"Manahimik, Makinig, Matuto"

59 0 0
                                    

Magandang umaga! Bago ako magsimula, maaari ko bang mahiram sandali ang inyong mga bibig, tenga, at isip? Mayroon lamang akong mahalagang impormasyong ipababatid.

Bakit nga ba tila sa panahon ngayon, hirap na hirap tayong mga kabataan na itikom ang ating mga bibig. Bawat sandali ay may kuda. Bawat saglit ay lagi na lamang may nasasabi. Sana minsan, naiisip din natin kung may katuturan pa ba ang mga salitang namumutawi sa ating bibig. Dahil kung wala rin namang matinong sasabihin, manahimik na lamang. Alam n’yo bang napakamakapangyarihan ng katahimikan? Sapagkat nagagawa nitong likhain ang kapayapaan, hindi lamang sa ating sarili, kundi pati na rin sa ating komunidad. Nasobrahan na tayo sa ‘Kalayaang Makapagpahayag’. Unti-unti nang itinataas ng ‘Katahimikan’ ang puting watawat, simbolo ng pagkatalo mula sa kaingayan ng mundo. Sana ay matuto tayong simulan ang katahimikan sa ating sarili, sapagkat sa katahimika’y madarama natin ang presensya ng Panginoon.

“Makinig ang may pandinig,” isang berso na nagmula sa Bibliya. Maaaring nabasa at napakinggan n’yo na rin ito, ngunit naisaisip at naisapuso n’yo na rin ba? Sa pakikinig sa isang tao, kinakailangan na ang tagapakinig ay may malawak na pang-unawa. Hindi ‘yung pagpasok sa isang tenga ay lalabas sa kabila. Ang pakikinig ay nangangahulugang pagbibigay pagkakataon sa isang tao na maipahayag n’ya ang kanyang mga saloobin o damdamin. Sa pakikinig ay may matututunan. Sa pakikinig ay may maiintindihan. At sa pakikinig ay maaaring may mabuong pagkakaibigan.

Sa kabilang banda, kung pansin n’yo na sa taon-taong pagdadagdag ng ating edad ay nadaragdagan din ang ating mga kaalaman, mula sa simpleng ABaKaDa at isa, dalawa, tatlo, hanggang sa iba’t ibang panitikan, dokumento, at mga pormula at kalkulasyon na kung iisipin ay talaga namang nakawiwindang ng utak. Isa sa mga karapatan natin bilang mga kabataan na tayo ay makapag-aral. Sabi nga ng karamihan sa mga magulang, “Anak, tanging edukasyon lamang ang maipamamana namin sa iyo,” dahil sinasabi ring, “Ang edukasyon ang susi sa ating tagumpay.” Ang pagkatuto ay hindi lamang dapat isaisip, ito rin ay nararapat na isapuso sapagkat mananatili itong dala-dala natin hanggang sa ating pagtanda. Araw-araw tayong natututo at araw-araw din tayong nagbabago. Gawin nating makabuluhan ang buhay sa mundo, manahimik, makinig, at matuto.

"Manahimik, Makinig, Matuto"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon