Prologue

4.7K 134 2
                                    


NAGTATAKA si Rhomz bakit nagtatakbuhan ang mga tao papasok ng ospital. Maging ang pasiyente na kanyang tini-therapy ay natataranta.

"Ano'ng nangyayari?" kinakabahang tanong niya sa nurse na lalaki.

"M-may mga halimaw sa labas!" namumutlang sagot nito.

Nang makita niya ang pasuray-suray na lalaking duguan ay naghiwalay na sila ng nurse. Maging ang pasiyente ay naghanap na rin ng matataguan. Walang ibang laman ang isip niya kundi si Darwin, ang boyfriend niyang nurse na naka-base sa emergency room. Tumakbo siya patungong emergency room. Saktong palabas na si Darwin. Malamang hindi pa nito alam ang nangyayari.

"Ano'ng nangyayari? Bakit nagkakagulo ang mga tao?" balisang tanong nito.

"Umalis na tayo rito!" aniya saka siya humawak sa kanang kamay ng kanyang kasintahan.

Sabay silang tumakbo at naghanap ng ligtas na lugar. Wala na silang malalabasan dahil napapaligiran na sila ng mga halimaw sa labas. No choice na sila kundi manatili sa loob ng ospital at maghintay ng rescue. Umakyat sila sa ikatlong palapag. May ilang halimaw na rin palang nakapasok roon.

Iginiya siya ni Darwin papasok sa loob ng stock room. Nai-lock nito ang pinto matapos buksan ang ilaw. Nanginginig na siya sa takot. Napaluklok siya sa sahig habang yakap ang kanyang mga tuhod. Nang lapitan siya ni Darwin at niyakap ay kumalma ang pangangatal ng katawan niya. Humarap siya rito at yumapos ng mahigpit.

"Ano na ang gagawin natin, babe?" lumuluhang wika niya.

Hinahagod nito ang likod niya. "Wala tayong magawa kundi maghintay ng rescue," anito.

"Hanggang kailan tayo maghihintay? Hindi tayo puwedeng magtagal dito," nababahalang sabi niya.

"Alam ko. Wala ka bang cellphone?" tanong nito.

Kumalas siya sa yakap nito. "Naiwan ko sa locker," aniya.

"Naiwan ko rin ang sa akin. Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makatawag sa estasyon ng mga pulis."

Tumayo si Darwin at naghanap ng puwedeng gawing armas.

"A-anong gagawin mo?" kinakabahang tanong niya sa binata.

"Lalabas ako. Maghahanap ako ng telepono."

Bumalikwas siya ng tayo. "Mapapahamak ka!" protesta niya.

"Kung magtatagal tayo rito ay lalo tayong mahihirapan. Hindi natin malalaman kung may rescue na dumating. Mahihirapan silang mahanap tayo. Maghahanap din ako ng mas lugar na mas madaling makita ng rescuer." Kinuha nito ang mop na mayroong bakal na handle.

Kumapit siya sa braso ng binata at pilit itong pinipigilan. "Please, huwag ka nang lumabas," lumuluhang pigil niya rito.

Hinawakan naman siya nito sa mga kamay. Tumitig siya sa mga mata nito. "We will survive, babe. Trust me. Promise babalik ako," sabi nito.

"Paano kung hindi ka makabalik? Paano ako?" nagpupuyos ang damdaming untag niya.

Hinaplos nito ang pisngi niya at pinahid ang bakas ng luha roon. "Babalik ako basta huwag kang aalis dito kahit anong mangyari. I love you," sabi nito.

Kinakahabahan pa rin siya. "I love you too. Maghihintay ako," tugon niya.

Siniil nito ng halik ang kanyang labi. Dagli siyang tumugon pagkatapos ay mahigpit silang nagyakap. Pagkuwan ay umalis na si Darwin. Simula sa pag-alis nito ay hindi na siya tumigil sa pagdarasal.

Isang oras na ang lumipas magmula nang umalis si Darwin. Hindi na mapakali si Rhomz. Palakad-lakad siya sa harap ng pinto. Mamaya ay biglang gumalaw ang seradura ng pinto. Sa sobrang pagkataranta at pag-iisip kay Darwin ay wala sa loob na binuksan niya ang pinto.

Tumambad sa kanya ang duguang mukha ng pangit na halimaw na lalaki. Na-shock siya kaya hindi siya nakahuma. Hindi niya kinaya ang nervous kaya bigla siyang hinimatay.

NAGISING si Rhomz dahil sa malakas na pag-alog ng katawan niya. Nang magmulat siya ng mga mata ay namalayan niya na nakahiga siya sa papag ng isang masikip na lugar. Saka niya namalayan na nasa loob siya ng tumatakbong sasakyan o mas tamang sabihin na ambulansiya.

Bumalikwas siya ng upo nang maalala niya si Darwin. Isa-isa niyang tiningnan ang mga taong nasa paligid niya. Wala sa mga iyon si Darwin. Bigla siyang inalipin ng labis na emosyon.

"Itigil n'yo ang sasakyan!" sigaw niya.

Tinitingnan lang siya ng mga tao. Nang hindi huminto ang sasakyan ay lumapit siya sa pinto at sanay bubuksan ngunit may malakas na kamay na pumigil sa kanang braso niya. Napalingon siya sa lalaking nakaupo sa dulo ng bench malapit sa pinto. Natigilan siya. Seryoso ang lalaki, guwapo, maputi at mayroong light blue na mga eyeballs.

"Stay here, miss. We can't stop now. The city is under zombie apocalypse," wika ng lalaki.

Napaluha siya nang maalala ang kanyang boyfriend na malamang naiwan sa ospital.

"Pero ang boyfriend ko, naroon siya sa ospital," humihikbing sabi niya.

"Na-rescue na namin lahat ng tao sa ospital. I found you alone inside the stock room."

"Naroon ang boyfriend ko baka hindi n'yo lang nakita!" hindi kontentong wika niya.

"Some people inside the hospital are died and eaten by zombies. I'm sorry, I think your boyfriend was one of them."

"No!" protesta niya. Nagpumiglas siya ngunit bigla siyang ginapos ng lalaki.

Nagsisigaw siya sa ilalim ng paghihinagpis. Hindi niya matanggap na kinain na ng halimaw si Darwin. Hindi siya tumigil sa pagpiglas.

"Stop! Wala na tayong magagawa!" anang lalaki.

Natigilan siya nang yakapin siya nito nang mahigpit. Naramdaman niya ang mainit na hininga nitong bumubuga sa batok niya.

"Please, calm down. Calm down," mahinahong wika nito malapit sa tainga niya.

Para siyang naparalisa. Unti-unti ay kumakalma ang tensiyon sa pagkatao niya. Naba-blanko ang isip niya hanggang sa bigla siyang nanlumo. Ginugupo siya ng antok.

Nang pumikit siya ay kaagad siyang nakalimot.

Day Walkers 11, Nathan Davis (The Mind Manipulator)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon