Panimula

1.3K 48 220
                                    

Manghang-mangha ako nang tumambad sa akin ang mga naggagandahang tanawin pagkahawi ko sa mga dahon. Hindi nagsawang inilibot ang aking paningin sa kabuuan ng Paraoir, ang aming bayan. Talaga nga namang nakaaantig pagmasdan 'pag ika'y nasa tuktok dahil matatanaw mo ang mga bagay na bago sa iyong mata.

Kitang-kita ko ang pagka-berde ng mga naglalakihang mga puno na nagbibigay nutrisyon sa aking mata. Nakatatawag-pansin ang mga nagyayabungang mga puno ng buko na siyang nakadagdag sa kagandahan ng lugar. Ito ang pangunahing produkto dito sa aming bayan.

Gamit ang isa kong kamay, hinawi ko ang mga mumunting buhok na tumatabing sa aking mukha dahil sa preskong hangin na nagmumula sa himpapawid. Pumikit ako at dinama ang hanging dumadampi sa aking balat. Nakangiti kong iminulat ang aking mga mata at inilibot muli ang paningin sa kabuuan ng lugar namin.

Nakahahalinang pagmasdan!

Nahagip ng mata ko ang isang malaking bahay. Malapit ito sa dagat. Marun ang bubong nito at puti naman ang dingding na nangingintab 'pag nasisikatan ng araw. Akala ko ay isa 'tong resort dahil may malaking swimming pool na kakulay ng tubig-dagat. Medyo malayo na ito sa mga bahay-bahay. Nakahiwalay na animo'y pinasadya dahil sa metal na bakod na nakapalibot sa kabuuan nito.

Mas napukaw ang atensiyon ko ang isang pahabang gusali na nasa gilid ng malaking bahay. Isa pala 'tong lighthouse.

Sumagi bigla sa isip ko ang sinabi ni Tatay Consuelo.

"El Faro. . ." bulong ko sa hangin habang taimtim na nakatitig sa nakatayong gusali.

Noon pa man ay madalas nang makuwento sa akin ni Tatay ang gusaling ito dahil dito siya mismo nagtatrabaho bilang mekaniko at hardinero. Base sa kuwento niya at kung paano niya ilarawan ang labas at loob ng El Faro ay talaga nga namang kamangha-mangha. Pagmamay-ari ito ng mayamang pamilya, ang mga Castillo.

Kilala ang pamilyang Castillo dito sa bayan ng Paraoir dahil na rin sa sila ang nagmamay-ari ng bukohan na siyang ikinabubuhay ng bawat pamilya. Malaki ang kabuuan ng plantasyon na pinamamahalaan nila kaya daang-daang tauhan ang kailangan sa pagpreserba ng kanilang taniman. Hindi na rin problema ang panubigan sa pagpapalaki ng mga bukong tanim dahil kalapit lang nito ay isang ilog na nagdudugtong sa dagat.

Hindi ko alam kung bakit aliw na aliw akong makita ang lugar na ito, na kahit sa isip-isip ko'y malabo akong makapasok rito. Mahigpit kasi ang bantay at hindi nagpapapasok ng kong sino sino lang. Mga kakilala o 'di kaya'y mga importanteng tao lamang ang nakatatapak sa loob nito. Kamakailan lang ay may napabalitang nakawan sa loob nito kaya ganoon na lamang kahigpit ang seguridad ng lugar.

"Tina! Anong ginagawa mo diyan!?"

"Ay!"Ramdam ko ang bahagyang pag-uga ng sangang kinasasadlakan ko dahil sa gulat at paggalaw ko kaya nama'y napahigpit ang kapit ko sa isang sanga. Dahan-dahan naman akong sumilip mula doon sa ibaba at bumungad sa'kin si Nanay Corazon na nakatingala sa aking kinaroroonan.

Kitang-kita ko ang reaksiyon na namumutawi sa mukha niya. Namimilog ang mga mata nito dahil sa takot. Hindi siya makapaniwala sa nakikita nang napag-alaman nitong nasa pinakatuktok ako ng punong mangga. Iwinagayway ko ang dalawa kong kamay. "Yohooo. . . Nanay! I'm here!" Natatawang sambit ko na kahit pa sa kaloob-looban ko'y parang nalulula habang nakatanaw sa ibaba dahil sa kataasan ng puno.

Jusmiyo Corazon!

Mas lalong nanlaki ang mga mata niya nang makitang hindi ako nakakapit sa sanga. Nanggagalaiti niya namang kinuha ang panungkit ng mangga na medyo may kahabaan at saka itinapat sa akin. "Baba o susungkitin ko 'yang kipay mo!? Talagang malilintikan ka sa 'king bata ka kapag 'di ka pa bumaba!"

Against The Wind | Under RevisionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon