Manong Kendi
Hindi ko na matandaan kung anong araw 'yun. Kung bakit ako lumuwas. Kung bakit bumalik ako sa school. Siguro pumasok. Siguro may seminar para sa NSTP. Hindi ko matandaan pero pauwi na ako 'nun. Mga alas cuatro na rin siguro ng hapon. Bandang Kawit na rin 'yun sa Cavite (di ako sigurado) nang nagbabaan na ang maraming pasahero kaya't nakaakyat na ang mga mani vendors, kendi vendors. Walang Toasted Siopao 'nun, tanda ko. 'Yun kasi ang hinintay ko. Isang matandang lalaki (malaki siya, parang troll, seryoso) ang umakyat na may dalang lumang basket kung saan nakasabit 'yung mga kendi; mentos, maxx, snow bear atbp. Pamilyar din 'yung mukha ni Manong.
Siya pala 'yung matandang lalaki na nagtitinda lagi ng kendi sa labas ng gate ng elementary school kung saan ako nag-aral. Suki ako ni Manong 'nung grade 1 ako, panahong mahilig pa ako sa mentos na mahahaba. 'Yung may mga iba't ibang kulay.
Walang pinagbago si Manong, o mas maganda kung Lolo na ang itawag ko sa kanya. May dipirensya pa rin ang kanyang kanang mata ( o kaliwa?), maitim pa rin, at parang pamilyar na rin ang damit na suot niya 'nung tagpong iyon. Hindi siya nagsasalita. Naglakad lang siya hanggang sa dulo ng bus pero walang bumili. Hindi ko kinayang tingnan siya. Hindi rin naman ako bumili. Kahit naman 'nung grade 1 palang ako'y hindi ko rin naman siya nakausap ng matagal. Hindi ako natakot sa kanya bagama't nakakatakot talaga ang postura nito. Malaki. Maitim. At 'yung mata nga niya.
Nakakahiyang isipin na kaya pala ako bumibili sa kanya noon, bukod sa gusto ko ng mentos, ay dahil naaawa ako sa kanya. Pero walang naitulong ang awa kong iyon sa ikauunlad niya.
Kung tama ang pagkakabilang ko, labing-isang taon na ang nakalilipas. Pero wala pa ring nagbago. Bakit ganun pa rin ang kalagayan ni Manong? Bakit sa kendi pa rin siya kumukuha ng kabuhayan?
Bumaba na si Manong. Bumaba na rin sana ang mga walang naitulong.
Ang ibig kong sabihin... bumaba na sana 'yung mga dapat bumaba ng bus. Nasa dulo kasi ako, kailangan kong lumipat sa unahan para mas madali pag bumaba. Hehehe. Maipilit lang.
Basta, bumaba na si Manong. Medyo iika-ika pa pala ito.
Habang ako, nag-iisip kung anong magiging hapunan niya, kung saan siya uuwi, at kung may uuwian ba siya.
At sana, sa susunod na bus na sakyan niya, may bumili na ng kendi. 'Wag lang sana puro awa.

BINABASA MO ANG
Bus na Walang Malay
DiversosKalipunan ata ang Filipino ng 'compilation.' Marami pa akong dapat malaman. Basta, kalipunan ito ng mga sanaysay at dagli na sumasalamin sa aking pag-iral (at maaari ring imahinasyon ko lang) bilang isang mag-aaral, mamayan, at miyembro ng isang ord...