Sinopsis

33 17 0
                                    


Ang Margatrìcé ay isang lugar na puno ng kuwento sa nakaraan; magmula sa iisang sanggol pa ang nakasaad na magsisiwalat ng kapayapaan hanggang sa lumaki ito at ipinaglalaban ang pagmamahal sa isang dilag na naging dulot ng digmaan sa lugar ng Margatrìcé. Ang babae na yaon sa kasaysayan ay isang mortal na ginamit ng kaniyang ka-uri upang makuha ang kayamanan sa mga Siganian. Sa kaniyang misyon sa mga Siganian ay 'di mapigilan nang anak ng hari na si Seriko na mabihag dito hanggang sa sikreto nitong dinadala ang babae sa loob ng kaharian sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang makapaglaho. Doon ay mas lumawak ang opurtunidad nitong makuha ang minimithi hanggang sa nabisto siya ng kawal ng kaharian at isiniwalat ang tungkol dito. Nagalit ang hari sa kaniyang anak at ito'y naging dahilan sa pagtatalo ng dalawa. Pinapili ng hari ang prinsipe, ito ay tantanan nito ang mortal o bibitayin ito ayon sa nakasaad sa patakaran na kung sino ang may salaring magnakaw mula sa kaharian ay hahatulan ng kamatayang pagbibitay. Ang dalawang nasabi ng hari ay pawang ayaw ng prinsipe kaya ipinaglaban niya ang dilag na si Dinah, dinala niya ito sa Donau, karatig na pook ng Margatrìcé, pero sa kamalas-malasan ay naabutan sila ng hukom ng kaharian sa hangganan ng Margatrìcé. Sapilitang dinala pabalik ng hukom ang dalawa sa kaharian ng mga Siganian at doon naabutan nila ang mga mortal na sinugod ang kaharian. Napatay ang hari sa pamamagitan ng nakalalasong palaso na tinarak ng mortal sa kaliwang bahagi ng dibdib nito at ang reyna ay naghihingalo na sa buhay nang naabutan ito ng prinsipe. Sa nangyari ay hindi na nakayanan ng kunsensiya ni Dinah at sumuko na siya ngunit sa kabila ay kailangang ibigay ng mga Siganian ang kayamanang gusto ng mga mortal upang mananahimik ito at umuwi. Sinunod ito ng prinsipe at nangyari nga ang inaasahan ni Dinah. Pagkatapos ay nagpaalam ang dilag sa prinsipe at sinabi ang huling mga salita. Walang nagawa ang prinsipe sa desisyon ng kaniyang minamahal at hinayaan itong dalhin ng hukom sa hatulan pero hindi siya nagawang sumunod dito at saksihan ang pagkawala ng mahal niya.

Sa mga nagdaang taon ay naayos niya ang lahat. Gumawa siya ng sariling mga patakaran at nakipagsunduan sa mga bagong pinuno sa apat na lipi ng Margatrìcé kasama na ang mga mortal. Ang mga taong sumugod sa kaharian noong una ay hinanap niya at dinala sa piitan ng kaharian, ang natitirang mga mortal sa bayan ay pinaghigpitan niyang hindi makapasok sa kaharian at sa dalawa pang lipi. Winala niya ang patakaran sa mga Siganian na humatol ng kamatayan kapag nagkasala dahil hindi na ito maka-tao. Binigyan niya ng basbas ang mga piling tao para magamit ang kanilang kakayahan pero sinugarado niyang may limitasyon ang lahat ng ito. At gaya ng nakasaad ay siya nga ang susi ng kapayapaan.

