Prologue

36.6K 910 91
                                    

1952

Ngumunguyngoy sa paghihinagpis ang dalagang si Antonina. Namatay sa sunog ang buo niyang pamilya--ang amang si Mang Redemptor, ang inang si Nana Selya, ang kapatid na lalaking si Rafael, at ang bunsong kapatid na si Celia.

Ngayon ang araw ng kanyang kasal sa unico hijo ng isa sa mayayamang pamilya ng lalawigang Negros Oriental--kay Isagani Monteveste. Ang pamilya Monteveste ang may-ari ng pinakamalawak na hacienda sa rehiyong Visayas.

Pero ang inaasahang magiging pinakamasayang araw ng buhay niya ay malagim na trahedya pala ang kahahantungan. Hindi sumipot si Isagani sa kanilang kasal. Tatlong oras siyang naghintay sa simbahan suot ang purung-puro sa kaputiang traje de boda. Hanggang sa siya na lang ang natira. Hiniling niya sa kanyang mga magulang na gusto muna niyang mapag-isa. Nakakaunawang tumango ang ama na kahit nagsisiklab ang poot sa mga mata ay nagpipilit magpakahinahon. Ang ina naman ay mainit siyang niyakap.

Pagkaalis ng kanyang pamilya ay sumiksik siya sa isang sulok ng simbahan, naupo at niyapos ang sariling mga tuhod. Masakit na masakit ang dibdib niya. Paano nagawa ni Isagani ang hindi siya siputin sa araw ng kanilang kasal? Ang sabi nito ay wagas at dalisay ang pag-ibig nito sa kanya. Naniwala siya sa binata. Naniwala siya sa matamis nitong dila at sa mahusay nitong mga pangako. Sa huli pala ay wawasakin lang nito ang puso niya.

"Hindi kita maunawaan, Isagani," hikbi niya.

Maya-maya'y humahangos na lumapit sa kanya ang kapitbahay nilang si Nana Belen. Namumutla ito at nanunubig ang mga mata.

"M-may problema ho ba, Nana Belen?" Parang sasabog ang puso niya sa kaba. Ang mga mata ng matanda ay may kudlit ng kalungkutan habang nakatitig sa kanya. Para siyang kinakaawaan.

"Nasusunog ang bahay n'yo, Antonina!"

Kung noon ay hindi pa niya alam ang ibig sabihin ng dumaan sa impyerno, ngayon ay alam na niya. "A-ang Inang at Itang ko? Sina Rafael at Celia? Nasaan na sila?" kapos sa lakas niyang tanong.

Humagulgol ang matandang si Belen.

"Nana Belen..."

"Kasamang tinutupok ng apoy. Wala ni isa sa kanila ang nakalabas, Antonina."

Tumaas-baba ang dibdib niya at pumunit sa katahimikan ng gabi ang malakas niyang paghiyaw. "Hindi!" Kasabay ng kanyang pagluha ay ang pagbuhos ng malakas na ulan at pagguhit ng kidlat sa madilim na kalangitan.

Naputol ang paglalakbay ng diwa ng dalaga sa muling pagguhit ng kidlat at pagdagundong ng langit at naalala kung nasaan siya. Sa Krus Diablos. Sa sentro ng pa-krus na daanan. Lumingap siya sa paligid, kipkip ang maliit na kahon. Ang kaninang purung-puro sa kaputian niyang traje de boda ay nagpuputik na. Nakayapak lang siya at basang-basa na ng ulan. Ang mga luhang kanina pa walang ampat sa pag-agos ay humahalo sa tubig ulan.

Lumuhod siya at humagulgol nang malakas. Gusto niyang marinig ng langit ang kanyang paghihinagpis. Gusto niyang sumigaw hanggang sa wala nang matirang lakas sa katawan niya.

Naghukay siya sa basang lupa para ilagay doon ang isang maliit na kahong ang laman ay buto ng itim na pusa, lupa mula sa sementeryo at litrato niya. Matagal muna niyang pinagmasdan ang mukha niya sa litrato bago iyon ibinaba sa hinukay na lupa at muling tinabunan.

Ang sabi ng matatanda kapag naglibing ka ng kahong may lamang buto ng itim na pusa, lupa mula sa sementeryo, at litrato mo sa pakrus na daanang tinatawag nilang Krus Diablos ay may lalabas na demonyo at tutuparin ang isang kahilingan mo kapalit ng isang bagay na gugustuhin nito mula sa 'yo.

