PORTuges 1

737 22 12
                                    

Daig daw ng taong handa and karamihan. Iyan ang turo sa akin ni Mommy. Siguro dahil devoted na miyembro ng Girls Scout of the Philippines si Mommy ay nais ata niyang ipamana sa akin ang kanyang mga badges.

Ngunit kahit anong uri ng paghahanda siguro ang gagawin ng isang tao ay hindi tayo magiging handa para harapin ang mga unos ng buhay.

Katulad na lang ng takasan ng espanyol kong ama si Mommy. Wala na ngang nagawa si Mommy kundi ipamana na rin sa akin ang nais takasang apilyedo sana niya, ang MAITIM!

Kuwento ni Mommy ay itinaga niya raw sa bato (Totoong naghasa ng itak si Mommy at itinaga niya sa bato) ang pangakong isang araw ay matatakasan niya ang dalang sumpa ng natatanging apilyedo namin. Ngunit sadya atang may balat sa puwet ang mga ninuno namin dahil heto at minana ko naman ang sumpa nila. Isama mo pa diyan ang walang taste na pangalang ibinigay sa akin ni Mommy.

Portuges Maitim.

Iyan ang buo kong pangalan. Paalala raw ang pangalan ko sa bastardo kong ama na kasing bilis pa raw ng alas-siete kung makatakbo sa kanyang mga responsibilidad.

***

"Port, alalahanin mo huh na bawal sa iyo ang gatas. Magtatae ka!" mangilang beses na paalala sa akin ni Mommy habang patango-tango naman ako. Iniayos na ulit ni Mommy ang napakalaki kong bag. Unang araw ng pasukan ngayon at daig ko pa ata ang isang kalabaw sa bigat ng bitbit kong bag.

"Ma, bakit po ang dami kong dala?" nakasimangot kong tanong.

"Anak," seryosong tumingin sa aking mga mata si Mommy. "Anything can happen. Aba! Mabuti na ang handa. May tatlo kang lapis huh para pag naputol yung isa eh meron ka pa tapos pag may klasmeyt ka na walang lapis eh pwede mong ipahiram. Meron ka rin dalawang pantaha sakaling mawala mo yung isa. Dalawa rin ang eraser mo. Tapos anak yung baon mo huh eh pinaghiwalay ko sa tatlong lalagyan. Sobra sobra rin yang notebook. May pamalit ka na rin diyan sakaling maglaro ka at madumihan. May underwear na rin at sabon at tissue, sakaling magtae ka, yan kung uminom ka ng gatas." mahabang pagsasaulo ni Mommy sa ilan sa mga bagay na nailagay niya sa bag ko.

Nabanggit ko ba na puno rin ng mga sticky notes ang bahay namin? Ang ref namin ay puno ng mga recipe, mga paalala at mga deadline ng mga bayarin. Hindi lang iisa ang phonebook sa bahay kundi dalawa. May mga paalala ring nakalagay sa bawat appliance kung kelan sila bubuksan at papatayin.

"Alis na ako Ma."

Hinalikan na ako sa pisngi ni Mommy habang ako ay papalabas na sana ng pinto nang tinawag ulit ako ni Mommy. Liningon ko ulit siya.

"Bakit Ma?" kunot noo kong tanong. Nginuso naman niya ang zipper ko. Sinilip ko at nakasara naman.

"Naninigurado lang. Basta anak pag lagi kang handa aba eh baka ikaw pa ang maging number one!" excited na sabi ni Mommy.

Malapit lang naman ang paaralan sa amin at isang sakay lang ngunit paulit-ulit na ipinasaulo sa akin ni Mommy and mga dapat kong gawin.

"Maghahantay ako sa kanto at mag-aabang ng jeep patungo sa school. Kung may pila, pumila. Pag wala pang jeep pwede ko munang kantahin ang alphabet song." pabulong kong pagsasaulo sa instruction ni Mommy. Buti na lang at may jeep kaagad kaya naman nakasakay ako.

"Kapag nasa loob na ng jeep ay hawakang mabuti ang bag. Magbilang ng limang kanto at hantaying tumigil ang jeep sa tapat ng school." tuloy ko sa pangalawang instruction ni Mommy.

Nang nakababa naman na mula sa jeep ay isang panibagong instruction ang isinaulo ko ulit.

"Huwag tatakbo!" malakas at pasigaw na sabi ko. Ginaya ko pa ang mga daliri ni Mommy. Huli na nang mapansin kong tinitignan na nila akong lahat. Nakakahiya pa at tinatawanan ako ng isang magandang bata. Mestisa tsaka bagay na bagay sa kanya ang pink na dress niya. May suot pa siyang ribbon sa buhok.

Tinamaan ako!

Natutok lang ang mata ko sa batang babae nang pituhan ako ng guwardiya.

"Oy! bata lakad na!" malakas na utos ng guwardiya na sa huli ay nalaman ko na ang pangalan ay Doding. Tinatawag siyang Doding Daga.

