Lolo Usteng
Heavy traffic na naman sa bandang Vito Cruz. Pero hindi naman 'yun malaking kaso ngayon. Basta ba't nakasakay ako ng bus pauwing Cavite, nakaupo sa may tabi ng bintana para makapagmuni-muni, oks na oks. Eto 'yung mga pagkakataon na hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o hindi. Minsan kasi, gumagana ang photographic memory ko.
Minsan naman, hanggang mga salita lang na tumatak sa aking puso't isipan ang bumubulong sa utak ko. Maaaring nabasa ko, o di kaya'y narinig sa isang taong makabuluhan.
Alas tres ng hapon.
May araw pa. Today's episode, Si Lolo Usteng
Hindi kami naging malapit sa isa't isa ng lolo ko. Ang alam ko lang, sa tuwing dadalaw siya sa bahay sakay ng bike nito ay lagi ko siyang inaasikaso. Kahit ang awkward minsan ng sitwasyon, tatanungin ko pa rin siya kung gusto niya bang kumain, kung ayos lang ba siya na nakaupo lang sa sofa habang hinihintay si Papa o ano pa man.
Si Lolo lang din ang tanging tao na nakigamit ng computer namin habang kasalukuyan pa akong nanunuod ng paborito kong Koreanovela na hindi ko talaga inisip na isang istorbo. Hilig kasi ni Lolo Usteng ang mga pelikula ni Ramon Revilla Sr at FPJ. Mas naging suki pa siya ng Youtube kesa sa'kin eh.
Fourth year high school ako, na-confine si Lolo sa ospital. Namamaga raw ang kaliwang binti nito. Hindi magkanda-ugaga ang tatay at nanay ko sa dami ng iisipin. Sila kasi ang sumagot sa halos lahat ng gastusin, sa pagkaka-alam ko. Mahirap lang kami, pero kailanma'y hindi ako nagtanong kung bakit mga magulang ko ang sumagot sa ng mga bayarin. May mga araw na nabawasan ang baon ko sa pagpasok dahil na rin sa 'shortage ng budget' ng aming pamilya.
Kinailangang putulin ang kaliwang binti ni Lolo.
Tanda ko pa 'yung huling araw niya sa ospital bago ilipat sa La Salle. Ipinakita niya sa akin ang umiitim na na binti. Sumasakit na raw. Namamaga. Kung hindi pa puputulin ay mas lalong kakalat ang impeksyon. Hindi ko alam ang sasabihin. Walang luha na nagpumiglas mula sa aking mga mata ngunit dama ko 'yung sakit. "Okay naman po 'yun, Lo. At least, hindi na siya sasakit."
Hanggang ngayon, pinagsisisihan ko pa rin 'yung sinabi kong 'yun. Alam kong wala iyong nadulot na kahit katiting na kasiyahan sa lolo ko.
"Di bale nang putol ang paa, basta't mabuhay ng matagal, ano?"
Hindi ko alam kung 'yan 'yung eksaktong sinabi ng lolo ko 'nung pabalik na kami sa bahay niya. Gusto niya kasing makita muna ang iba ko pang mga pinsan bago tanggaling ang binti nito. Dama ko ang pangangamba at pagkalungkot nito. Ninais ng lolo ko na basagin ang katahimikan ngunit pinili kong 'wag na magsalita pa't baka malaman niya pang naluluha na ako. Bukod pa, tatay ko naman 'yung kausap niya.
Mayo, nagdiwang ng kaarawan si Lolo. Hindi ko alam kung ilang taon siya. Hindi ko rin alam na iyon na ang huli naming pagkikita.
Sa Facebook, palaging kong 'kinukwestyon' kung bakit nagpopost ng kung anu-anong mensahe ang mga tao para sa kanilang minamahal na pumanaw. Ang bato ko, hindi naman nila ito mababasa. Ang pumanaw ay pumanaw na. 'Yun ang paniniwala ko. At tanda ko, ipinangako ko sa sarili ko na hindi ako magkakaroon ng ganoong pagsisisi. Pero ngayon.. ah. Naiintindihan ko na.
'Yung mga ganoong post. Nagegets ko na.
Tanda iyon ng pangungulila. Tanda ng pakiramdam na ewan. Sobrang lungkot. Sobrang sakit. Hindi matanggap. Hindi makapaniwala. Isang paraan para punan 'yung pagsisisi na nararamdaman. Nagkaroon ka ng maraming panahon, pero hindi mo nasabi. Kaya biglang 'lutang' ka na sa nangyayari. Walang ideya.
Nung mga panahong nagtatype ako ng mensahe ko sa Lolo ko sa Facebook, bigla akong nagalit sa mga ospital na hindi tumanggap sa kanya. Pinagpasa-pasahan ang lolo ko. Nagalit ako dahil wala kaming pera. Walang pambili ng gamot. Walang pambili ng sariling wheelchair. Hindi ko alam kung kanino o saan ako nagalit. Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung nag-exist ang kung anuman o sinumang pinagbalingan ko ng galit. Ba't kasi wala kaming pera. Ba't hindi kami mayaman. Mas napahaba siguro ang buhay niya kung may pambili ng gamot. Ewan ko. Sobrang naguluhan ako noon kung anong dapat kong maramdaman.
Ay, bababa na pala ako.
BINABASA MO ANG
Bus na Walang Malay
РазноеKalipunan ata ang Filipino ng 'compilation.' Marami pa akong dapat malaman. Basta, kalipunan ito ng mga sanaysay at dagli na sumasalamin sa aking pag-iral (at maaari ring imahinasyon ko lang) bilang isang mag-aaral, mamayan, at miyembro ng isang ord...