Chapter II
My Work
ANG Housekeeping Service Agency na pinapasukan ni Bea ang nakakuha ng kontrata sa pamahalaang lalawigan ng Rizal para sa serbisyong ipinagkakaloob ng ahensya. Ang Kapitolyo ng lalawigan ay nasa loob ng higit sa limang ektaryang Ynares Center Complex, na istratehikong makikita sa pusod ng lungsod ng Antipolo. Moderno at bago pa ang tatlong palapag na Reinessance Revival structure ng Kapitolyo. Idagdag pa rito ang basement na puno rin ng malalaking tanggapan. Sa katunayan, sa unang pagkakataon na makapasok siya sa loob nito ay napahanga agad siya dito. Malalaki at kaaya-aya ang mga opisina na lalong pinatingkad ng pangkalahatang puting kulay ng gusali. Fully air-conditioned at may 24/7 CCTV pa ang loob at labas ng gusali.
Sa ikalawang palapag, kung saan naroon ang Governor’s office ang work station ni Bea. Ka-tandem niya ang kanyang kaibigang si Cris Molina. Maliit na babae lamang ito, wala pa nga halos five feet ang taas. Medyo mataba pero maganda at maamo ang mukha. Tubong-Rizal talaga ang kanyang kaibigan. Marunong itong makisama, tulad niya, walang masamang tinapay kaya naman naging matalik agad silang magkaibigan. Mula 7:30 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon ay silang dalawa ang nagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa buong second floor. Kumukulekta ng mga basura at naglilinis ng mga basurahan sa bahaging iyon ng gusali. Hindi man nila trabaho, pero ang mga pakiusap o utos na ring maituturing ng ilang mga empleyado roon ay nakakasama na sa kanilang mga ginagawa. Pakikisama, iyon na rin ang kanilang iniisip ng mga kasamahan kahit na may ilan sa mga empleyado ang medyo nagmamalabis na sa pag-uutos sa kanila.
“May problema ba, Bea?”
“Huuh? W-wala naman, Cris. Bakit mo naitanong?”
Nagsasalansan sila noon ng mga basura na isinasalin sa malaking waste can na dadalhin nila sa labas ng gusali. “Kangina ko pa kasi napapansin na parang nakasimangot ka. Hindi ka naman ganyan, at saka na-late ka. Ano’ng dahilan, tiyak kong meron kaya ka na-late.”
Hindi na siya naglihim pa sa kaibigan. Gusto rin naman niyang may ibang makaalam noon. “May sumira kasi ng umaga ko. Muntik akong masagasaan kanina.”
“Ha?! Nasaktan ka ba? Sino?” pag-aalalang tanong nito.
“Okay naman ako. Hindi ko kilala. Mukhang mayaman kaya mayabang!”
“Ano’ng ginawa mo?”
“Hinampas ko ‘yung hood ng SUV n’ya! Kahit ba bago at mamahalin ang sasakyan n’ya hindi ako nagpasindak!”
“Ano’ng nangyari?”
“Nagalit syempre. Chinito at malaking lalaki.”
“Talaga? Buti at hindi ka inano..”
“Aba, hindi pupuwede sa akin kahit lalaki pa s’ya. Pinipilit ngang ako pa ang may kasalanan. Gago ba s’ya! Talagang sinabihan ko s’ya ng bastos!”
“Tama ‘yang ginawa mo, friend! Nakuha mo ba ‘yung plate number para naisuplong mo sa pulis!”
“Oo. PNX 985, black Mitsubishi MonteroSport. Tinandaan ko talaga. Dahil sa susunod na makita ko ang sasakyang ‘yon, naku, kahit hindi ako mahilig sa gulo masasapak ko talaga!” nagngingitngit niyang sabi.
“Kaya mong gawin ‘yon?”
“Oo naman. Hindi ka ba naniniwala sa kaibigan mo na kaya kong gawin ‘yon?”
“Naniniwala. Pero sana ang ginawa mo, sinuplong mo agad sa pulis para maturuan ng leksyon.
“‘Yun nga pala ang dapat kong ginawa para walang kawala ang mokong na iyon. Dapat na i-report ko sa pulis ng reckless driving!” napapailing niyang sabi.
“Sayang! Wala ka nang magagawa. Tapos na ang pangyayari saka mo palang naalala. Pero ang mahalaga ay hindi ka nasaktan. Okay ka lang talaga, ha?”
“Oo. Nasira nga lang ang umaga ko.”
“Hayaan mo na ‘yun! Pero teka, ano’ng hitsura nung lalaki. Guwapo ba? Sabi mo chinito, e.”
Napangiti siya sa kaibigan. “Concern ka ba talaga sa’kin o dun sa lalaking muntik nang makasagasa sa kaibigan mo?”
Biglang yakap sa kanya ni Cris. “Ikaw naman, syempre concern sa ‘yo. Curious lang ako sa hitsura nung sinabi mong chinito. Guwapo ba, friend?” excited na tanong nito.
“Hmmnnn…actually, malapitan kami kanina kaya kita ko talaga ang mukha niya. Tandang-tanda ko ang hitsura niya.”
“Okay, mukha bang artista? Sabi mo malaking lalaki at mayaman, cute ba?”
Anyong nag-isip siya. ‘Kahit galit ako noon…’yung mata niya…very expressive at ‘yung sarkastikong ngiti niya…parang gusto kong ngumiti noon.”
“Haayyy! Expressive eyes. Sarcastic smile. Parang looks ng mga bida sa mga pocketbooks na binabasa ko. Alam mo ba, friend, ‘yang disaster meeting ninyo, could turn out to be a grand set-up para sa isang romantic adventure.”
“Kaloka ka, friend. Saan mo naman nakuha ‘yan?”
“E, di sa mga romance pocketbook na binabasa ko. Alam mo naman na ‘yun ang favorite past time ko. Nangangarap din kasi ako ng prince charming na tulad ng mga nasa pocketbooks.”
“Hmp! Hindi ako naniniwala d’yan, friend. Kung may darating, kahit ano pa s’ya, tatanggapin ko. Hindi tulad ng mga prince charming sa pocketbooks mo!”
“D’yan ka muna at kukunin ko pa ‘yung ibang basura! Mamaya lang ay baka nagtse-check na si sir Dodie at mahuli pa tayong nagkukuwentuhan dito.”
“Sige.”
Nang makaalis ang kaibigan, batid niyang dalawang bagay ang hindi niya ipinagtapat dito. Una, na hindi siya siyento porsiyentong sigurado na ang lalaking sinisisi niya sa insidente kaninang umaga ang tunay na nagkamali o may sala. Maaari kasing dahil sa pagmamadali niya at nababasa na siya ng ulan ay tumawid siya ng kalsada na hindi tumitingin sa magkabilang panig ng kalsada. Pangalawa, aminado siya, ngayong binabalik-balikan niya ang mga pangyayari, guwapo ang may-ari ng SUV na muntik nang makasagasa sa kanya. Sa katunayan, very attractive ang sarkastikong ngiti nito sa kanya habang naglilitanya siya ng galit dito. Para itong si Robin Padilla sa pelikula sa mga bad boy pero good looks na pino-portray nito.
Naalala n’ya tuloy bigla ang sinabi ng kanyang kaibigan, Haayyy! Expressive eyes. Sarcastic smile. Parang looks ng mga bida sa mga pocketbooks na binabasa ko. Alam mo ba, Bea, ‘yang disaster meeting ninyo, could turn out to be a grand set-up para sa isang romantic adventure.
Nagdulot iyon ng kiliti sa kanyang puso. Bagay na agad din niyang pinawi. Wala siyang panahon sa mga ganoong bagay. Nakapinid ang kanyang puso para sa love life. Magtapos ng pag-aaral, iyon ang pokus niya sa buhay.
( SOON ON WATTPAD POCKETBOOK BY MINDMASTER PUBLISHING ABANGAN!!!)