Synopsis:
Pangako ni Bea Gilladoga sa sarili na hindi magkakaroon ng puwang ang pag-ibig sa kanyang puso. Prayoridad at determinado kasi siyang makatapos ng pag-aaral upang maiahon sa kahirapan ang pamilya.
Pero isang pangyayari sa lansangan ang kanyang kinasangkutan na muntik nang tumapos ng kanyang mga pangarap. Ang pangyayaring ito rin ang nagtulak upang makilala niya si Dr. Melvin Lei. Ang doktor na tuturuang maging pasaway ang kanyang puso!
Chapter I
Disastrous meeting!
NAPAKUNOT ang noo ni Bea Gilladoga. Kung kailan naman kasi wala siyang dalang payong ay saka pa nagsimulang umambon. Hindi tuloy niya maialis sa sarili ang mainis sa balita kagabi sa telebisyon. Malinaw na inanunsyo ng weather forecaster na sisikat ang araw at napakaliit ng porsiyentong umulan sa umagang iyon. Pero heto at madilim ang kalangitan. Nagbabadya nang malakas na ulan. Hayyy! Wala talagang pag-asa ang PAG-ASA!
Hindi naman siya makabalik sa apartment para kumuha pa ng payong. Sigurado kasing kapag ginawa niya iyon, late na siya sa trabaho. Kaya minabuti na lamang niyang bilisan pa ang paglalakad. Lakad-takbo na nga ang kanyang ginawa. Kapag medyo hinihingal, lakad muna nang mabagal. Pagkatapos makapagpahinga, takbo uli. Nakapapagod at ramdam na niya ang butil-butil ng pawis na nagsisimulang gumapang sa buo niyang katawan. Panay na tuloy ang pakiusap niya sa langit na sana’y huwag munang bumagsak ang ulan. Hayaan muna siyang makarating sa terminal ng jeep at makasakay.
Medyo may kalayuan pa bago siya makarating sa terminal ng jeep kung saan naroon ang mga sasakyan patungo sa kanyang pinapasukang trabaho. Marami na rin siyang kasabay na tulad niya, lakad-takbo ang ginagawa. Nagmamadali dahil nga sa pangamba ng pagbagsak ng ulan. Madalang naman ang dumadaang traysikel dahil sa one-way lang ang daan at sadyang isang sasakyan lamang ang nagkakasyang dumaan doon sa makipot na kalsada papasok sa kanilang lugar. Kapag hindi pa nagbigayan ang nagkakasalubong na mga sasakyan, siguradong trapik agad iyon.. At kung may tiyempo mang mapadaan na traysikel, puno na o kaya ay siguradong makikipag-agawan ka para lamang masakay. Kung minsan nga ay may kasama pang balyahan na para bang nagi-iskrinan sa larong basketball. Tiningnan niya ang relo, 50-50 na ang pag-asa niyang makapasok on time sa trabaho. Malaki na ang tsansang ma-late talaga siya. Bagay na ayaw na ayaw niya. Kahit kasi sa school, hindi niya ugali ang ma-late sa pagpasok. Lalo pa ngayon at graduating na siya sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa kursong accounting. Ayaw niyang mabahiran ang napakagandang performance niya sa school pagdating sa attendance. Hindi ako male-late, hindi ako male-late, pilit niyang pinalalakas ang loob.
Sa wakas ay natatanaw na niya ang terminal ng jeep. Pero para namang nananadya at nagsimulang umambon. Saglit lang at ang tikatik na ambon ay lumakas pa at naging ulan. Basa na nga ang backpack na ginawa niyang talukbong sa ulo. Maging siya mismo ay basa na rin . Ilang segundo pa ay patawid na siya ng kalsada.
POOOOTTTTT PPPOOOTTTT
“AYYYY!!!” “’YUNG ALE MABABANGGA!!!”
SKREEETCCHHHH
Halos isang ruler lang ang pagitan ng SUV sa katawan ni Bea ay mabubunggo na siya nito. Mabuti na lang at nakapag-break pa ang sasakyan.