Hinanakit

78 14 2
                                    

Parang kailan lang noong bata pa ako;
Kailan lang noong ako'y musmos pa.
Sa mga usapan, mga kalokohan, mga pagbibiro,
Lagi po tayong magkasundo, magkasama.

Naaalala pa ninyo po ba?
Nakatatak pa rin po ba sa isip ninyo na dati lang ay malapit tayo sa isa't isa?
O ako na lang po ang nag-iisang nakakaalam, nakakaalala?

Hindi ko po alam kung bakit nagkaganoon.
Hindi ko po alam kung bakit humantong sa ganito.
Hindi ko po alam kung bakit kailangan pang magkaroon ng pader sa pagitan nating dalawa.
Hindi ko po alam kung bakit.

Mga katanungang hindi masagot-sagot nang basta-basta,
Hanggang sa isang araw, "Ah, alam ko na."

Sa unti-unting pagtanda ko,
Napapalayo na po ako sa inyo dahil kayo ay nag-iiba na;
Kayo po ay nag-iba na tila hindi ko na kayo kilala.
Nasaan na po ba iyong marunong umintindi at marunong makinig?
Saan na po napunta?
Inyo na po bang ibinaon dahil kayo ay umangat na?
Sana ay hindi na lang ninyo pinasok ang magulong mundo ng pulitika.

Hindi na po tayo nagkakasundo;
Hindi nagkakasundo hanggang sa humantong sa sumbatan at pagtatampo.
Umaabot pa sa hindi pagpapansinan hanggang sa puntong nagtatanim na po ako ng galit sa inyo.

Galit ako hindi dahil sa hindi po ninyo ako naiintindihan,
Madalas na nakasara ang isip ninyo.
Gustong-gusto ninyong lagi kayong tama,
Laging tama kahit naman mali.
Gusto ko po kayong itama ngunit ano?
Kadalasan, hindi po ninyo ako pinapakinggan,
Pero ba't po ganoon?
Kapag sa ibang tao nanggagaling ay pinapaniwalaan ninyo;
Bakit kung sino pa po iyong hindi ninyo kadugo, siya pang tingin ninyong nagsasabi ng totoo?

Masakit pong isipin na nawawalan na kayo ng tiwala sa akin.
Paglabas lang kasama ang mga kaibigan ko, hindi po kayo agad papayag;
Napakalabag sa loob ninyo na sumagot ng "Oo".
"Punta ka lang mag-gala" lagi pong bukambibig ninyo.
Pati kahit para naman sa gawain sa paaralan,
Sasabihin ninyong nagpapalusot lang ako.
Dahil ba sa alam po ninyo ang ugali ng mga kabataan ngayon?
Kagaya po ba nila ako?
Ako po ba sila?

Ano po bang nagawa ko?
Alam ko pong marami akong kamalian ngunit sapat po bang dahilan ang mga iyon?

Naging sunud-sunuran na nga po ako,
Pati nga iyong gusto kong maabot ay isinusuko ko dahil mas mahalaga kayo.
Kung minsan, nananahimik na lang,
Pinagbubutihan ko po sa pag-aaral,
Hindi ko na nga rin po magawang maging masaya nang walang alinlangan.
Hindi ko na po magawang magkuwento ng mga pinagdadaanan ko sa iyo.
Nakakatawa nga po dahil mas may alam pa ang mga kaibigan ko kaysa sa inyo.

Subalit, ba't po gano'n?
Ginagawa ko naman po lahat kahit na hirap na hirap na ako pero ba't parang wala lang?
Kung minsan, tinatanong ko ang sarili ko, "Kadugo ba niya talaga ako?"
Pakiramdam ko, kapag nagkakaroon po tayo ng pagtatalo, parang bumabalik po ako sa simula.

Pinipigilan ko ang mga luha ko sa harapan ninyo kasi gusto kong patunayan na matatag ako,
Na ayaw ko nang marinig sa inyo ang mga salitang "Ang drama mo."
Hindi ninyo lang po nakikita ngunit nagiging iyakin ako sa tuwing tatalikod ako.
Dali-daling maghihilamos at magpapanggap na nagsasabon lang ng mukha para 'di ipahalata sa inyo.

Halos isumpa ko na po kayo.
Minsan, hinihiling ko na sana hindi na lang kayo ang kinalakihan ko.
Bawat sugat,
Masakit,
Sobrang sakit.

Nasasaktan po ako sa tuwing nasusumbatan kita,
Nasasaktan po ako sa tuwing nakakarinig ng 'di magagandang salita,
Napakasakit po rito . . . sa puso ko,
Tumatatak po sa isipan ko.

Minsan, gusto ko po kayong kausapin;
Gusto kong ilabas po lahat ng dinadamdam ko sa inyo,
Ngunit kahit gaano ko man gustuhin, hindi ko magawa-gawa.
Sa tuwing kaharap ko kayo,
Namimilipit ang dila ko na tila nawawalan ako ng boses at nauubusan ng sasabihin,
Kaya't akin na lang kinimkim.

Tuluyan na talaga po ba kayong nagbago?

Nakikita ko pa rin sa inyo iyong dating kayo.
Siguro nga, ako lang po iyong may mali;
Maaaring minamasama ko po kayo dahil siguro, pati ako ay nagbago.
Patawad.

Sana lang po, bumalik na po tayo sa dati.
Sa mga usapan, mga kalokohan, mga pagbibiro,
Lagi po tayong magkasundo, magkasama.
Nangungulila na po ako sa iyo.

Hinanakit (Completed)Where stories live. Discover now