Some says they know me,
But how did they know me
if I didn't even know myself.SUMMER FUENTEZ
Natigilan ako. Tila nanigas ang mga paa ko. Alam kong naging maingat ako sa bawat kilos ko. Lahat ay kilala ako bilang si Andrea Mendoza. Pero paanong ang isang estranghero ay kilala ako?
Humarap ako sa kanya. Kaswal lang siyang nakatayo at nakapamulsa. Pilit akong sarkastikong tumawa. "Lolokohin mo na lang ako, nabisto ka pa. Hindi Summer ang pangalan ko. Andrea. Andrea ang pangalan ko."
Ngumisi siya sa akin. "Mangpapanggap ka na lang, nakilala ka pa. Ikaw si Summer. Summer Fuentez ang pangalan mo." Panggagaya nito sa tono ng pananalita ko.
Lalo akong natigilan. Alam niya ang buo kong pangalan. Pero paano?
Tumalikod ako at sa huling pagkakataon ay nagsalita. "Kung sino ka man, nagkakamali ka sa pagkakakilala sa 'kin. Hindi ako ang Summer na tinutukoy mo. Patay na ang taong 'yun." At tsaka ako tumakbo paalis.
Hindi ko na nakita ang lalaking hinahabol ko. Hindi na rin ako bumalik sa bahay kung saan mayroong patay na babae. Natatakot akong bumalik. Wala rin namang magagawa ang salita ko. Walang ebidensya para maituro ang salarin. Hindi ko rin nahabol ang lalaking 'yun kaya walang saysay ang pagtestigo ko. Ayoko na ring madamay sa gulo.
Sa halip ay dumiretso na lang ako sa bahay. Patay na ang ilaw kaya baka tulog na ang kaibigan ko. Inangat ko ang paso sa gilid ng pinto ng bahay. Doon nakatago ang duplicate ng susi. Kung sakaling naka-lock na ang pinto at gabi na ako makakauwi ay palagi lang na nasa labas ang isa pang susi.
Pagpasok ko ay binuksan ko ang ilaw. Halos mapatalon ako sa gulat nang makita ko si Zinjie sa kusina. Umiinom ito ng tubig na kinuha sa ref.
"Oh, Zinj? Ba't gising ka pa?" Pagdaka'y tanong ko na lang sa kanya. Mabilis pa rin ang tibok ng puso ko. Siguradong magiging magugulatin ako dahil sa mga nangyari.
"Hmm. Kadarating ko lang kasi galing trabaho. Nag-OT kasi ako." Nakangiti nitong paliwanag. Kumuha siya ng dalawang plato at inihain sa mesa. "Tara, kain muna tayo. Midnight snack na 'to." Natawa ako dahil hindi pa ako naghahapunan. Nauwi na lang sa midnight snack ang hapunan ko.
Umupo ako at sinaluhan siya sa pagkain. Ilang minuto ang lumipas nang basagin ko ang katahimikan.
"Zinj, kanina habang pauwi ako..." binitawan ko ang hawak na kutsara't tinidor. "May nakita akong patay." Biglang nasamid si Zinjie. Agad kong inabot sa kanya ang baso ng tubig. Nahimasmasan naman siya nang makainom. "Ayos ka lang?" Tumango siya bilang sagot.
"S-saan mo nakita? B-bakit hindi ka nagsumbong sa mga pulis?" Nauutal niyang tanong. Umiling ako.
"Baka ako pa ang paghinalaan nilang pumatay. Tsaka ayokong bumalik, natatakot ako." Bumuntong-hininga ako. "Sa isang bahay sa Pascual Street ko nakita. Babae. At nakita ko 'yung killer." Sumeryoso ang mukha ni Zinjie na ipinagtaka ko.
"Buti hindi mo naisipang sundan 'yung killer. Masyadong delikado. Kilala pa naman kita. Masyadong malakas 'yang loob mo." Kung alam mo lang, Zinj. Muntik ko na siyang mahuli. Kung hindi lang talaga dumating 'yung bwisit na lalaking 'yun.
Kumunot ang noo ni Zinjie. Nagdududa ang tingin. "Bakit parang hindi ka nagsasabi ng totoo, Andrea? 'Wag kang mangingialam sa mga gano'ng bagay. Gusto mo na bang magpakamatay?" May halong pag-aalala ang boses niya. Pero lamang ang awtoridad doon.
Tumango lang ako. Itinaas ang kanang kamay na parang namamanata. "Promise. Hindi na ko mangingialam sa mga gano'ng bagay."
~*~
8:24 ng umaga ako nagising dahil sa tilaok ng manok. Malamig ang simoy ng hangin na ikinatayo ng balahibo ko. Bumangon ako sa kama at inabot ang hoodie jacket ko. Isinuot ko ito at tsaka pumasok sa banyo para magsipilyo.
Pagkababa ko ay naabutan ko si Zinjie sa kusina na nagluluto. Magaling magluto si Zinjie.
"Hmm, sarap naman n'yan." Nakangiti kong papuri sa kanya. Ngumiti lang rin siya at nagpatuloy sa pagluluto. Umupo naman ako sa sofa sa sala.
Maliit lang ang apartment na tinutuluyan namin. Pagpasok mo ay makikita mo na agad ang sala at kusina. Magkadugtong lang ito. Katabi ng kusina ang CR. Sa taas ay isa lang ang kwarto. May double deck na kama kami. Si Zinjie sa taas at ako sa baba.
"Kumusta ang trabaho?" Napatingin ako sa kanya ng magsalita siya.
Mapait akong ngumiti. "Ayos lang. Nage-enjoy naman ako." Pagsisinungaling ko. Nakatalikod siya sa akin kaya hindi niya ako makikita.
"Mabuti kung gano'n." May bahid ng kaluwagan sa tono ng boses niya. Masaya siyang okay ako.
Pero ang totoo hindi ako okay.
Dalawang taon na mula nang magkakilala kami ni Zinjie. Siya ang tumulong sa 'kin noong mga panahong wasak na wasak ako. Tinulungan niya akong makahanap ng trabaho. Pero hindi pa nagtatagal ay nasesante ako. Nakaaway ko kasi ang pamangkin ng may-ari kaya nasibak ako sa trabaho. Nung gabing 'yon ay may nakilala akong isang tao na nagpabago ng buhay ko. Nagkaroon ulit ako ng trabaho. At iyon ay ang pagnanakaw.
"Sikwe-sikwenta lang! Bili na kayo!"
"Bili na kayo, Ate. Masarap 'tong tinda ko."
"Kuya, bagay sa inyo 'to oh! Bilhin niyo na!"
Masikip, maingay at magulo. Ayoko talagang pumupunta ng palengke. Naglakad ako sa gitna ng maraming tao. Halos siksikan na ang mga tao dahil sa maraming tinda sa palengke. Linggo ngayon kaya dagsa ang mga tao dahil araw ng tyangge.
Tuwing araw ng tyangge ay araw din kung kailan tiba-tiba ako sa sahod ko sa trabaho.
Lumapit ako sa isang babaeng nasa 40 na ang edad. Marami siyang dalang bayong at hindi rin magkandadala sa dala niya. Kinalabit ko siya na siyang ikinalingon niya.
"Ate, kailangan niyo ho ba ng tulong?" Nakangiti kong pag-anyaya. Napangiti rin siya at tumango.
"Oo, e sa dami nereng pinamili ko hindi ko na madala lahat. Pwede mo ba 'kong tulungan, ineng?" Masaya akong tumango. Tch. Uto-uto.
Binuhat ko ang dalawang bayong na malaki at ang isang malaking plastic bag. Naiwan sa kanya ang isa pang bayong at plastic bag. "Sasakay ho ba kayo ng tricycle? Ihahatid ko ho kayo hanggang do'n." Sabi ko sa kanya. Tumango ito at itinuro ang sakayan.
"Hanggang doon nga sana, ineng." Tumango lang ako at ngumiti. Hanggang do'n ka na lang magiging masaya. Dahil mamaya, lagot ka.
Nang makarating kami sa sakayan ng tricycle ay ipinasok ko ang mga pinamili niya sa loob ng tricycle. Pagkaraan ay nagpunas ako ng pawis sa noo. Humarap ako sa ale.
"Ayos na ho. Pwede na ho kayong umuwi." Ngumiti ako sa kanya. Napalitan ng ngisi nang makita ko siyang maglabas ng wallet. Nakita ko pa kung gaano kakapal ang mga pera niya sa wallet. Kumuha siya ng isang daan mula ro'n. "Oh, ineng. Sa 'yo na ito. Para 'yan sa pagtulong mo sa 'kin. Salamat, ha?" Nakangiti niyang ini-abot ang isang daan sa 'kin. Hawak niya pa rin ang wallet niya kaya napatingin ako doon.
"Isang daan lang? Ayoko niyan. Masyadong maliit." Ngumisi ako at ibinaba pa ang sumblerong suot. "Gusto ko ay ito." At mabilis na hinablot mula sa kanya ang wallet. Kumaripas ng takbo at natawa na lang nang marinig ang pumapalahaw niyang sigaw.
"MAGNANAKAW!!"
BINABASA MO ANG
After The Rain
Romance"I hope that AFTER THE RAIN, the tears in my eyes will wash away." -Summer