Nahati sa apat na pangkat ang Margatrìcé sa kasalukuyan, ito ay ang Murat (nasa hilagang bahagi), Siganian (nasa timogang bahagi), Ifugo (nasa kanlurang bahagi), at Mortalheño (nasa silangang bahagi ng Margatrìcé). Ang lipi ng Murat ang tinaguriang pinakamasipag at masayahin sa buong Margatrìcé dahil sa kaugalian nilang idaan sa pagsasayaw ang pagod habang nagtatanim ng palay sa kanilang hagdan-hagdang palayan; maging ang init at ulan ay hindi nila inuurungan. Kagabihan naman ay may nagaganap na sayawan sa tabing-dagat ng mga Murat bilang selebrasyon sa matagumpay na araw. Lahat ay naroroon kabilang na ang pinuno upang magsaya. Hindi lang sayawan ang nagaganap doon kundi may inuman at kainan din. Pagkatapos ng selebrasyon ay uuwi na sila sa kani-kanilang silid sa base. Base ang tawag sa tinirahan ng mga Murat-at oo iisa lang ang tirahan ng mga Murat upang masigurado ng pinuno ang kapakanan ng lahat at abot niya lang ang mga ito. Maayos ang pamamahala sa kanila ng Pinunong Ino, bukod dito ay mabait sa kanila ito kaya ganoon na lamang ang respeto nila sa kaniya. Tinuruan din silang magkasundo sa lahat ng bagay ng pinuno kaya naging matiwasay ang lipi ng Murat. Ngunit may kinakatakutan din ang mga taga-Murat sa kabila ng lahat, iyon ay ang lumusob sa lugar nila ang mga karatig na pangkat, iyon kasi ay mga mababangis at sadyang mahusay sa labanan hindi katulad nilang pamumuhay lang ang alam. Dahil dito napagdesisyunan ng Pinunong Ino na iatas sa apat na sina Priva, Caspia, Tara, at Salem ang gargantilya ng kakayahan na handog pa sa kaniya ng Panginoong Seriko. Ito ay para gamitin nilang panangga sa mangahas na lusubin sila. Ang gargantilya ng kakayahan kasi ay hindi pangkaraniwang kuwintas lamang na pinalawitan ng mumunting hayop ngunit may taglay itong kapangyarihan, sa katunayan ay lalo pa itong lumalakas kung mahanap na nito ang kaakibat na hayop.

Ang Siganian naman ay isang kaharian na pinamumunuan ni Haring Exodus, isang napakastrikto na hari ngunit sa kabila ay minahal siya ng lahat dahil ginawa nito ang makakaya para sa kabutihan ng kaniyang nasasakupan, kahit pa isugal nito ang sarili niya. Ni isa ay walang nagtangkang sumuway sa kaniyang mga payo at tuntunin maliban nalang sa malokong anak nitong prinsipe na si Hole, pero paborito nito ang anak dahil ito ang nagpapakulay sa kaharian ng Siganian, bukod sa pagiging masayahin nito ay matulungin din ito sa kapwa niya. Lima ang naging anak ng hari, sila ay sina Prinsipe Xavi, Prinsipe Samué, Prinsipe Carson, Prinsipe Hole, at ang nag-iisang babae na si Prinsesa Agatha. Ang asawa ni Haring Exodus naman na si Reyna Samiya ay mabait na katipan at hinahangad na sana'y makikita pa nito ang magiging asawa ng kaniyang mga anak bago siya pumanaw sa mundo. Ang reyna ay may malubhang karamdaman na siyang ikinababahala ng lahat sa kaharian. Dahil tanggap na ng reyna ang malapit niyang pagkawala ay may lihim na isinagawa ang reyna upang ang kaniyang pagpanaw ay mahahalipan ng magandang hangarin nang sa ganoon na rin ay kahit patay na siya ay may makakaalala pa sa kaniya.

Ang Ifugo naman ay lipi ng mga mababangis na siyang kinakatakutan ng mga Murat pero ang lider nitong si Namrata, isa ring mangkukulam ay minsanang nakarelasyon ng pinuno ng Murat dahil sa pinainom nitong gayuma na nakakapagpahalina sa pinuno. Agad naman itong pinalayas ng pinuno nang mawala na ang bisa ng gayuma, pero huli na ang lahat dahil nasagawa na ni Namrata ang kaniyang nais.

Ang Mortalheño naman ay lugar ng mga itinuturing nilang mortal, sila ay namumuhay sa bayan kung saan ang lahat ay walang kapangyarihan dahil napapatunayan ng Panginoong Seriko na sila ay maabuso. At sa kagustuhan niyang mawala ang lahat ng ala-ala sa nakaraan ay winasiwas niya ang kaniyang makapangyarihang patpat at binura niya sa isipan ng mga mortal ang nakaraan.

Ang apat na pangkat ang bumubuo sa kasalukuyang Margatrìcé, lahat ay may linilihim at may gustong angkinin upang ang nakaraan ay mabuo at muling bubuhayin... ngunit maibabalik pa kaya ito kung ang dalawang nakasaad na magsama ay iibahin ang kapalarang tatahakin?

-Meng Flores Masocol

sinimulan: Nobyembre 18,2019

MARGATRÌCÉTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon