Usap-usapang ligaw na kaluluwa'y gumagala
Nagdadala ng takot higit sa mga bata
Sa paghalik ng mga butiki sa lupa
Kagyat na nakapinid na ang pinto't mga bintana
Noong isang gabi'y humahangos si Ka Pilang
Ang ika'y sa tulay sa kanya'y may nangharang
Hindi tao, hindi gago, at di rin tikbalang
Kundi babaeng ang paa'y nakalutang
Iba't iba ang bersiyon ng kwento
Habang isinasalin ay lumalaki ang takot ko
Paano kung isang gabi sakin ay magpakita ito?
Huwag, o huwag, baka ang puso ko'y tumakbo
Tuloy ang buhay sa bukid kapag umaga
Pagpunta sa banggerahan kapag gabi'y pauyuhan pa.
Dinig ko'y may bago na namang biktima
Ang babaeng di sumasayad ang paa sa lupa
Ngayo'y nagkayayaan sa ulingan
Ang mga kababata kong karamihan ay pinsan
Sa daan kami'y may kasabihan
Ang nasa huli'y hihilahin, ang sa gitna'y kukulbitin at ang sa huli'y pakikitaan.
Sa tatlo'y di ko alam ang pipiliin
Ako ba'y papakitaan o hihilahin?
Sa gitna nang pagkukuro-kuro'y di ko na napansin
na sila'y nag-uwian na't mga paikit ay nakayupyop na rin
Mga tunog sa paligid ay biglang nawala
Tila pati hangin ay biglang nahiya
Mga balihibo ko sa batok ay tumayo mula sa pagkakatihaya
Ano ito't ang mga buto ko'y nanguluntoy na yata?
Sa banda roon sa likod ng mga payang-payang
Mga dahong gamit na pang-iwang
Ay may kaluskos akong naulinigan
Ulirat ko'y nais na akong takasan
Ang tunog ay pahapyaw na lumapit
Animo'y mga yapak na sa tuyong daho'y umiipit
Mainga't, madahan, at nakakatakot
Saka napatingala't napatingin sa buwang bilog
Bakit gay-on kabilis ang oras?
Tila kiridang patikad na paluwas
Baka naman ito'y hindi multo't ahas
Ngunit bakit ang kaluluwa ko'y nais tumakas?
Pagkurap ko'y biglang nagbago
Mga halakhak ay nakarinig ako
Biglang-bigla't sa tulay ako'y nakatayo
At kaharap ang kinatatakutang multo
Ano't saka tinakasan ng takot?
Kung kailan ako'y dapat nanghihilakbot?
Ang multo'y mukha namang tao
At marunong magsuklay ng buhok
Hindi nakaputing saya sa halip ay asul na pajama
Nakaputing blusa, kayumanggi't, ang labi'y kakulay ng makopa
Mata'y di nanlilisik gaya ng sa mga pelikula
Mga paa nga lamang ay nakaangat sa lupa
Sino ka? Ang tangi kong naibulalas
Huwag kang matakot, ang sabi niya't, di ako mapangahas
Kayrami pa niyang ipinamalas
Ngunit isang bagay lamang ang tumatak sa akin ng tahas
Ako'y naririto upang ipabatid sa iyo
Na takot ay iwaksi na sa puso mo
Kung di mo naaalala'y ipapaalala ko sa iyo
Sa tula'y na ito ikaw ay ginahasa't niyabog ng bato.
Abno ang karaniwang terminong tawag sa iyo
Paano'y huli ang utak, sa paglaki mo
Panggagahasa't pagpatay ay madaling nagawa sa iyo
Ako ang multo, at ikaw ay ako.
----------------------------------------------------------------------
This is not mine. I've just read it on someones facebook. She is Khuey Garces.
http://www.facebook.com/notes/khuey-garces/sa-amin-ay-may-kababalaghan/10150508539983165
