Chapter 6

10.6K 551 38
                                    

"Ano'ng nangyari sa 'yong bata ka?" Pag-aalala ang mababasa sa kumukulubot nang mukha ni Juanilya. Nadagdagan ang patung-patong na nitong gatla sa noo nang mapagbuksan siya ng pinto. Wala siyang ibang pagpipilian. Mas malayo ang lalakarin niya kung babalik pa siya kaya minabuti niyang ituloy na lang ang paglalakad patungong burol kung nasaan ang mansiyon.

Nayakap niya ang sarili, nangangatal. Hindi niya matignan ang caretaker. Hindi pa rin nawawala ang pagkagimbal at takot na nadama niya kanina. Halu-halong emosyon ang umaalipin sa kanya ngayon. Takot at pagkagimbal sa kamuntikan na niyang sapitin kanina sa kamay ng manyak na driver, at malalim na lungkot kapag naaalala niya si Lucas.

Alam niyang si Lucas iyon, ang lalaking nagligtas sa kanya, kahit na hindi siya nito nilapitan o kinausap man lang at kahit na basta na lang siya nitong iniwanan doon.

"Aevia? untag sa kanya ng matanda.

Napaangat ang kanyang mukha at napatitig sa matandang kaharap. "P-paano mo nalamang Aevia ang pangalan ko?" Hindi niya matandaang nagpakilala siya rito nang huling punta niya sa Balay Aisalah kasama ang kapatid na si Celine at ang professor nitong si Mr. Schaffen.

"Hindi ba't tinawag ka ng kapatid mo bago ka nawalan ng malay?" marahan nitong sabi sa kanya.

Ang pangyayaring iyon. Oo nga, sinambit nga ni Celine ang pangalan niya. Pero hindi niya matandaang naroon si Manang Juanilya. Ang pagkakatanda niya ay mag-isa lang siya bago umikot nang kusa ang lumang plaka.

"Aevia, ano ba ang nangyari sa 'yo?"

Imbes na tumugon ay wala sa loob niyang hinayon ng tingin ang sarili. Marumi ang damit niya, kumapit sa tela ang lupa at tuyong dahon. Kahit ang balat niya ay marumi rin. Magulo ang kanyang buhok at basang-basa ng luha ang kanyang pisngi. Namumula ang kanyang ilong at mga mata.

Umiling ang matanda at inalalayan siya papasok ng mansiyon. Dinala siya nito sa isang silid. Natatabunan ng puting tela ang mga kasangkapan sa loob ng kuwarto maliban sa antigong four-poster bed. The sheets were the color of blood. Maging ang punda ay kasingkulay ng kubrekama.

"Malinis iyan. Regular kong pinalalabhan ang mga bed sheets. Sige na, magpahinga ka muna, Aevia."

Gusto niyang sabihing tulungan na lang siya nitong makakuha ng safe na sasakyan pauwi sa kanila pero bago pa man niya magawang sambitin ang iniisip ay natagpuan niya ang sariling humahakbang na palapit ng kama. The moment she sat down on the bed, she felt a sense of relief. She touched the sheet slowly like how she would touch a lover.

Bumuntong-hininga ang caretaker at tahimik na kinabig pasara ang pinto.

Sleep, my love, bulong ng isang tinig sa tainga niya. Sa sulok ng kanyang mga mata ay nakita niyang nakatayo si Lucas pero nang lingunin niya ito ay wala naman siyang nakita. Hindi na niya napanlabanan ang pamimigat ng talukap. Inayos niya ang sarili pahiga sa kama at natulog.


MALAKAS siyang napasigaw nang marahas siyang kaladkarin palabas ng mansiyon ng tatlong kalalakihan. Sa labas ay mas marami pang taong naghihintay. May hawak ang mga itong matutulis na kahoy, bolo, at mga sulo. Nasisilaw siya sa apoy at nabibingi sa mga ihinihiyaw ng mga tao.

"Patayin! Sunugin!"

"Patayin! Sunugin!"

"Patayin! Sunugin!"

Iginapos siya sa malaking tulos. May mga pinutol na sanga at bahagi ng sinibak na kahoy ang nasa paanan niya. Susunugin ba siya ng mga taong ito? Puno ng pagkasuya at galit ang mukha ng mga nakapaligid sa kanya. Habang nakagapos sa tulos na kahoy ay nililipad ng panggabing hangin ang puting bestida niya na bahagyang napunit ang bandang likod sa pagkakahatak sa kanya ng tatlong lalaki kanina.

"Mangkukulam ka! Ang mga kakampi ng diablo ay kailangang wasakin! Patayin! Sunugin!" sigaw ng mga ito.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang nagsisimula na ang apoy malapit sa kanyang paanan. "Lucas! Nasaan ka, Lucas?" malakas niyang sigaw, nilingon ang mansiyon. Nasa bungad ng malaking pinto ang lalaki pero hindi ito makalabas.

Nakikita niya ang walang kapantay na galit at takot sa mga mata nitong halos itim nang lahat. Hindi niya masabi kung guni-guni lang o totoong may iilang saglit na nakita niya ang totoong mukha ng diablo--ang malalaki at itim nitong mga sungay, ang pula nitong mukha, at ang mga mata nitong nagbabadya ng kalupitang walang ipagkakaloob na kapatawaran sa sinuman.

"Antonina!" Lumingap ito sa palibot. "Pakawalan ninyo si Antonina!" dumagundong ang boses nito, kasabay ng pagguhit ng malupit na kidlat sa madilim na kalangitan.

Sa tapat ng mansiyon ay isang matandang lalaking may hawak ng itim na libro. Sumasambit ito ng panalangin sa lenguweheng hindi niya maintindihan. Nang titigan niyang maigi si Lucas ay nakita niyang nakatayo ito sa malaking bilog na nakapaikot sa hexagram. May mga nakasulat na letrang hindi niya rin kayang basahin.

Ikinukulong ng matandang lalaki si Lucas sa selyong iginuhit nito sa bungad ng pinto. The devil's trap! "Huwag!" sigaw niya, puno ng pagtangis ang boses. Muli siyang napasigaw ngunit sa pagkakataong ito ay dahil sa paggapang ng apoy sa mga paa niya.

Nagtawanan ang mga nanunuod, nagbubunyi. Nagbubunyi sa kamatayan niya? Bakit sila sinasaktan ng mga taong ito?

"Kasama sanang masunog ng apoy ang kaluluwa mo, Antonina! Ikaw na ini-alay ang sarili sa diablo! Wala kang karapatang mabuhay! Doon ka nararapat sa impyerno!"

Halos mapunit ang lalamunan niya sa lakas ng kanyang paghiyaw nang gumapang ang apoy pataas pa sa kanyang katawan. Before her eyes shut closed, ang huli niyang nakita ay ang mukha ni Lucas na parang pinatay nang isang libo't isang beses habang nakatitig sa kanyang paghihirap, hindi ito makawala sa selyo.

Ipaghihiganti kita, Antonina. Hahanapin kita at hihintayin ko ang muli mong pagbabalik sa akin...

Dinala ng hangin ang mensaheng iyon ni Lucas para sa kanya. Ipinikit na niya ang mga mata at hinarap ang kamatayan nang may payak na ngiti sa labi. Babalikan niya si Lucas, babalikan niya ito.

"Lucas!"

Mga kamay ni Manang Juanilya ang pumigil sa tangka niyang pagbangon.

"Manang?" Nanlalaki ang kanyang mga mata, titig na titig siya sa mukha ng caretaker. Dumoble pa ang pangangatal ng kanyang katawan kaysa kaninang pagdating niya sa mansiyon. Totoong-totoo ang panaginip niya. Nararamdaman pa niya ang init ng apoy sa kanyang balat.

Inalis niya ang kumot sa kanyang mga paa dahil parang nasusunog pa rin ang parteng iyon ng kanyang katawan. Napasinghap siya nang makita ang malaking balat niya sa kaliwang paa, malaki iyon at umabot hanggang sa bukung-bukong. When she was younger, girls her age used to bully her because of her strange birthmark. Mukha raw nasunog ang kanyang paa. Now, they were red and inflamed. It wasn't like that before.

"A-ano ang nangyari sa birthmark ko, Manang? Ang hapdi po!"

The Devil's Bride - LUST (Preview)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon