyon. Pikon na pikon na talaga siya sa kaibigan. "Bakit ba ang aga-aga, mukhang nahipan ka ng hangin? Ano bang problema mo?"
"Wala akong problema. Pero ikaw, mukhang malaki."
"Evangelita!" tili niya dito na sagad na talaga ang pagkapikon. Kilala siya nito na basta galit na ay buong pangalan na nito ang sinasabi niya.
"Kahit kumpletuhin mo pa pati apelyido ko, okay lang. ine-expect ko naman talagang magkakaganyan ka."
"Diretsahin mo nga ako. Ano ba talaga ang ipinunta mo dito?" aniyang mapapatid na ang pasensya.
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 15 - Sienna
RomantikHindi maganda ang nakilalang imahe ni Sienna bilang playgirl. At aware si Sienna doon. Wala siyang pakialam kung maya't maya man ay nagpapalit siya ng karelasyon. She hated commitment, ganoon kasimple. Kapag nagpipilit na ng commitment ang isang lal...