Tumayo siya at inilibot ang mga mata. Walang demonyong nagpakita. Isa lang bang kabaliwan ang ginawa niya? Kalokohan nga ba ang kuwento ng matatanda? Umikot siya at hinayon ng tingin ang buong lugar. "Pakiusap, magpakita ka," sumamo niya. Tumingin siya sa unahan, sa kaliwa, sa kanan, at sa...

Biglang tumila ang ulan kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin. Niyakap niya ang nangangaligkig sa lamig na katawang nasa sentro ng Krus Diablos eksakstong alas dose ng hatinggabi.

"Interesante." Buo at baritono ang tinig ng lalaking nagsalita sa kanyang likuran. Sa tinig palang nito ay nanlambot na ang mga tuhod niya.

Dahan-dahan siyang humarap sa pinanggalingan ng boses at sinalubong siya ng mga matang tila matapang na agila at purong itim ang kulay. Matangos ang ilong nito at mapula ang mga labi. Kulay kastanyo ang balat. Matangkad ito kaysa sa karaniwang lalaking nakita na niya sa lalawigan nila. Ang estrangherong nakatayo ilang dipa ang layo mula sa kanya ay tila hinugot na diyos ng mga griyego sa kuwentong mitolohiya. Kapuri-puri ang tindig sa kabila ng suot nitong itim na balabal na umabot hanggang sakong ang haba. At sa kanya nakapako ang itim na itim nitong mga mata.

"S-sino ka?" nanginginig ang boses niyang tanong, napahakbang palikod.

Umangat ang isang sulok ng mapulang labi nito. "Nakakainsulto, Antonina. Ikaw ang tumawag sa akin kaya bakit natatakot ka ngayon?" anito sa malamig na tinig.

Nanlaki ang mga mata niya, natutop ang bibig. "I-ikaw ang... ang... demonyo?"

"Diyablo. Lucas Savatierre." Humakbang ito palapit sa kanya at bago pa niya makuhang umatras muli ay nakalapat na ang malamig nitong kamay sa kanyang pisngi. Napakabilis nito. Sa isang kisapmata lang ay nasa harapan na niya. Napakalapit ng mukha nito sa kanya at pakiramdam niya ay hinihigop siya ng mga mata nitong sumasalamin sa walang hanggang kadiliman.

Tuluyan nang nawalan ng lakas ang kanina pang nangangatog niyang mga tuhod. At kung hindi pumulupot sa baywang niya ang mga braso ni Lucas ay tuluyan na sana siyang bumagsak. Mariin siyang napapikit at nang magmulat ng mga mata ay mukha ni Lucas ang tumambad sa kanya. Nakatanghod sa kanya ang misteryoso at naka-itim na nilalang.

Nagpumiglas siya pero hindi natinag si Lucas. Sa loob ng mahabang sandali ay nakatuon lang sa kanya ang mga mata nito.

"L-Lucas..." sambit niya.

"Ano ang gusto mo, Antonina?"

"G-gusto kong maibalik sa akin ang pamilya ko. Iyon lang ang tanging hiling ko." Bakas ang pait at sakit sa kanyang boses.

"Maipagkakaloob ko."

"Ano ang... ang magiging kapalit?"

"Ikaw."

"Ako?"

"Magiging akin ka, Antonina. Akin ang puso at kaluluwa mo."

Napasinghap ang dalaga. Gusto niyang tumanggi. Ayaw niyang ipagkaloob sa diyablo ang sarili niya. Pero ayaw din niyang tuluyan nang mabuhay nang mag-isa. Ayaw niyang tuluyan nang mawala ang kanyang pamilya.

Huminga siya ng malalim. Kaya niyang isakripisyo ang sarili kung tanging ito na lang ang natitirang paraan. At tama si Lucas, hindi dapat siya natatakot nang ganito dahil nagkusa siyang tawagin ang kadiliman. Kagustuhan niya iyon.

Sinalubong niya ang mga mata ni Lucas, pilit na nagpapakatatag. "Pumapayag ako."

Ngumiti ang misteryosong lalaki. Tumaas ang kamay nito at humaplos sa pisngi niya, sa baba, at sa leeg. "Akin ka na mula sa gabing ito, Antonina. Walang hangganan, walang katapusan, walang dulo." Pagkasabi niyon ay sinakop nito ang nakaawang niyang mga labi. Ang halik na ipinadadama nito sa kanya ay mainit at mapusok. Imposibleng hindi siya madarang. Dumaloy ang init sa bawat ugat sa kanyang katawan.

Siya ay kay Lucas na. Walang hangganan, walang katapusan, walang dulo.

The Devil's Bride - LUST (Preview)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon