I

94 5 0
                                    

"We'll miss you, Peppy!"

Those were the last words I heard from my now-ex colleagues. Sobra ko silang mami-miss. Sa loob ng pitong buwan ay natapos na ang aking kontrata sa isang insurance company bilang isang back-office agent. Maswerte na ako sa kompanya na iyon, eh. Hindi gaano malayo mula sa bahay, tama lang ang sinasahod para sa mag-isang nabubuhay, maganda ang oras at mga araw ng pasok, mabait ang mga ka-trabaho, halos lahat nasa kanila nila.

Sa kasamaang palad, ang binigay sa aking posisyon ay para sa anim na buwan lang. Mabuti na nga lang at nabigyan ng extension ng isang buwan. Kahit papaano ay nakapag-ipon-ipon pa din. Hindi ko nga lang alam kung magiging sapat ba iyon para sa nalalabing buwan ng taon.

"Para!"

Bumaba na ako ng jeep at ilang hakbang pa ay nakarating na ako sa apartment na aking inuupahan. Isang payak na bahay lamang ito sa kahabaan ng Dr. Jose P. Rizal Exit sa Makati. Ito ang literal na paglabas mo ng bahay, kalsada agad.

Pumanhik ako ng ilang baitang para makapunta sa pintuan at sinusian iyon para makapasok. Sa unang palapag ay mayroong apat na pintuan. May sarili ding banyo at kusina ang palapag nito. Bubungad ang ingay mula sa mga bata na ngumangawa at sinusuway ng kanilang mga magulang. Itong unang palapag ay inilaan para sa mga pamilyadong tao na may apat na miyembro. Kung hindi man bata ang iyong maririnig, minsan may mag-asawa din na kung hindi nagsisigawan, umuungol... umuungol sa galit. Paano? Hindi ko na din alam.

Kasalukuyang may naglalaba na akin namang kakilala kaya akin itong tinanguan bago pumanhik sa dulong hagdanan.

Sa dulong pinto sa kaliwa ang aking kwarto. Katulad na lamang ng nakagawian, katahimikan ang makakasalubong mo dito. Dalawa lamang ang okupado sa palapag na ito. Sa tatlong buwan na pananatili nito ay hindi ko pa nakikita. Ni matiyempuhan ay hindi pa nangyayari. Ang dinig ko nga ay mag-isa lang din ito. At wala pa din akong naririnig na kahit anong ingay o kaluskos mula dito. Ang tsismosa ko, ano.

Sinusian ko na ang aking kwarto at pumasok na. Hinubad ko ang aking sapatos na aking itinabi sa ilalim ng TV set na nasa gilid ng pintuan. Ipinatong sa isang kahoy na upuan ang dalang bag at naupo sa dulo ng kama para tignan ang aking telepono.

Alas kwatro na ng hapon. Napahinga ako ng malalim at sandaling inilapag sa lamesa ang aking phone. Ganitong oras ako palagi nakakarating ng bahay mula sa trabaho. Isang oras na biyahe pauwi. At sa mga darating na araw ay mukhang ganitong oras naman ang magiging gising ko.

Maliit man ngunit maayos ang aking tinutuluyan. Single bed na nasa tabi ng aparador, ang ilalim naman ng kama ay lagayan din ng ibang mahahalagang bagay, sa paaanan ay may maliit na TV set at speakers, sa tabi nito ay bumili ako ng refrigerator na may ilang halaman sa ibabaw, at lamesa na pang dalawahang tao tuwing ako'y kakain. Sa ilalim ng kama na din nakatabi ang mga pangligo, pangluto, at pangkain ko. Multi-purpose ang kama na 'to. Kaya ingat na ingat ako kapag may ibang 'nahihiga' dito.

Nagpalit ako ng pambahay saka itinutok sa akin ang electric fan bago humilata. Nakipagtitigan lamang ako sa kisame. Sinusubukan kong magpahinga pero naglalaro sa isip ko ang mga bagay na maaring mangyari sa akin sa pagtatapos ng taon.

Huling Biyernes na ng Augusto ngayon. Pagsapit ng Linggo, Ber months na. Huling apat na buwan na lang para sa taong ito.

Wala pa rin akong plano kung saan ako lilipat. Noon ko pa dapat ginawa ang pagpaplano kaso masyado akong naging positibo na mabibigyan ako ng regular position. Sa kasawiang palad, hindi nangyari.

Office Administration graduate naman ako galing sa isang state university, pero bakit nahihirapan akong makahanap ng trabaho? Noong nakapagtapos ako, tatlong buwan bago ako natawagan sa inapplyan ko bilang office staff. Mababa ang sahod pero tole-tolenada ang pinapagawa. Tatlong buwan lang at umalis ako doon. Nakahanap ako agad sa isa ding kompanya sa ganoong posisyon. Maganda nga ang sinasahod ngunit paka-sasalbahe naman ng mga ka-trabaho ko. Kaya mula noon, call centers na ang mga pinasukan ko. Sa siyam na BPO companies na pinasukan ko, dalawa lang doon ang tumagal ako ng taon. Karamihan ay buwan lang ang nilalagi ko dahil kung hindi seasonal o temporary, nabubuwag naman 'yong account.

Home for Christmas (A Christmas Short Story Special)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon