Isang Libo

50 16 3
                                    


Isang Libo

TINATAMAD na bumangon si Danica mula sa kariton at saka nag-unat.

Alas-6:00 pa lang ng madaling araw ngunit kailangan na niyang bumangon, maghahanap pa siya ng makakain. Mayroon pang panis na laway ang gilid ng kaniyang labi na natuyo na lamang, may muta pa ang kaniyang mga mata at sabog-sabog ang buhok pero hindi man lang siya nag-abalang mag-ayos pa.

Tumayo siya at nagsimulang maglakad-lakad, nang makakita ng basurahan ay dali-dali niya itong hinalungkat, nagbabaka-sakaling may makitang tira-tirang pagkain doon. Imbes na pagkain ang makita, kakaiba ang natagpuan niya.

"AAAAAHHH! HALIMAW! May halimaw sa basurahan!" Habang nagsisisigaw si Danica, paatras siya nang paatras patalikod. Samantalang ang mga tao sa kaniyang paligid ay nawiwirduhan habang nakatingin sa kaniya.

"AAAHH!" Walang tigil ang pagsigaw niya hanggang sa makarating siya sa babaeng nagwawalis sa di-kalayuan. Hinawakan niya ang balikat ng nakatalikod na babae sabay sabing, "Ate, may halimaw sa basurahan! Grabe, nakakatakot 'yung mukha niya! Nakita ko sa hugis parisukat na bagay."

Nagtatakang lumingon ang babae, 'ano bang kabaliwan ang pinagsasasabi nito?' ­bulong nito sa sarili.

"Anong―" naputol ang sasabihin ng ale nang makita niya ang babaeng nangangalabit. "AAHHH! Ikaw ang halimaw!" Nagmadali itong tumakbo palayo, ultimo ang hawak niyang walis-tingting ay kaniyang nabitawan. Naiwan namang nakatanga si Danica sa gitna ng parke. Kinamot niya ang magulong buhok habang tinatanaw ang aleng kumaripas ng takbo.

"Ang sama naman ng babaeng 'yun! Ang ganda-ganda ko, paano 'ko magiging halimaw?" Muli siyang naglakad, hindi na niya muling binalikan pa ang basurahan kanina. "Mahirap na, baka makita ko na naman 'yung halimaw," wika ng dalaga sa sarili.

Umaawit ang dalaga habang nag-iikot sa parke. Kapansin-pansin ang mga nag-jo-jogging sa paligid, nagsu-zumba at ang ilang bata nama'y naglalaro sa palaruan. Makikita rin ang mga puno at ilang bench sa tabi-tabi.

"Let it go! Cannot hold you enymor! You neber bi kray!" Natatawa na lamang ang nadaraanan niyang mga tao, lalo na kapag naririnig ng mga ito ang boses ng dalaga, sintunado na, mali-mali pa ang lyrics. Hanggang sa nadaanan niya ang grupo ng kabataan sa isang gilid. Ang lakas ng tawa ng mga ito habang tinuro-turo pa siya.

"Teka, bakit sila tumatawa? Siguro gandang-ganda sila sa boses ko! Aba, magpapasalamat muna ako sa fans ko." Huminto siya sa tapat ng mga ito. Inipit ang ilang hibla ng buhok sa likod ng tenga at saka ngumiti. Lumabas ang nangingitim niyang ngipin. Para itong tinapay na inaamag, tinalo pa ang mga ngipin ng isang bulok na bangkay.

"Hi, fans! Salamat at nagustuhan n'yo ang pagkanta ko." Hindi pa doon natatapos ang lahat dahil nilapitan niya ang magkakaibigan. Isa-isa niya itong kinamayan habang nagsasabi ng, "salamat." Nang matapos, kaagad na napakunot ang noo ng dalaga nang mapansing wala ng malay ang mga ito. Napakamot siya sa ulo kaya't nangitim bigla ang dulo ng kaniyang mga daliri. "Siguro lullaby sa tenga nila 'yung pagkanta ko, kaya sila nakatulog." Nakangiting umalis si Danica. Ganoon talaga ang nangyayari kapag may kinakausap siya―bigla na lamang nahihimatay.

Iniisip niyang nagagandahan ang mga iyon sa boses niyang mala-anghel, ngunit ang hindi niya alam, nakamamatay talaga ang baho ng kaniyang hininga.

MAYROONG isang lalaki ang palakad-lakad sa parke. Suot ang shades nitong basag ang kaliwang salamin, puting sando na nangitim na rin dahil hindi nalabhan ng isang taon at shorts na kupas. Maangas itong naglalakad na akala mo pagmamay-ari niya ang buong lugar ngunit kung titignan, halatang taong kalye ang naturang binata. Nagyayabang ang kaniyang bigote na nagsisimula ng humaba. Tanghaling tapat na ngunit wala pa ring laman ang tiyan niya, kanina pa kumakalam ang sikmura, bagay na labis kinaiinisan ng lalaki. Napabaling ang tingin nito sa batang kumakain sa ilalim ng puno.

MemoirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon