ISINARA ni padre Agape ang Doctrina Christiana at padabog na ipinatong sa ambo ng simbahan. Inilibot nito ang paningin at binigyan ng matalim na titig ang mga mamamayan ng La Campana na dumalo sa misa."Ang babae at lalaki lamang ang nilikha ng Diyos. Ang babae ay nilikha para sa lalaki at ang lalaki naman ay para sa babae. Ang pagtaliwas sa iyong itinakdang kasarian ay pagsuway sa salita ng Diyos. Ang umibig sa kaniyang kapwa kasarian ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos!"
Takot na yumukod si Elian na nakaupo sa huling hanay ng mga silya ng ang matalim na titig ng pari'y sa kaniya napukol.
"Hindi pag-ibig ang nararamdaman ng dalawang taong pareho ang kasarian, ito ay pakiramdam na likha ng demonyo upang iligaw ang kanilang mga landas! Tinutukso lamang kayo ng demonyo sapagkat nais nilang mapunta at masunog ang inyong kaluluwa sa impiyerno!"
Lahat ay napangiti at tumango, maliban kay Elian. Nais niyang paniwalaan ang pari, sang-ayunan ito tulad ng nakararami, subalit maraming katanungan ang sakaniya'y gumugulo.
"Sinabi ba talaga ito ng Diyos? Akala ko ba ang lahat ng kaniyang nilikha ay mahal at tanggap niya."
Napabuntong hininga siya, naguguluhan sa kung ano ang paniniwalaan. Sa mundong puno ng kasinungalingan, kay hirap nang tukuyin ang katotohanan.
Tapos na ang misa subalit apektado pa rin si Elian ng sermon ni Padre Agape. Binabaybay ni Elia at ng kaniyang ama na si Don Camilo ang daan patungo sa tarangkahan ng simbahan, kung saan naghihintay ang kanilang kalesa.
"Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong nahuhumaling sa kaniyang kapwa kasarian. Iniisip ko pa lamang ay kinikilabutan na ako. Kalapastanganan sa pangalan ng Diyos!" Napangiwi si Don Camilo na tila ba isang malubha at nakakahawang sakit ang tinutukoy nito.
Ilan sandali pa'y, ngumisi ito. "Nakita ko ang palihim na pagsulyap sa'yo ni Padre Agape. Maging siya ay pinaghihinalaan kang binabae" batid ni Elian na galit ang kaniyang ama at pilit lamang hinihinaan ang tinig upang makaiwas sa eskandalo.
Yumuko na lamang siya't piniling huwag magsalita. Batid niyang walang saysay magpaliwanag dito sapagkat hindi rin naman ito nakikinig.
"Ayusin mo ang iyong mga kilos, ilang ulit ko ng sinasabi 'yan sa'yo..." napahinto si Don Camilo sa pagsasalita, nang yumukod at magbigay pugay ang mga tao sa kanilang paligid.
"Magandang hapon ho Don Camilo" pagbati ng isang matandang lalaki. Itinapat nito ang sumbrerong buri sa kaniyang dibdib at yumukod habang binigyan lamang ito ng matalim na titig ni Don Camilo.
Si Don Camilo Sarmiento ang Gobernadorcillo ng La Campana. Nasa edad animnapu't lima. Matangkad at may makisig na pangangatawan sa kabila ng kaniyang katandaan. Kulay abo na ang buhok nito at balbas na may walong sentimetro na ang haba.
Kilala si Don Camilo sa matapang na pamumuno dahilan upang katakutan ng lahat. Hindi takot pumatay o mamatay. Malupit na kamatayan ang naghihintay sa lahat ng kumalaban sa kaniya.
"Huwag kang lalampa-lampa. Ayaw ko ng makarinig pa ng mga usap-usapan patungkol sa'yo." Dumikit ito sa kaniya at madiin siyang hinawakan sa braso. "'Wag mo ng hintayin pang isali kita sa hukbo, Elian." patuloy nito at binitawan ang kaniyang braso.
Nangingilid luha hinawakan ni Elian ang namumula niyang braso. Sanay na si Elian. Madalas siyang saktan ni Don Camilo subalit kahit anong pilit niyang magpaka-tatag ay 'di niya pa rin maikubli na siya'y nasasaktan.
BINABASA MO ANG
Ginoo (BL)
Ficción históricaIn 1812, the town of La Campana, there is a legend about a bell that sank beneath the sea. It is said that whoever hears its sound will experience something magical. The bell rings, heard by Elian and suddenly the world stops moving except for one p...