Dahil nga sa napahiya na ako ay nakatingin lang ako sa baba at pasulyap-sulyap na lang sa magandang batang babae. Hindi na rin ako nahirapan na hanapin ang room ko dahil kahapon ay nagpunta na kami ng school at ipinamemorya na rin sa akin ni Mommy ang pupuntahan ko. Pati kung nasaan ang banyo ay alam ko na rin dahil nga sa lactose intolerant ako.

"Good Morning class! Ako si Misis Guzman ang inyong homeroom teacher." nakangiting pakilala ng maitim at hindi katangkaran na guro namin. Kulot din ang buhok ni Misis Guzman. Makapal ang labi at malaki pa ang mata. Ngunit kahit ganun pa man ang itsura ni Misis Guzman ay may tsismis na gwapo raw ang asawa nito na si Mister Guzman. Sabi nga ng mga kaklase ko na nakaupo sa likod ko ay baka ginayuma raw ni Ma'am ang mister nito.

Ako? Hindi ako mahilig sa tsismis. Ayoko sa tsismis at ayokong ma-tsismis.

"Hijo, ang gwapo mo naman!" kumikinang ang mga mata ni Misis Guzman na nakatingin sa akin. "Ang cute mo! Anong pangalan mo?"

Patay! First day of school at mukhang masisira na kaagad ang school life ko.

"Harry daw ma'am!" sigaw ng mga babae sa likuran. Bigla akong napalingon at kasama dun sa grupo ng mga babae yung babaeng maganda na nakita ko sa may gate kanina. Nakunot naman ang noo ko dahil hindi naman Harry ang pangalan ko.

"Harry ba ang pangalan mo?" tanong ni Misis Guzman sa akin at umiling ako. "Eh anong pangalan mo?"

"Po-"

"Po?"

"Por-"

"Por?"

"Portu-"

"Ay!" biglang tili ni Misis Guzman at nagulat kaming lahat. Marahang tinuktok pa niya ang ulo bago ako tinuro.

"Port, kuhanan mo nga ako ng eraser at chalk sa office. Nakalimutan ko kasi." utos ni Misis Guzman. Tinitigan ko lang si Misis Guzman dahil natumbok niya ang nickname ko. "Port nakikinig ka ba?"

Tumango ako pero ang hindi alam ni Misis Guzman ay pinagbaunan rin ako ni Mommy ng isang box ng chalk at eraser sabay alala ng rason kung bakit iyon linagay ni Mommy. "Port, Anak, makakalimutin ang mga guro dahil marami na silang iniisip kaya magdala ka ng chalk para kapag utusan ka eh nasa bag mo na lang."

Binuksan ko na ang bag ko at hinanap saglit ang chalk at eraser at nang ilabas ko ito ay mas lumaki pa ang mga mata ni Misis Guzman.

"Wow!" dumadagundong ang boses ni Misis Guzman. "I can't believe that you have chalk and eraser sa bag mo? Kaya naman pala pang-hiking ang bag mo." pa-joke na sabi ni Misis Guzman.

Hindi na lang ako umimik ngunit hindi pa ako tinantanan ni Misis Guzman.

"Baka naman may dala ka ring meter stick Port? Pero tingin ko wala kasi masyadong malaki yun para sa bag mo." pagbibiro ni Misis Guzman. Dumukot ulit ako sa bag ko at inilabas ang foldable na meter stick sabay bigay kay Misis Guzman.

Tingin ko ay daig pa ni Misis Guzman ang isang isda sa laki ng mga mata niya ngayon. Nakabukas ang bibig niya at hindi makapagsalita. Namamangha rin ang mga kaklase ko pero para sa akin ay simpleng bagay lang iyon.

Sa totoo lang ay alam ko rin ang panahon kung kelan dinadatnan si Mommy kaya isang araw bago siya magkaroon ay binibilhan ko na siya ng Whisper. Siyempre kinukuha ko ang pera sa bote na naglalagyan niya ng mga barya. Lahat ng gamot sa bahay ay kailangan ko ring bigyan ng pansin at kung naubusan na ay bibili ulit ako sa tindahan.

Lahat ng ito ay kasama sa training sa akin ni Mommy.

"Very Good Port!" sambit sa huli ni Misis Guzman. Pagkatapos nun ay nagsimula na ang unang klase namin. Wala naman akong masyadong naging problema maliban na lang nung nilapitan ako nung babaeng nakita ko sa may gate kanina.

Hindi ako masyadong nakapagsalita lalo na nang nagpakilala siya.

"Ako pala si Mina." tsaka niya ako nginitian. Cute siya kahit may isang ngipin siyang kulang.

"Port." nahihiya kong pakilala. Tsaka naman tumunog yung bell at nagsipasukan na ang mga magulang na susundo sa karamihan maliban sa akin dahil alam ko na ang pauwi. Tumakbo na nga si Mina papunta sa nanay niya. Napansin ko pa ngang tumingin sila sa akin at tinuro pa nga ako ng nanay ni Mina bago niya hinalikan sa pisngi ang anak.

Naglakad na rin ako palabas ng gate at gaya ng dati ay minemorya ang mga instructions ni Mommy.

PORT THE EXPLORER!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon